CHAPTER SIX
HINDI lumabas ng bahay si Lia maghapon. Ni hindi siya nag-abalang lumabas kahit halos sirain na ni Amani ang pinto ng apartment niya nang sumapit ang gabi. Ikinabit kasi niya ang bolt ng extra lock para siguradong hindi siya nito masermunan.
Mabuti na lang at kahit paano ay may naitatabi pa siyang mga lulutuing pagkain sa refrigerator kaya hindi siya magugutom. Pinatay din niya ang kanyang cellphone para kung sakaling tumawag ang kahit sino sa mommy o best friend niya ay hindi siya mademonyong sagutin iyon.
Hindi niya inasahan na makita ang kakambal niya. Sana man lang ay na-brief siya ng mommy niya sa mangyayari para kahit paano ay maihanda niya ang sarili sa muli nilang pagkikita. Medyo malaki ang naging kasalanan niya kay Leo at kung puwede lang, gusto niya, kapag muli silang nagkita ay handa na siyang humingi ng tawad dito at itama ang mga pagkakamali niya.
Inabala na lang ni Lia ang sarili sa pagta-trabaho. Mabuti na nga lang at naka-tatlong chapters pa siya bago siya tamaan ng antok. Kahit naman hindi niya pinapansin ang matalik na kaibigan ay hindi niya balak na takasan ito sa araw ng laban ng Stray Wolves. She won’t miss it for the world. At kahit na kailan, hindi niya ginawa ang mag-absent sa kahit na anong laro ng team.
Tanghali na nang magising si Lia kinabukasan. ‘Tsaka lang niya binuksan ang cellphone niya. Napangiwi pa siya nang sunod-sunod na magdatingan ang mga messages. Karamihan sa mga iyon ay galing kay Amani, galing sa mommy niya at galing sa isang numero na nang buksan niya ay napagtanto niyang galing sa kakambal niya. So, matatapos na ang maliligayang araw ng pagtatago niya? Guguluhin na din ni Leo ang nananahimik niyang kaluluwa at wala na siyang magagawa kundi ang harapin talaga ito?
Inilapag niya ang cellphone sa night stand ‘tsaka bumangon at nagsimulang kumilos. Sa bahay ni Amani na lang siya kakain kung sakaling nandoon pa ito. Kadalasan kasi ay maaga itong umaalis kapag game day dahil nagte-training pa ang mga ito bago pumunta sa RMS.
Nang matapos mag-ayos ay tinawagan niya ang kaibigan na isang ring pa lang ay sinagot na agad nito. “Ano, buhay ka pa? Pati ba naman ako talagang tinaguan mo pa? Ni-lock mo pa ng maayos talaga ang bahay mo para hindi ako makapasok, ano? Anong gusto mong palabasin sa ginawa mong iyan? Ha, Liandra Camaro?”
Napangiwi na lang si Lia pagkatapos mag-litanya ng kaibigan niya. “Itatanong ko lang sana kung nasa bahay ka pa at kung may pagkain ka pa diyan. Makikikain sana ako at makikisabay na din ako sa pagpunta mo sa stadium.” naga-alangang sabi niya. Ito ang pinaka-malapit sa kanya kaya ito na ang una niyang aaluin. Hindi dapat ito nas-stress dahil may laban ito, baka iyon pa ang maging dahilan ng pagka-distract nito.
Sandaling natahimik sa kabilang linya. Inakala pa nga niyang binabaan na siya nito kaya kinailangan pa niyang tingnan ang screen ng cellphone niya. Ibabalik pa lang niya sa tainga ang aparato nang marinig na niya ang boses ng kaibigan sa labas ng bahay niya.
“Omid is here, open your door. Nandito na ang pagkain mo para hindi ka na mahirapang lumabas pa ng bahay mo.” malakas na sabi nito.
Napangiti siya, hindi talaga siya matitiis ni Amani. Mabuti na lang talaga at kasama niya ito kaya hindi siya nahihirapan sa buhay niya.
Tinapos na niya ang tawag pagkatapos ay nagmamadaling binuksan ang pinto. May naga-alalang ekspresyon sa mukha ni Omid samantalang si Amani naman ay hindi maipinta ang mukha. Niluwagan niya ang pagkakabukas ng pinto para makapasok ang mga ito.
Kinuha ni Amani kay Omid ang dala nito ‘tsaka sila nilagpasan at nagtuloy-tuloy na sa kusina. “How are you? Okay ka na ba? Ang sabi ni Amani, hindi ka daw lumalabas ng bahay mo simula nang makauwi ka kahapon. Samantalang noong nagkita tayo, nakangiti ka pa.” naga-alalang anito.
Tinapik niya ito sa braso at nginitian ng matamis. Kakatwang hindi na siya nababahala sa kakaibang reaksiyon ng puso niya kapag nasa malapit ang binata. Para bang nasasanay na din siya sa bilis ng tibok ng puso niya at sa kakaibang kuryenteng dumadaloy sa sistema niya kapag nagdadaiti ang mga balat nila ng binata.
“I’m okay, don’t worry. Nag-trabaho lang ako, that’s all. Hindi n’yo ako dapat inaalala dahil may game kayo ngayong araw. Dapat nagre-relax kayo.” aniya.
“Kung ayaw mong mag-alala kami, tigilan mo ang pagtataboy sa mga tao kapag may problema ka.” malakas na sabad ni Amani mula sa kusina.
“Shut up, Amani!” saway niya dito. Hindi ba nito naiisip na may ibang tao silang kasama na hindi dapat nakakaalam ng personal na buhay niya? Muli niyang hinarap si Omid, pinanatili ang maluwang na ngiti sa labi. “Let’s eat. Sasabay na akong magpunta sa RMS para hindi ko na dadalhin ang kotse ko.” yaya niya dito. Umabrisite pa siya sa braso nito bago ito hinila sa kusina.
SHE DEFINITELY has a problem.
Hindi mapigilang mabahala ni Omid sa narinig niyang sinabi ni Amani kaninang nandoon sila sa bahay ni Lia. May problema ito na hindi nito gustong malaman ng ibang tao. Hindi alam ni Omid kung bakit ganoon pero hindi naman din siya puwedeng magtanong. Bago pa lang silang magkaibigan ng dalaga at ayaw niyang masabihan na pakialamero kung sakaling magtanong siya ng napaka-personal na bagay tungkol sa buhay nito.
Papunta na sila nang mga sandaling iyon sa RMS sakay ng kotse ni Amani. As usual, nasa back seat na naman siya pero ang kaibahan lang, kasama na niya doon si Lia. Marahil ay iniiwasan nitong lalong ma-sermunan ng kaibigan kaya doon ito pumuwesto. Hindi pa din kasi maipinta ang mukha ng lalaki na kahapon pa niya napansin.
Nang maghiwalay sila ni Lia ay nakasalubong nilang mag-ina si Amani kasama ang ina at kakambal ni Lia. Napag-alaman niyang iyon pala si Leo, ang minsang pinag-usapan nina Amani at Lia. Nag-alala siya sa dalaga nang malaman niyang nag-walk out ito sa lunch date nito kasama ang pamilya nito. At halos doon na nga siya natulog sa bahay ni Amani dahil tinutulungan niya itong gumawa ng paraan para mabuksan ang bahay ng dalaga ngunit sa huli ay hinayaan na lang nito ang kaibigan. Sinabi nitong kapag nahimasmasan na si Lia, lalabas din ito sa lungga nito.
Sayang nga lang at kaunti lang ang oras na nagkakilala ang mama niya at si Lia. Gusto pa naman ng kanyang ina ang dalaga. Ikinagulat niya iyon dahil hindi ang mama niya ang madaling mag-warm up sa ibang taong kakikilala pa lang nito ngunit ang dalaga, hindi pa man din nagtatagal na nakikilala ng kanyang ina ay nakuha na agad ang loob nito. Kung paano iyon nangyari, hindi na lang niya inusisa ang ina dahil baka bigyan pa nito ng ibang kahulugan ang pagtatanong niya.
Bakit, ayaw mo bang isipin ng iba na may something sa inyo ni Lia? tanong ng isang parte ng isip niya.
Iyon ang tanong na paulit-ulit na umiikot sa isip niya hanggang sa makarating sila sa stadium.
“Tumabi ka na lang kina Iyah, okay? Doon kita pupuntahan mamaya. Iiwan ko sa’yo ang cellphone ko, baka mawala na naman.” ani Amani sa dalagang tahimik lang na tumango.
“Puwedeng iwan ko na lang din sa’yo ang cellphone ko? Para hindi din ako ma-paranoid?” singit niya sa usapan ng dalawa.
Nakangiting bumaling sa kanya si Lia at tumango. Hinatid nila ito sa mga kaibigan nito bago bumaba sa locker room kung saan nandoon na ang mga teammates nila.
Gusto niyang lalong mapalapit kay Lia. Gusto niyang kahit paano ay magbukas din ito ng damdamin sa kanya, baka sakaling matulungan niya ito kung ano man ang pinagdadaanan nito. Mukhang kailangan nito ng tulong dahil kahit na pagiging matapang ang ipinapakita nito o ang pagiging masayahin, nang dahil sa mga nalaman niya mula kay Amani ay may pakiramdam siyang may itinatagong malalim na pinagdadaanan ang dalaga.
At normal lang naman sa magkaibigan ang nagtutulungan kapag may problema, hindi ba?
Weh? Talaga ba? Eh di wow, sabi mo eh.
Napabuntong-hininga na lang siya. Kailangan niyang mag-focus sa laro nila kaya mamaya na lang ulit niya iisipin ang dalagang unti-unti na yatang nakakapasok sa puso niya.
HALOS hindi humihinga si Lia habang nanonood ng laro ng Stray Wolves laban sa matinding katunggali ng mga ito, ang Phantom Lions. Punong-puno ang stadium dahil sa larong iyon kaya masyadong maingay ang paligid. Dahil bukod sa nagkakaingay na mga manonood, may mga banda pang dumating ang kalaban nilang team.
Ang Phantom Lions at ang Stray Wolves ang pinaka-magaling na kuponan sa Philippine Football kung by clubs ang paglalabanan. Mas mayayaman nga lang ang mga fans ng kabilang team kaya naa-afford ng mga ito ang mag-arkila ng banda. As for their team’s fans, they were okay. Hindi naman importante sa club ang kung ano-anong pagpapasikat o pagpapayamanan ng ibang kuponan, ang mahalaga ay ang suporta ng mga taong naniniwala sa talent ng mga kasapi ng football club.
Napatayo si Lia nang makuha ni Omid ang bola. “Go, Omid!” sigaw niya, with matching talon-talon pa.
“Maghunusdili ka, Lia! Umupo ka nga at may mga nanonood sa likod mo.” hinila siya ni Elyza paupo.
Sa halip na pansinin ang kaibigan ay hindi niya inalis ang tingin sa field habang pumapalakpak. Malakas din ang kabog ng dibdib niya habang pinagpapasa-pasahan ng mga players ang bola. Nang maka-goal si Misagh ay hindi lang siya ang napatayo kundi ang lahat ng fans ng Stray Wolves.
“Let’s go, Stray Wolves. Let’s go!” sigaw nila.
“Ang galing talaga nila! At ang guwapo ng pagkaka-goal ni Misagh!” kinikilig na tili ng isang babae na nasa taas nila.
“Oo nga! Lalo siyang nagiging pogi sa paningin ko. Grabe!” ani naman ng isa pa.
Napatingin siya sa mga kasama niya bago muling ibinalik ang tingin sa field kung saan nagkakasaya ang mga players. Hindi na bago sa pandinig niya ang mga ganoong komento sa mundo ng football. Kahit saang sport naman ay may mga ganoon talagang fans. Na parang mas tinitingnan pa ang hitsura ng mga players kaysa sa talento ng mga ito sa paglalaro. Noong una ay naiinis pa siya pero kalaunan ay nakasanayan na din niya iyon.
Pinagsalikop ni Lia ang mga kamay habang nagpapatuloy ang laban. Kung sakaling matalo ng Stray Wolves ang Phantom Lion ay iyon ang magiging unang beses na matatalo ang huli. Palagi kasing draw ang nagiging resulta ng laro. Mukhang nasa kondisyon naman ang team na sinusuportahan nila kaya sana lang, sa pagkakataong iyon ay manalo na ang mga ito.
“CONGRATULATIONS!”
Isang mahigpit na yakap ang isinalubong ni Lia kay Omid nang umakyat ito sa grandstand. Ito ang tinanghal na Man of the Match dahil sa hindi matatawarang bilis at galing nito sa paglalaro.
Five-nil ang full time score ng laban, tatlo doon ay si Omid ang naka-goal. Ang isa ay si Misagh at ang isa naman ay si Aly.
“Thank you, Lia!” mahihimigan ang saya sa boses nito nang gumanti ng yakap. Hinaplos pa nito ang nakalugay niyang buhok.
“Ouch, inuna pa si Omid kaysa sa’yo Tatay Amani!”
“Oo nga, mukhang napalitan ka na ha?”
“Ano, aabangan na ba natin ‘to sa labas? Mukhang pumo-porma na kay Lia.”
“Kilatisin na iyan. Balatan ng buhay kung kinakailangan. Nakayakap na agad kay Lia nang walang permiso sa’yo, ‘Tay?”
Salubong ang mga kilay na kumalas si Lia mula sa pagkakayakap kay Omid at binalingan ang mga nagsalita. Halos lahat pala ng players ay nakaakyat na sa grandstand including her best friend. At lahat ng tingin ng mga ito ay nasa kanya at sa binatang kayakap niya kani-kanina lang.
“Anong eksena naman iyon, guys?” nakataas ang isang kilay na tanong ni Misagh. Seryoso ang mukha nito ngunit kumikislap naman sa kapilyuhan ang mga mata.
“May dapat ba kaming malaman? Bakit may payakap-yakap na kayong nalalaman ngayon?” tanong naman ni Aly.
“At nauna mo pa talagang niyakap si Omid kaysa kay Amani? Well, that’s new.” nakangising komento naman ni Dominic.
“Guys, stop it! Para kayong ewan. Masaya lang si Lia dahil nanalo tayo. ‘Wag n’yong bigyan ng malisya ang simpleng yakap na iyon.” saway ni Omid sa mga ito.
Ramdam na ramdam ni Lia ang pagi-init ng buong mukha niya. Ngayon lang kasi pumapasok sa isip niya ang ginawa niya at ngayon lang din niya napagtanto na iyon ang unang beses na ginawa niya iyon sa isang bagong kaibigan.
Pasimple niyang sinulyapan si Amani na tahimik lang na nakatingin din sa kanya. Mukhang gusto din nitong magtanong pero ayaw nitong makisali sa panga-asar sa kanya ng mga kaibigan nito. Nasa mukha din nito ang nagsasabing hindi siya tutulungan nito o ipagtatanggol sa mga nanga-asar sa kanya.
Nakaingos na inirapan lang niya ito at hinarap ang mga isip-batang lalaki ng Stray Wolves. “Cut it out, guys. Ang mabuti pa, manlibre na lang kayo dahil nanalo naman kayo. Gusto kong kumain sa mamahaling restaurant sa BGC, please.” sinamahan pa niya iyon ng malambing na ngiti.
Napaungol ang mga ito. “May date pala ako ngayon, pass muna ako.” ani Yannick.
“Ako din, kailangan kong umuwi ng maaga. Masakit na ang katawan ko.” segunda naman ni Marco.
“I think I’ll pass too, Lia. Uuwi ako kina mommy ngayon.” sabi ni Amani pagkatapos ay binalingan nito si Omid. “Please take her home, bro. Ikaw na ang bahala sa kanya, okay?” bilin nito sa binata. Wala namang kahit na anong negatibo siyang nase-sense sa kaibigan, mukhang may tiwala naman ito sa kaibigan nito.
Natigagal siya. Si Amani, hindi siya isasabay pauwi at iiwan siya kay Omid nang mag-isa? Seryoso ba ito?
“Mukhang may basbas naman pala ni Tatay.” tinapik ni Charly si Omid sa balikat. “Enjoy, bro. Ingatan mo iyan, binigyan ka na ng permiso ni Tatay Amani.”
Hanggang sa isa-isang magsialisan ang mga ito ay hindi pa din siya gumagalaw sa kinatatayuan. Talaga bang iniwan siya ni Amani kay Omid? “’Te, aalis na din kami. Magdi-dinner pa kami ni Iyah at may pagu-usapan kami.” paalam ni Elyza sa kanya. Hinalikan siya ng mga ito sa pisngi at pagkatapos magpaalam kay Omid ay umalis na din.
“Okay lang naman kung ayaw mong sumama sa’kin pero hindi ko naman hahayaan na umuwi kang mag-isa. Pinagkatiwala ka kasi sa’kin ni Amani.” narinig niyang sabi ni Omid kaya napabaling siya dito. Nakangiti naman ito ngunit may kung ano sa mga mata nito na nagsasabing disappointed ito.
“No, no. It’s okay. Nagulat lang talaga ako, hindi ko kasi alam na uuwi siya ngayon sa parents niya. Let’s go, kain na muna tayo bago umuwi.” Wala sa sariling kumapit pa siya sa braso nito at hinila na ito.
Mukhang kailangan nilang mag-usap ng kaibigan niya. Ite-text na lang niya ito o kaya ay pupuntahan niya ito mamaya sa bahay nito.
0 thoughts on “Unexpected Love”