Download Story.

close

Unexpected Love

Written By: Ian       |       Story Status: Completed
Posted By:
Ian

CHAPTER FIVE

BIYERNES nang araw na iyon at dahil walang training sina Omid, halos alas-diyes na siya ng umaga bumangon. Ang plano niya ay magpapahinga siya buong araw para mai-kondisyon din ang buong katawan at isip niya sa laban nila kinabukasan. Ayon kasi sa teammates niya, ang makakalaban nila ay pangalawa sa pinaka-magaling na football team sa league kaya kailangan ay nasa kondisyon ang kanyang isip at katawan.

            “Anak, hindi ka pa ba kakain ng breakfast? Aba’y anong oras na, nandiyan ka pa sa higaan mo.” anang malakas na tinig ng kanyang ina mula sa labas ng silid.

            Malapad siyang napangiti bago nag-inat at tumayo. “Lalabas na po, maliligo lang po ako.” sagot naman niya. Natagpuan na lang niya ang sarili na pakanta-kanta habang naliligo. Hindi pa siya nakuntento, sinasabayan pa niya ng pag-indak ang pagkanta.

            Nang matapos ay lumabas na siya ng silid. “Good morning, mommy kong maganda!” masiglang bulalas niya. Naaamoy na niya ang nilulutong ulam kaya alam niya kung saan pupuntahan ang ina. Agad niya itong niyakap mula sa likuran at hinalikan sa tuktok ng ulo. “Kumusta naman ang maganda kong mommy?”

            He heard his mother snorted. “Maganda ba talaga? Mukhang iba na ang maganda para sa’yo.” nasa himig nito ang pagtatampo.

            “Mommy, ikaw pa din ang pinaka-magandang babae para sa’kin. Kung sino man ang sinasabi mo, pangalawa na lang iyon.” panunuyo niya. Sino ba ang sinasabi nito? Imposible namang si Lia dahil kahit isang beses ay hindi pa niya naikuwento sa ina ang tungkol sa dalaga.

            Pinatay ng mommy niya ang kalan pagkatapos ay humarap ito sa kanya, bumitiw tuloy siya sa pagkakayakap dito. Sumandal siya sa kitchen counter at humalukipkip. “Ginamit ko ang laptop mo kagabi dahil kinausap ko ang kapatid mong pasaway pagkatapos ay nakipag-skype din ako sa daddy mo. Nakita ko ang picture ng isang magandang babae na wallpaper ng laptop mo.” naniningkit pa ang matang wika nito, animo tinitingnan ang bawat reaksiyong lalabas sa mukha niya.

            Napasimangot siya at pumalatak. “Sabi ko naman kasi sa’yo,  huwag mong basta bubuksan ang laptop ko, mommy. Madaming sex videos akong na-save doon, baka ma-eskandalo ka lang.” kunwari ay disappointed na reklamo niya. Hindi ugali ng mommy niya na pakialaman ang kahit na anong gamit niya. Nagsasabi ito kapag gagalaw ito ng kahit anong paga-ari niya, pero hindi naman siya nababahala talaga na nakita nito ang babaeng wallpaper ng laptop niya. Hindi pa lang siya handang sabihin dito ang tungkol doon.

            Hinampas siya nito sa braso at nanlalaki ang mga matang dinuro siya. “Ikaw na bata ka, tigil-tigilan mo ako sa mga kalokohan at ka-pilyuhan mo! Alam kong hindi ka nagtatago ng kung ano-anong sinasabi mong scandal sa mga gadgets mo!” nanggigigil pa ito habang sinasabi iyon.

            Natawa naman siya ng malakas. Hinila niya ang ina at niyakap ng mahigpit. “Mommy, joke lang iyon. Hinding-hindi ako magtatago ng kahit na anong scandal sa mga gadgets ko na makikita mo, okay? At iyong babaeng sinasabi mo, she’s my new friend. Her name is Liandra Camaro. Best friend siya ni Amani. Okay na po ba iyon?” kilala nito ang mga temmates niya kaya hindi na niya kailangang magpaliwanag pa.

            Naningkit ang mga mata nito nang muli siyang bumitiw sa ina. “Kaibigan mo? Kaibigan mo pero wallpaper ng laptop mo? Kailan ka pa nag-wallpaper ng mga kaibigan mo? Ako ba pinaglololoko mo, Omid?”

            “No, mom. Kaibigan ko lang talaga si Lia. Idol ko iyon, mommy. Writer iyon at dahil nalaman mo na ang tungkol sa kanya, ipapahiram ko sa’yo ang mga nabili kong DVD movies na siya ang sumulat ng kuwento pati na din ang mga libro niya. Siguradong matutuwa ka sa kanya. Lalo na siguro kapag nakilala mo siya ng personal. Nagfa-fanboy lang po ako kaya siya ang ginawa kong wallpaper.” may pagmamalaki pa sa tinig niya at lalo siyang napangiti. Kinindatan niya ang ina pagkatapos ay inabala na niya ang sarili sa paghahanda ng agahan nila. Ipapasyal na muna niya ito sa araw na iyon, pambawi lang sa mga araw na busy siya sa training… at sa ibang bagay.

“SURPRISE nga kasi iyon. May surprise bang sinasabi?”

            “Mommy, sabihin mo na kasi. Bakit kailangang kasama pa si Amani sa lakad natin ngayon? Hindi puwedeng tayong dalawa lang?” nakasimangot namang tanong pa din ni Lia sa ina.

            Kasalukuyan silang nasa Venice Grand Canal sa Taguig para sa diumano ay sorpresa daw nito sa kanya. Ang ipinagtataka niya, bakit kasama pa nila si Amani gayong plano ng kaibigan na umuwi sa bahay ng mga ito para dalawin ang mga magulang kaya lang ay bigla itong hinatak ng mommy niya nang dumaan ito sa kanya para magpaalam.

            “Syempre, para madagdagan ang audience. ‘Tsaka puwede namang umuwi si Amani sa kanila pagkatapos ng game nila bukas, ‘di ba hijo?” malapad ang ngiting binalingan ng kanyang ina ang binata na kakamot-kamot lang sa batok na tumango at ngumiti.

            Iiling-iling na pumalatak naman siya. “Dapat tinitigilan mo na ang pag-spoil kay mommy. Matuto kang humindi sa kanya kundi aabusuhin ka talaga niyan.” sawata niya sa kaibigan.

            “Hayaan mo na, titingnan ko din kung ano iyong surprise ng mommy mo sa’yo. Nakapag-text na din naman ako kay mommy na mapo-postponed ang pagdalaw ko sa kanila.” paliwanag naman nito na tinapik pa ang tuktok ng ulo niya.

            Eksaheradong sinimangutan lang niya ito at nagpatuloy na sila sa paglalakad. Kung ano man ang sorpresa sa kanya ng ina, siguraduhin lang nitong matutuwa siya dahil kung hindi ay talagang magwo-walk out siya kesehodang magalit ito sa kanya.

SA ISANG chinese restaurant sila pumasok. Inasiste pa sila mismo ng manager ng naturang establisimyento papunta sa isang VIP Room.

            “Mommy, ano ba talagang kalokohan ‘to?” bulong niya sa ina nang makapasok sila sa silid. Inilibot niya ang paningin sa kinaroroonan at gusto niyang mamangha dahil sa simple ngunit eleganteng hitsura niyon. Ang homey lang ng pakiramdam kaya nabawasan kahit paano ang kabang nararamdaman niya dahil sa kung ano man ang pina-plano ng kanyang ina.

            “Secret nga. Umupo na tayo at siguradong papasok na din dito ang mga hinihintay natin.” utos nito sa kanila ni Amani.

            Hindi niya hinayaang humiwalay sa kanya ang kaibigan kaya bago pa nito maisipang umupo sa tabi ng mommy niya, hinila na niya ito sa braso para piliting umupo sa tabi niya.

            Inirapan at sinimangutan lang siya nito ngunit hindi naman nagsalita. Animo may anghel na dumadaan sa bawat minutong lumilipas at walang kahit na sino sa kanila ang nagsasalita. Hindi alam ni Lia kung bakit kinakabahan siya sa bawat paggalaw ng kamay ng wall clock na nasa taas lang ng pinto ng silid kaya inalis na lang niya doon ang tingin at inilibot sa kabuuan ng kuwarto.

            Animo nasa isang conference room lang naman sila pero ang intimate ng ambience. Animo ang motto ng silid na iyon ay ‘ang kung ano man ang mangyayari sa apat na sulok ng silid na ito ay hindi maaaring makalabas sa pagitan ng mga taong gagamit nito’. Medyo creepy ang mga pumapasok sa isip niya pero kakatwang may nabubuong senaryo sa isip niya habang inililibot ang tingin sa silid. Napangiti siya, mukhang magiging abala na naman siya sa mga susunod na araw.

            Natigil lang siya sa ginagawa nang dahan-dahang bumukas ang pinto at ang hindi niya inaasahang tao ang bumungad sa kanya. Nawala ang ngiti sa labi niya habang hindi inaalis ang tingin sa taong nakatayo sa may pintuan. Unti-unti niyang nararamdaman ang paninikip ng dibdib pero hindi naman niya magawang huminga ng malalim sa hindi malamang kadahilanan.

            Napakurap-kurap siya nang maramdaman ang madiing pagpisil na iyon sa kamay niya. Kunot-noong ibinaling niya ang tingin sa katabi na kakikitaan ng paga-alala ang buong mukha. Hindi ito nakatingin sa kanya kundi sa mga bagong dating ngunit hindi pa din nakaligtas sa kanya ang nararamdaman nito. Hindi man magsalita si Amani ay nararamdaman niya ang paga-alala nito sa kung ano marahil ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

            “Surprise, Liandra!” masayang bulalas ng mommy niya.

            Nagbaba siya ng tingin at ilang beses na huminga ng malalim. Anong ginagawa ng kakambal niya doon? Hindi ba’t nasa ibang bansa ito kasama ang napangasawa nito? Kailan pa ito nakabalik ng Pilipinas? Hindi ba nakakaramdam ng awkwardness ang mommy niya sa muli nilang pagkikita ng kapatid gayong alam naman nito kung ano ang nangyari sa kanilang dalawa ni Leo? O wala lang talagang halaga dito ang nararamdaman niya?

            Ang daming mga tanong na umiikot sa utak niya na nagpapasakit ng ulo niya. Pakiramdam din niya ay unti-unting sumisikip ang kanina ay magandang silid at nahihirapan siyang huminga.

            “Sorry, we’re late. Medyo nahirapan lang akong humanap ng parking space.” narinig niyang hinging paumanhin ni Leo. Narinig din niya ang pagsara ng pinto at ang mga yabag palapit sa mesang kinaroroonan nila. Ayaw niyang mag-angat ng tingin sa takot na makita ang kasama ng kapatid niya. Sa tingin ni Lia ay wala siyang mukhang maihaharap sa mag-asawa pagkatapos ng ginawa niya sa mga ito noon na muntik nang maging dahilan ng paghihiwalay ng mga ito.

            Napalunok siya. Hindi na niya kaya ang paninikip ng dibdib na nararamdaman niya. Kapag hindi pa siya umalis sa lugar na iyon, pakiramdam niya ay maipapahiya lang lalo niya ang sarili sa harap ng mga kasama kaya dali-dali siyang tumayo.

            “Sorry, I need to go. May appointment pala ako ngayon, nakalimutan ko lang. Enjoy your day, everyone.” tuloy-tuloy na sabi niya bago mabilis na naglakad palapit sa pinto. Hindi na siya nag-abalang hintayin ang sagot ng mga ito at basta na lang lumabas ng silid. Halos lakad-takbo na nga ang ginawa niya makalayo lang agad sa lugar na iyon. Bahala na kung saan siya dalhin ng mga paa niya, basta hindi lang siya makikita o mahahagilap ng kahit na sino sa mga kasama niya.

            Hindi alam ni Lia kung ilang minuto na siyang naglalakad, basta hindi siya tumitigil at wala siyang partikular na direksiyong tinatahak. Hindi din niya alintana ang mga taong nakakasalubong niya. Wala din naman siyang pakialam sa kahit na ano at sino nang mga sandaling iyon. Kailangang kumalma muna siya at makapag-isip ng maayos dahil nakikita pa din niya sa isip ang mukha ng kakambal maging ng asawa nito noong mga panahong nasa bingit ng alanganin ang relasyon ng mga ito.

            Napasinghap si Lia nang mabunggo siya ng isang may katigasang katawan. Napapikit siya nang maramdamang babagsak siya sa sahig dahil sa pagkawala ng balanse ngunit nahigit niya ang hininga nang maramdaman ang malaking kamay na humawak sa palapulsuhan niya. Hinila siya ng kung sino hanggang sa maramdaman niya ang muling pagtama ng mukha niya sa may katigasan at medyo malapad na bagay.

            “Are you okay, Lia?” naga-alalang tanong ng isang pamilyar na tinig.

            Agad na hinamig ni Lia ang sarili at kumurap-kurap bago nag-angat ng tingin. Ang kanina ay naninikip na dibdib ay animo binuhusan ng gas dahil sa muling pagpintig niyon ngunit sa pagkakataong iyon ay animo tumatakbong kabayo na iyon sa bilis. Dahil ang nasa harap niya, may hawak sa kanya at naga-alalang nakatingin sa kanya nang mga sandaling iyon ay walang iba kundi si Omid Ahmadi.

            Agad siyang nahimasmasan at lumayo sa binata. Agad din naman itong bumitiw sa pagkakahawak sa kanya ngunit hindi naman inaalis ang tingin sa mga mata niya. “Okay ka lang ba? May masakit ba sa’yo? Pasensya ka na, hindi ako tumitingin sa dinadaanan ko.” hinging paumanhin nito.

            Tumikhim siya. Mukha siyang tanga pero hindi niya alam kung ano ang maaari niyang sabihin sa binata. Parang walang salitang gustong lumabas mula sa bibig niya.

            “Omid, anong nangyari?” tanong ng tinig ng isang babae. Inalis niya ang tingin kay Omid at ibinaling sa babaeng kumapit sa braso nito. Medyo may-edad na ang babae at kahit na sino siguro ang tumingin ay masasabing ina ito ng binata dahil parang pinagbiyak na bunga ang dalawa.

            “Nabunggo ko po siya. Hindi ko naman sinasadya, hindi kasi ako tumitingin sa dinadaanan ko.” sagot naman ng binata.

            Animo iyon lang ang kailangan niya para mahimasmasan. Agad siyang umiling ng sunod-sunod. “Hindi po, ako po ang may kasalanan. Ako po ang hindi tumitingin sa dinadaanan ko kaya nabunggo ko po siya.” ani naman niya. Hinarap niya si Omid. “Pasensya ka na.” hinging paumanhin niya dito.

            “No. You don’t need to say sorry. Ako ang dapat humingi ng tawad.”

            “Magkakilala ba kayong dalawa?” tanong ng ina ng binata na nakaagaw ng atensiyon nila. Halos sabay pa silang bumaling sa may-edad na babae.

            “Opo.” Halos sabay ding sagot nila.

            Nagkatinginan sila at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay napangiti na lang siya. Muli niyang binalingan si Mrs. Ahmadi at yumuko. “Sorry po ulit, ma’am.” aniya at muling hinarap ang binatang nakatingin lang sa kanya. “Sorry ulit. Sige, aalis na ako. Bye!” paalam niya sa mag-ina bago nilagpasan ang mga ito. Kailangan niyang makalayo sa lugar na iyon para kahit paano ay makapag-isip siya at kumalma sa muli at hindi inaasahang pagkikita nila ng kakambal niya at ng asawa nito.

            Lord, help me get through this. Dapat, okay na ako. Naka-move on na ako. Dapat lang po iyon. At dapat, ready na akong harapin sila at humingi ng tawad dahil sa nagawa ko noon. Kasal na naman sila at masaya na ngayon.

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11