CHAPTER FOUR
PUMIPIKIT na ang mga mata ni Lia. Kaunti na lang, pakiramdam niya ay bibigay na siya dahil sa sobrang antok pero hindi pa siya maaaring matulog hangga’t hindi pa niya natatapos ang isang buong scene ng script niya. Last four scenes to go and she can pass it to the director. Bukod sa page-edit ng script niya, bagong nobela ang tinatapos niya ngayon.
Ilang araw nang walang tulog si Lia dahil nagtatapos siya ng trabaho. Kasalanan naman kasi ng imahinasyon niya, masyadong aktibo. Parang bumabawi sa minsang pagmi-missing in action niyon.
Hinahati lang kasi niya ang oras sa trabaho at sa pakikipag-bonding sa mommy niya. Ang dinner date nila ay nasundan pa. Ang kaso, hindi na sa labas kundi sa bahay na mismo niya sila nagba-bonding. Ipinagluluto siya nito, nagdadala ng maid para linisin ang bahay niya at labhan ang mga damit niya at ni Amani, manood ng kung ano-anong movie na makita nito sa CD rack niya at mag-kuwentuhan. Well, kung kuwentuhan nga bang matatawag ang ginagawa nila gayong ito lang ang nagsasalita.
Alam naman kasi nitong wala siyang hilig sa pakikinig ng kung ano-anong istorya na alam na niya. Ang kaso, ganoon ang mommy niya. Paulit-ulit lang nitong ikinu-kuwento sa kanya ang mga pangyayari sa buhay nito mula pagkadalaga hanggang sa mag-asawa na matagal na naman niyang alam.
Pagdating naman ng alas-kuwatro ng hapon ay aalis na ang ina kaya magkukulong na siya sa silid at uumpisahang magtrabaho. Hanggang sa hindi na niya mamamalayan ang oras dahil sa sobrang engrossed niya. Mabuti na nga lang at nandiyan si Amani para dalhan siya ng pagkain para siya nalilipasan ng gutom.
Ang nagiging kasalanan nga lang niya sa matalik na kaibigan ay nawawalan siya ng oras dito. Para makinig sa mga kuwento nito at para kumustahin ito. Kaya nga ipinangako niya sa sariling matapos lang niya ang mga ginagawa ay babawi siya sa binata.
Nang matapos sa quota ay tumigil na siya at pinatay ang kanyang laptop. Nagi-inat na siya at nag-planong maligo bago matulog nang marinig niya ang pagbukas ng front door. Napailing-iling siya. Alas-sais y media pa lang ng umaga, nangangapit-bahay na si Amani.
Nag-desisyon siyang lumabas ng silid para lang mapatda sa nakita. Hindi nagi-isa si Amani. May kasama ito at ang totoo, hindi na dapat siya nagulat na kasama nito ang taong iyon pero hindi pa din napigilang lumukso ng puso niya. Ilang araw na ba mula nang huli niyang makita si Omid? At bakit parang mas naging guwapo yata ito sa paningin niya ngayon kaysa noong huling beses na nagkita sila?
Iyong totoo, anong nangyayari sa’kin? At para na akong pumasok sa mga kuwentong sinusulat ko.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong niya, deretso ang tingin kay Omid.
Naramdaman niya ang pagtapik ni Amani sa tuktok ng ulo niya kaya napabaling siya dito. “Ang lagkit na ng buhok mo. Nanlalalim na ang mga mata mo, mukha ka nang bangag kaya kung ako sa’yo, matulog ka na.” payong kaibigan nito habang umiling-iling pa.
Agad niyang kinapa ang buong mukha at inayos ang buhok. Gaano kagulo iyon? Mukha pa ba siyang tao o mangkukulam na?
Tumawa ng malakas si Amani. “Don’t worry, mukha ka pa namang tao, mukha ka lang talagang walang tulog. Ano ba kasi ang ginagawa sa’yo ni Tita Jackie at mukhang naging workaholic ka yata lalo?”
Sa pagkakataong iyon ay iniikot na niya ang mga mata. “Bakit hindi na lang ikaw ang magsabi sa kanya? Feeling ko pupunta na naman dito iyon ngayong araw at kukulangin na naman ako sa tulog. Maawa ka sa’kin, friend. Kailangan ko na talaga ng mahaba-habang pahinga.” pagmamakaawa niya.
“So, matutulog ka na talaga? Kawawa naman si Omid, ikaw pa naman ang ipinunta niya dito. Gumising pa siya ng maaga kahit na late na din kami natapos sa training kagabi para lang sa’yo.” May bahid ng pangongonsensiya at panunudyo sa tinig nito ngunit hindi niya iyon pinansin. Marahas niyang binalingan ang binatang nakahalukipkip habang nakasandal sa pinto at nakatingin sa kanila ng kaibigan.
“Why do you want to see me?” tanong niya sa binata. Pakiramdam niya ay nabawasan ang antok na nararamdaman niya pero kilala niya ang katawan. Kapag hindi pa siya nakapag-pahinga ng maayos, isang ihip na lang sa kanya, magkakasakit at matutumba na siya.
Naging malikot ang mga mata ni Omid sa hindi malamang kadahilanan. Nagsalubong ang mga kilay ni Lia, anong nangyayari sa lalaking ‘to? Ang laki-laking tao, athlete pa pero parang batang hindi mapakali ngayon sa kinatatayuan.
“Sabihin mo na, Omid. Dito na tayo mag-breakfast, ako ang magluluto. Pakainin na muna natin ang batang ‘to bago matulog, baka hindi na naman kumain.” wika ni Amani na nang harapin niya ay naglalakad na papunta sa kusina.
Muling humarap si Lia kay Omid na nakahalukipkip habang nananatiling nakatayo sa may pintuan. “So, do you have anything to say? Kapag natapos tayong kumain, matutulog na talaga ako at hindi mo na ako mai-istorbo.” nakataas ang isang kilay na banta niya. Defense mechanism niya iyon para pagtakpan ang kung ano-anong ka-abnormalan na nararamdaman niya sa lalaking bago lang naman niyang nakilala.
Tumikhim ito at dumeretso ng tayo pagkatapos ay nagsimulang maglakad palapit sa kanya. At sa hindi malamang kadahilanan ay bumilis ang tibok ng puso niya. Ayan ka na naman, ano ba ang nangyayari sa’yo? sita niya sa sarili. Ano ba talaga ang nangyayari sa kanya?
“I heard that you’re a writer. A part-time romance novel and script writer. You know, I don’t usually share something private about myself but since I want to know you… as a writer, I told Amani my deepest secret. And that is I am a sucker for books especially the romance genre. Marami ako sa Iran na libro, both written in English, Filipino, Swedish and Iranian. Ganoon ako kaadik sa mga libro. And because Misagh told me that you are a writer, I instantly became interested.
“Well, hindi lang naman iyon ang dahilan kung bakit gusto kong makipaglapit sa’yo. Gusto ko din kasing makipag-kaibigan talaga. Nagdadalawang-isip lang ako noong una dahil napaka-protective ni Amani sa’yo at alam mo namang alam ng lahat iyon.”
“Hey, man! I heard that! That’s understandable! Lia is the little sister I never had!” pasigaw na singit ni Amani mula sa kusina.
Tumikhim si Omid bago nagpatuloy. “Nakuha ko naman na ang blessing ni Amani kaya gusto ko nang ituloy ang pakikipag-kaibigan sa’yo. That is kung okay lang sa’yo. Hindi naman ako magpupumilit kung ayaw mong makipag-kaibigan eh.”
Pakiramdam ni Lia ay bumalik ang pananakit ng ulo niya dahil sa tuloy-tuloy na pananalita ni Omid. Alam niyang marunong itong mag-tagalog dahil nakakausap naman niya ito noong unang beses silang nagkita pero ngayon lang niya ito narinig na magsalita nang walang tigil at pakiramdam niya ay alien ang mga salitang sinasabi nito.
“At talagang blessing ni Amani ang kinuha mo at hindi ang sa’kin para sa pakikipag-kaibigang sinasabi mo?” nagawa niyang itanong. Parang gustong mataranta ng utak niya dahil sa inaalok nito pero hindi naman siya ang tipo ng tao na harapang tatanggihan ang mga taong gustong makipaglapit sa kanya. Hinahayaan lang niya ang mga iyon hanggang sa pagsawaan siyang makasama.
“Well…” nagkamot ito sa batok at muli ay naging malikot ang mga mata. “He is practically your guardian, that’s why. Kaibigan ko na din siya kaya bilang respeto, sinabi ko sa kanya ang balak ko. Ayoko namang ma-misinterpret niya ang paglapit-lapit ko sa’yo.”
In some way, hindi yata magandang pakinggan ang huling sinabi nito. Hindi niya alam kung bakit naisip niya iyon pero hindi niya gustong isipin na ayaw nitong maipagkamali ng kaibgian niya na kaya ito lumalapit sa kanya ay dahil may kinalaman iyon sa romantikong paraan. Pero syempre, agad na niya iyong iwinaksi sa isip at nag-pokus sa pinagu-usapan nilang dalawa.
Nagkibit-balikat siya. “May point ka. Well, wala namang masama kung maging magkaibigan tayo. Literally, kaibigan ko din naman ang mga teammates ni Amani pati ang ibang staffs and coaching staff ng Stray Wolves. Bakit hindi ang mga bagong recruits, ‘di ba?” ngumiti pa siya para mas kapani-paniwala ang sinasabi niya.
Tumango-tango naman ito bago huminga ng malalim. “That’s easier than I thought. Ang akala ko, kakain pa ako ng apoy at tatawid sa alambre bago ka pumayag sa inaalok ko.” itinapat pa nito sa dibdib ang palad bago muling huminga ng malalim.
Sa pagkakataong iyon ay natawa na siya ng malakas. “You’re funny.” komento niya.
“Kakain na, guys. Dito na lang tayo sa kitchen counter kumain para hindi na ako maglilinis ng mesa. Matutulog pa iyang si Lia.” sigaw ni Amani mula sa kusina.
Niyaya na niya si Omid na sa pagkakataong iyon ay nakangiti na ding nagpatianod. So, yeah. Sana ay tama ang naging desisyon niya na tanggapin ang pakikipag-kaibigan nito gayong kung ano-anong weird na pakiramdam ang nararamdaman niya nang dahil sa binata. Idadaan na lang niya ang mga emosyong iyon sa pagsusulat, kikita pa siya.
Tama! Pagkakakitaan ko na lang siya para makapag-ipon kaagad ako. sang-ayon ng demonyitang bahagi ng isip niya.
“NAPAPADALAS yata ang pagpasyal mo dito. May pinagpa-pacute-tan ka ba?”
Eksaheradong sinimangutan ni Lia ang nakangising si Misagh. Break ng mga ito at hindi niya alam kung bakit sa dinami-dami ng puwedeng buwisitin ay siya pa ang nilapitan nito.
“Masama na bang pumunta dito ngayon? Madalas naman akong pumupunta dito at nanonood sa inyo.” sagot niya. Itinuwid niya ang mga binti at nag-unat. “Tapos na ako sa mga trabaho ko kaya puwede na akong magpahinga. Mind your own business dapat, two days na lang ay may laban na kayo.” inirapan pa niya ito at binelatan.
Sa lahat ng players ng Stray Wolves, si Misagh ang pinaka-close sa kanya. Ito lang kasi ang nakakaintindi ng topak niya. Alam nito kung ano ang gagawin sa kanya kapag inaatake siya ng mood swings. Kahit kasi si Amani ay nawawalan din ng pasensya sa kanya at kapag nangyayari iyon, to the rescue ang pinaka-isip batang tao na yatang nakilala niya.
Isa pa, may ugali kasi si Misagh na parang naiintindihan nito ang nararamdaman at pinagdadaanan ng isang tao. Kaya nga kumportable siya dito.
“Alam ko, pero sasayangin mo ba ang oras mo sa pagpunta dito? Dapat natutulog ka na lang para makabawi ka ng lakas. Balita ko, kulang na kulang ka daw sa pahinga dahil sa script na tinapos mo eh.” ginaya na nito ang puwesto niya.
“Bored na ako sa buhay ko kaya sumama na ako kay Amani dito. Besides, na-miss kong manood ng tutok sa training ninyo. Tuwing pumupunta ako dito, palagi ko na lang dala ang laptop ko kaya hindi ko kayo napapanood talaga.”
“I see…” nang balingan ni Lia si Misagh ay nakatingin ito sa malawak na field. Nakahalukipkip pa ito. “Don’t look at me like that, Lia. Bored lang din ako kaya ikaw ang ginugulo ko.” anitong hindi man lang nag-abalang bumaling sa kanya.
Nagkibit-balikat na lang siya at bumalik sa pagkakatingin sa field. “It’s because of Omid.” She heard herself say. Kung bakit at kung bakit kay Misagh… hindi niya alam.
“Iyan din ang hinala ko. Dahil napapansin ko ang pagbabago sa inyong dalawa mula nang mapadalas ang pagpunta mo dito. Almost every day… na hindi naman nangyari kahit na minsan. Kapag tinotopak ka lang talaga,” huminga ito ng malalim. “Kung ano man ang mayroon sa inyo ng kaibigan ko, i-enjoy n’yo lang. At sana lang, ‘wag mo siyang sasaktan.”
Marahas na binalingan ni Lia si Misagh. Ano ba ang sinasabi nito? Sinabi lang niya na dahil kay Omid kaya napapadalas ang punta niya doon, kung ano-ano na ang sinabi nito at malayo na ang binagtas ng imahinasyon nito?
“It’s not like that, idiot. He offered friendship and I’m giving it a try. Para kang tanga, kung saan-saan na lumilipad ang utak mong masyadong malaki!” Hinampas pa niya ito sa balikat dahilan para mapasinghap ito at maibaling din ang atensiyon sa kanya. Ang bilis ng tibok ng puso niya.
Pero bakit?
“Ano ba ang sinabi ko? Hindi ba’t ang sabi ko lang naman, ‘wag mo siyang sasaktan? Puwede namang ang ibig kong sabihin ay ‘wag mong tatanggihan ang pakikipag-kaibigan na inaalok niya, hindi ba? Ikaw diyan ang masyadong malawak ang nararating ng imahinasyon.” nanlalaki ang mga matang paliwanag nito habang hinihimas ang nasaktang braso. Umiling-iling pa ito. “Ang hirap talaga kapag ang mga tao sa paligid mo, may tinatago. Madaling maapektuhan ng kung ano-anong sabihin ng iba.” pasaring nito bago tumayo. “Makaalis na nga at baka bugbugin mo pa ako.”
“Mabuti at alam mo! Buwisit kang feeling pogi ka!” sigaw niya pagkatapos ay sinapo niya ang dibdib at sunod-sunod ang ginawang paghinga. Ano ba ang nangyayari sa kanya? May point naman si Misagh sa sinabi nito. Wala nga naman itong sinabi na in a romantic way ang payo sa kanya pero nag-react agad siya.
May dapat na ba siyang ikatakot sa kung ano man ang mga weird na nararamdaman niya kay Omid? Hindi siya ang tipo ng tao na madaling mag-panic sa mga ganoong nararamdaman dahil para sa kanya, normal na iyon. Pero ang isiping madaling nakakapasok si Omid sa kaibuturan ng puso niya nang hindi niya namamalayan, mukhang may dapat nga siyang ipangamba.
Para na talaga akong mga karatkter ko sa nobela! Mga baliw na!
Pero hindi siya magpapahalata. Pakikipag-kaibigan lang ang inaalok nito, hindi niya dapat bigyan ng ibang kulay iyon. Kung ano ang nararamdaman niya para sa binata, hindi naman siguro niya dapat ikatakot iyon. Baka nago-overact lang siya.
“Anong nangyari at sinisigawan mo si Misagh? Pinagbantaan mo ba ang buhay?”
Nag-angat ng tingin si Lia at naging triple yata ang bilis ng tibok ng puso niya nang makita si Omid na naglalakad palapit sa kanya.
“Hey, are you okay? Namumutla ka, naiinitan ka ba dito? Gusto mo sa baba? O gusto mong kumain?” napalitan ng pagpa-panic at paga-alala ang tinig nito. Ang sumunod niyang napagtanto ay nasa tabi na niya ito at hinahagod ang likod niya.
“Water… I need water.” Iyon lang ang tanging lumabas sa bibig niya. Pakiramdam niya ay hihimatayin siya dahil sa sobrang bilis ng tibok ng puso niya.
“Wait here, ikukuha kita ng tubig.” at sa isang iglap ay bigla na lang itong nawala.
She doesn’t want to conclude but she thinks that she’s doomed!
0 thoughts on “Unexpected Love”