CHAPTER EIGHT
“SO, baby girl. Where do you want to go?”
Nakasimangot na binalingan ni Lia ang mga kasama niya. Ang inaasahan niya ay si Omid lang ang kasama niyang aalis at magliliwaliw pero ang nangyari, sumama sa kanila sina Leo at Amani. Mabuti na nga lang at umuwi na ang kanyang ina at hinayaan na silang mag-bonding nang sila-sila lang. Iyon naman ang gusto niya, hindi ba? Ang maka-bonding ang kakambal niya? Bakit ngayon, naga-alboroto siya?
“Sa impyerno, kasama kayong dalawa ni Amani.” pabalang na sagot niya at eksaheradong inirapan ito.
“Mukhang ayaw tayong kasama ni Liandra. Istorbo daw tayo sa date nila ni Omid.” nanga-alaskang wika ni Amani.
“Shut up, Amani!” saway niya sa kaibigan pagkatapos ay bumaling siya kay Omid na nakangising nakatingin din sa kanya habang nakahalukipkip. “What?” asik niya sa binata.
Itinaas nito ang dalawang kamay at painosenteng kumurap-kurap pa habang nakatingin sa kanya. “Nothing. You just look cute when you’re irritated and angry.”
Natameme siya sa sinabi nito. At ang sira ulong puso niya, hayun at nag-react din. “You’re sweet, Omid. Ganyan ang mga lalaking kailangan ng kapatid ko eh. Pero pasensya ka na kung medyo mahihirapan ka dito sa dalaga namin, madaming hang-ups sa buhay ‘to eh.” Inakbayan pa siya ng talipandas na kapatid na siniko lang niya.
“Shut up, Leonardo. Ano bang problema n’yo at kung ano-ano ang sinasabi n’yo kay Omid? We’re friends, assholes.” asik niya at padarag na inalis ang braso nitong nakapaikot sa balikat niya.
“Ano naman ang masama? At ano ngayon kung magkaibigan kayo? Bakit, hindi ba puwedeng ma-develop kayo sa isa’t-isa? Grabe ka naman, Liandra. Hindi mo ba gusto ‘tong si Omid? Mukhang okay naman siya ha? Kung ako lang ang tatanungin mo, boto na ako dito.” Si Omid naman ang inakbayan nito.
“Alam n’yo, nasira na ang araw ko. Wala na akong ganang makipag-bonding sa kahit na sino sa inyo. Kung gusto n’yo, kayo na lang ang magsama-sama. Uuwi na ako.” aniya bago tumalikod at nagmartsa palayo sa mga lalaking walang ginawa kundi buwisitin siya. Bahala ang mga itong umuwi nang nagco-commute. Kotse naman niya ang ginamit nila papunta doon.
Nasa tapat na siya ng elevator nang marinig niya ang pamilyar na boses na tumawag sa kanya pero hindi siya lumingon.
“Lia!” hinihingal pang tawag ni Omid sa pangalan niya.
Pero hindi pa din siya tuminag at hinihintay pa din na magbukas ang elevator. Bakit ang tagal yata?
“Look, I’m sorry kung napikon ka sa panga-asar namin sa’yo. Nakikisakay lang naman ako sa kapatid mo at kay Amani. Hindi ko naman kasi alam na hindi pala okay sa’yo ang inaasar ng ganoon.” paliwanag nito.
“Inaasar ka sa’kin, hindi ka ba naiinis? Hindi ko nga matagalan kapag inaasar ako ng dalawang iyon nang magkasama, ikaw pa? Kung ibang lalaki iyon, baka nag-walk out na o mas malala sinuntok ang dalawang gagong iyon.” nanggigigil namang sagot niya. Hinarap niya ito, salubong ang mga kilay at nagngingitngit pa din siya.
“Ayaw mo bang inaasar ka sa kahit na sinong lalaki o sa’kin lang?” kaswal na tanong nito, nagtatanong ang mga mata.
Natigilan siya. Hindi nga niya inisip ang nararamdaman niya. Ang agad na pumasok sa isip niya nang asarin siya ng kapatid at kaibigan niya sa binata ay ang mararamdaman nito. Alam naman kasi niya ang mga lalaki, pagdating sa mga commitments at pakikipag-relasyon ay allergic ang mga ito. She should know, ganoon si Leo bago nito nakilala ang asawa nito. At madalas din ay ganoon si Amani kapag inaasar niya ito sa mga babaeng baliw na baliw dito.
Bumuntong-hininga ito. “Magkaibigan tayo, Lia. Normal lang naman ang mag-asaran sa magkakaibigan, hindi ba? Alam ko iyon dahil ganoon ako sa mga kaibigan ko. At nakikita ko naman kung paano kayo mag-asaran at magkulitan ni Amani kaya ang akala ko okay lang iyon sa’yo.”
Napakurap-kurap si Lia. Are they really having this kind of conversation? At bakit parang hindi magandang pakinggan ang sinabi nitong magkaibigan lang sila. Iyon naman ang totoo, ano ang inaarte niya?
Because you like him. For the first time in forever, you actually manage to like someone. You’re just scared to admit it. sagot ng isang bahagi ng isip niya.
Napalunok siya. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Mukhang naka-in character yata siya at kinakausap niya ang sarili niya. Worst, pakiramdam niya ay nagkakagusto na nga siya sa isang lalaki sa unang pagkakataon.
“Kung napikon ka man sa’kin, sorry na. Umalis na sina Leo at Amani. Sinabi nilang sundan kita at ituloy na natin ang lakad natin nang hindi sila kasama. Pero kung ayaw mo na talaga, uuwi na lang din ako.”
Tinitigan lang niya ang binata. Ano ba ang dapat niyang sabihin? Dapat pa ba nilang ituloy ang lakad nila o hindi na?
“Okay.” She found herself saying.
Nagsalubong ang mga kilay nito. “Okay, what?”
“Okay, ituloy na natin ‘to.” Totoo bang iyon ang gusto niya?
Huminga ito ng malalim at tumango. “Okay, let’s go.” at bago pa siya muling makapagsalita ay hinawakan na siya nito sa braso at iginiya sa kung saan.
Just the mere touch of his hand on hers made her realize that she really like the guy. As in, for real.
Oh, God!
STRAY WOLVES’ training resumed. Hindi mapuknat ang ngiti sa labi ni Omid kahit na ba tirik na tirik ang araw at halos kalahating araw na silang takbo lang ng takbo.
These past few days were the best days of his life in the Philippines. Hindi man niya inaasahan ang mga pakiramdam na sunod-sunod na bumulaga sa kanya, kakatwang hindi man lang siya nakakaramdam ng kahit na anong takot o pagkabahala.
Siguro, kasi hindi mo naman iniisip kung ano ang mayroon sa inyo ng nagpapasaya sa’yo kahit na araw-araw naman kayong magkasama.
He and Lia have been going out for a week now. Well, as friends of course. They did a lot of things together. Like going to Enchanted Kingdom where he rode that scary Anchor’s Away for the first time. Pakiramdam niya noon ay dumeretso na sa langit ang kaluluwa niya habang nakasakay sa buwis-buhay na ride na iyon pero nang maramdaman niya ang paghawak ni Lia sa kamay niya, biglang naging kalmado ang pakiramdam niya. He suddenly felt safe… just because the woman beside him held his hand.
Ang totoo ay natatakot na siya sa nararamdaman niya. Ngayon lang niya hinayaan ang sarili na mag-acknowledge ng ganoong pakiramdam at sa bawat araw na tumitindi iyon, nadadagdagan din ang takot niya. Aware naman kasi siya sa mga pag-ibig na hindi nagtatagumpay. Mga relasyong hindi nagtatagal. Mga taong nasasaktan. Sa situwasyon nila ni Lia, siguradong isa sa kanila ang masasaktan. At nasisiguro niyang siya iyon. Aware naman kasi siya sa takot ng dalaga sa maraming bagay. Na-kuwentuhan na siya ni Amani tungkol sa mga hang-ups nito kaya nga natatakot siya. Dahil sa takot ng dalaga na masyadong ma-attach sa mga tao, hindi nito napapansin na nakakasakit na din ito. At iyon ang ikinatatakot niya.
Gusto na nga niyang iwasan si Lia. Ilang beses na niyang naiisip iyon dahil patindi nang patindi ang nararamdaman niya para dito. Pero hindi naman niya magawa dahil ayaw sumunod ng puso niya sa gusto ng isip niya. Kaya heto siya ngayon, ine-enjoy na lang ang mga ginagawa nila nang magkasama kahit na ba nanganganib ang puso niya. Kuntento naman siya sa pagkakaibigang mayroon sila ni Lia.
Ipokrito! You want more from her. You want all of her. But you’re afraid to get hurt because you know; she spells C-O-M-P-L-I-C-A-T-E-D!
“Hey!”
Binagalan ni Omid ang pagtakbo dahil sa pagtapik sa balikat niya. Nang bumaling siya sa kanyang tabi ay sina Amani at Misagh ang nakita niya. “Yes?”
“Can we talk to you after training? We just need to clarify some things.” kaswal naman ang tinig ni Amani pero kakikitaan ng kaseryosohan at determinasyon ang mga mata nito. Nang balingan naman niya ang matalik na kaibigan ay paga-alala ang nakikita niya sa mga mata nito.
Nagkibit-balikat lang siya. “Sure.” simpleng sagot niya. Nang tumango si Amani at nagpatiunang tumakbo ay napahugot na lang siya ng malalim na hininga. Kung ano man ang pagu-usapan nila, may kutob siya na hindi maganda ang kalalabasan niyon.
PADARAG na umupo si Lia sa sofa at isinandal ang ulo sa headrest niyon. Hayun na naman ang pagpitik sa magkabilang sentido niya. Ilang araw na din niyang nararamdaman iyon, hindi lang talaga niya pinapansin. Ganado kasi siyang mag-trabaho at kapag nasa ganoong mood ang isip niya, walang kahit na anong sakit ang nakakapigil sa kanya sa pagta-trabaho.
Isa pa sa mga nakakapagpa-motivate sa kanya ay ang kaalamang magsisimula na ang shooting ng pelikula ng pinakabago niyang naisulat na script. Ganoon lang kabilis. In-edit lang ng isa pang script writer ang gawa niya pagkatapos ay inaprubahan na iyon ng direktor at agad na nagpa-audition ng mga artistang bagay sa mga karakter ng kuwento.
Medyo kinilig pa siya nang malamang si Enrique Gil at Liza Soberano ang gaganap sa mga karakter ng isinulat niyang kuwento. Crush kasi niya ang dalawa at gusto niyang makita ang mga ito sa personal kaya excited siya. Libre kasi siyang makapunta sa set kung gugustuhin niya.
Pero sa kalagayan niya ngayon, may pakiramdam siyang hindi siya basta-basta makakapag-liwaliw. Mukhang kailangan niyang ipahinga ang sakit ng ulo niya para makagala ulit siya sa lalong madaling panahon.
Napangiti siya nang maalala si Omid at ang mga ginawa nila noong isang linggong bakasyon nila. Naglaro ng arcade sa mall, nagpunta sa Enchanted Kingdom, nag-foodtrip sa Hepa Lane sa Recto, nag-football sa Sparta, nag-gym nang sabay, lumamon ng Ice cream sa Maginhawa, Quezon City, nag-kuwentuhan at nagbigay ng mga sentimyento tungkol sa mga kuwentong naisulat niya at nag-basketball sa Quantum. Mula nang araw na pikunin siya ng kapatid at matalik na kaibigan ay hindi na siya ginulo ng mga ito.
Araw-araw pa din siyang pinupuntahan ni Amani at nilulutuan ng pagkain kung sakaling mag-request siya o tamarin at nang nakaraang araw ay ito ang nag-linis ng apartment niya. Dahil nagta-trabaho siya ay nagkulong lang siya sa kanyang silid. Si Leo naman ay araw-araw din niyang kausap sa cellphone. Ina-update siya nito tungkol sa asawa nito at kinukuwentuhan tungkol sa naging buhay nito mula nang umalis ito ng bansa. Sa makalawa kasi ay babalik na ang mga ito sa Japan para balikan ang trabaho ng mga ito.
The days she spent with Omid were by far the happiest days of her boring life. Sa unang pagkakataon ay ine-entertain niya ang ideyang may taong hindi siya iiwan kahit na ano pa ang ugaling mayroon siya. Sa unang pagkakataon ay nawalan siya ng pakialam sa paniniwala niyang ‘People come and Go’. At iyon ay dahil lang kay Omid at sa papalalim na nararamdaman niya para dito.
She didn’t know that she has the ability to love someone other than her family and her best friend. At hanggang ngayon ay hindi pa din siya makapaniwala na sa dinami-dami ng teammates ni Amani sa Stray Wolves at sa dami ng mga lalaking nakakasalamuha niya sa iba’t-ibang book signing na napupuntahan at mga artistang nakita na niya, sa isang hindi inaasahang tao pa tumibok ang puso niya at ito pa ang nakapagpa-realize sa kanya na may kakayahan pala siyang magmahal.
Mahal? Sigurado ka na talagang mahal mo siya? paniniguro ng isang bahagi ng isip niya.
Yes. Surely, I know love when I feel it. Nagsusulat ako ng mga love stories, hindi ba? sagot naman ng kabila.
Napailing-iling na lang siya bago inabot ang cellphone niyang nakapatong sa side table. Tiningnan niya iyon at lalong lumuwang ang ngiti niya nang makita ang lock screen. Nang mapunta naman sa home screen ay lalo siyang napangiti na kung makikita siya ng ibang tao, siguradong iisipin ng mga itong nababaliw na talaga siya. Litrato kasi nila ni Omid ang ginawa niyang lock screen at home screen ng cellphone niya. Hindi pa nga siya nakuntento at ginawa pa niya iyong wallpaper ng laptop niya.
Para ganahan akong mag-trabaho kahit anong oras.
Sinubukan niyang tawagan ang binata ngunit hindi nito sinasagot ang tawag niya. Ipinagkibit-balikat lang niya iyon, baka busy lang ito katulad noong mga nakaraang araw. O baka nakikipag-bonding lang ito sa mommy nito kaya hindi nito sinasagot ang mga tawag niya. Kaya nagpadala na lang siya ng text message dito.
Ilang sandali din niyang tiningnan lang ang aparato ngunit nang walang reply ay bumuntong hininga na lang siya bago ibinaba iyon sa tabi at tumingin sa kisame. Ilang araw na din silang hindi nagkakausap at nagkikita. Naging abala din kasi siya sa pagtatapos ng nobela at sigurado siyang ganoon din ito. Nabalitaan kasi niya mula kay Amani na puspusan ang training na ginagawa ng mga ito ngayon dahil lalaban ang mga ito sa Singapore Cup tatlong linggo mula sa araw na iyon. Kaya nga ayos lang sa kanya kahit na hindi sinasagot ni Omid ang mga tawag niya.
Sigurado ka, okay lang sa’yo? Hindi ka disappointed o nagtatampo?
Bakit ko naman mararamdaman ang mga iyon, friends lang naman kami?
Friendzoned ka, ‘dzai!
Tumayo na lang siya at nagtungo sa kusina para mag-hapunan. Hindi na niya hihintayin si Amani at baka abala din ito katulad ng kaibigan nito. Dala lang marahil ng sakit ng ulong nararamdaman niya kaya para siyang timang na nasisiraan ng bait nang mga sandaling iyon. Iiinom lang niya iyon ng gamot at itutulog, kinabukasan ay siguradong magaling na siya.
Pupuntahan na lang niya ang mga ito sa training kapag natapos na niya ang bagong istoryang isinusulat niya.
0 thoughts on “Unexpected Love”