CHAPTER ONE
“AYOKO NA! Gusto ko iuntog ulo ko sa pader! Bakit hindi ako makapagsulat?”
“Hoy, tumahimik ka na nga diyan. May iba pang nagsusulat ng matiwasay dito! Doon ka mag-untog ng sarili mo sa walang makakakita sa’yo.”
“Love life lang ang kailangan mo, girl para magkaroon ng spice ang buhay mo.”
“Mahilig ka naman sa kung anik-anik diyan, maghanap ka na lang ng inspirasyon mo. Hindi na iyon mahirap gawin ngayon. Malas mo nga lang kung ang lalaking magugustuhan mo ay lalaki din ang gusto.”
“Oo nga. Puwede ka na din magbayad ng lalaki ngayon para maging boyfriend mo kahit ilang araw lang. Para naman hindi tigang na tigang ang buhay pag-ibig mo.”
Marahas na bumuga ng hangin si Lia bago malakas na isinandal ang ulo sa salamin na dingding ng writer’s lounge na kinaroroonan niya. Isa siyang part-time romance writer sa Heart Bound Publishing Company at bawat isa sa kanila ay binibigyan ng deadline para makatapos ng nobela. Kung minsan naman ay sila-sila lang ang gumagawa ng sarili nilang deadline at minsan ay nagpupustahan pa. Kung sino ang huling makatapos ay manlilibre ng kape sa Starbucks na matatagpuan sa labas ng building.
Bago na ang building ng HB, pinalakihan na iyon ng CEO nila at nilagyan pa nga ng writer’s lounge para kung sakali daw na mahirapan silang magsulat sa kanya-kanyang bahay at sa kung saan-saang lugar ay welcome na welcome sila doon. Anytime.
Ang writer’s lounge nila ay animo opisina na may mga cubicle. Pero kadalasan ay hindi din nagagamit dahil karamihan sa kanila ay sa sahig lang umuupo. Dinaig pa nga nila ang mga NPA as in No Permanent Address na lumikas sa kanya-kanyang tahanan kapag nagtipon-tipon sila doon. Lumalabas din ang pagiging abnormal nila kapag nandoon sila sa lugar na iyon dahil ang iba sa kanila… kabilang na siya ay lumulusot pa sa ilalim ng mesa ng cubicle at doon nagsusulat.
Mas maayos naman ang naging pagsusulat niya mula nang tumatambay na siya sa lounge. Kung minsan nga ay nandoon lang siya maghapon at bigla na lang siyang nakakatapos ng trabaho. Bukod sa pagiging romance novel writer ay isa siyang part-time script writer. Freelance, pero hindi siya nababakante dahil nagugustuhan ng mga kilalang direktor at producers ang mga gawa niya.
Sa kasalukuyan ay tatlong script na niya ang nagagamit para gawing pelikula at proud siya dahil bumenta naman iyon sa mga tao. Ang lahat ng iyon ay romantic comedy ang genre kaya siguro madaling mahalin ng masa. Iyon din kasi ang safe zone niya. Hindi pa siya kailanman nakakapag-sulat ng drama, mapa-light man o heavy o erotic. Pakiramdam kasi niya ay hindi pa siya handang umalis sa safe zone niya.
Kuntento naman siya sa buhay na mayroon siya, siguro dahil masaya siya sa ginagawa niya. Kahit minsan ay hindi siya tinamaan ng sakit na ‘writer’s block’ kaya feeling blessed ang pakiramdam niya. Kaya hindi niya maintindihan ngayon kung bakit hindi siya makapagsulat. Kahit isang pangungusap ay hindi niya matipa sa laptop.
Kahit isang word nga, hindi ko maisulat dahil wala talagang pumapasok sa kukote ko.
Dalawang linggo na siyang ganoon at hindi maaari iyon. Bukod sa tinatapos niyang manuscript ay kailangan niyang makatapos ng kahit tatlong scene sa bagong script na sinusulat niya. Isang buwan na lang at kailangan na niyang ipasa iyon sa direktor na kumuha sa kanya kaya hindi siya maaaring tatamad-tamad.
“Para sa mga katulad kong binubuhay ang sarili, hindi madali ang makahanap ng inspirasyon o love life. Hindi naman kasi importante iyon, mas mahalaga pa ang pera kaysa sa mga lalaki. At alam n’yo naman na KPOP lang ang kaligayahan ko sa buhay.” wika niya. Napalabi siya at ipinikit ang mga mata. Hindi puwedeng magtagal ang pagmi-missing in action ng utak niya dahil siguradong masisira ang kinabukasan niya.
Nasa ganoon siyang estado nang maramdaman ang pag-vibrate ng cellphone sa bulsa ng shorts niya. Tinatamad na kinuha niya iyon at basta na lang pinindot ang answer button nang hindi tinitingnan ang caller.
“Yo!” nayayamot na bungad niya.
“Lia, may training kami. Pumunta ka dito sa RMS, ililibre kita pagkatapos ng training.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Lia at bahagyang inilayo ang aparato sa tainga niya. Napasimangot siya lalo nang makita kung sino ang caller. Muli niya iyong ibinalik sa tapat ng tainga bago nagsalita. “Saan mo naman ako ililibre, Amani Manuel? Sa Mcdo?” nayayamot na tanong niya sa kaibigan.
Si Amani Manuel Samonte ay isang professional football player. Miyembro ito ng Philippine National Team at ng Stray Wolves FC, isa sa pinaka-magaling na football club sa bansa. Kababata niya si Amani at dahil madalas siya nitong yayain sa mga laro at training nito, mapa-Pilipinas man o sa ibang bansa ay napalapit na din siya sa mga teammates nito. Both Stray Wolves and the National Team.
Si Amani ang tumatayong guardian niya mula nang umalis siya sa bahay ng mga magulang at laking pasasalamat niya dahil hindi ito nauuntog at naiisip na iwan siyang mag-isa kahit na ba napaka-topakin niya at napaka-imposible kung minsan. Magkatabi lang kasi ang apartment na tinitirhan nila.
“Hindi. Sa Shakeys naman para sosyal. ‘Wag ka na nga mag-reklamo. Ililibre ka na nga, hindi ka pa masaya?” halata sa boses ng kaibigan ang panga-asar na lalong nagpasimangot sa kanya.
“Hindi mo ba nararamdaman ang nararamdaman ko? Tinatamaan yata ako ng writer’s block at alam mong hindi puwede iyon!”
Narinig niya ang pagpalatak nito sa kabilang linya. “Iyon lang ba ang problema mo? Inspirasyon lang ang kailangan mo diyan. Pumunta ka dito at siguradong makakahanap ka ng inspirasyon. Ang dami namin dito at may mga bago pang members ang Wolves kaya siguradong hahakot ka.” panghihikayat nito sa kanya.
“Alam mo, minsan hindi ko alam kung gusto mo lang ba talaga akong makita o binubugaw mo lang ako sa mga kaibigan mo. At nakakadiri, Amani! Kung inspirasyon lang ang hanap ko, siguradong makakahanap ako kapag nagbukas ako ng SNS.” pambabara niya.
Guwapo naman talaga ang lahat ng miyembro ng Stray Wolves. Iba-iba man ng karakter ang mga ito, nagkakasundo naman lalo na kapag nasa football field. Three years nang reigning champion ang football club sa United Football League dahil kapag tumapak na sa field ang labing-isang manlalaro ay nagi-iba na ang mga ito. Nagiging mga mandirigma na handang sumabak sa kahit na anong laban.
“Puro KPOP naman ang inspirasyong sinasabi mo. Alam mong hindi iyon ang kailangan mo kundi totoong tao. Sige na, pumunta ka na lang dito. Hihintayin kita, okay? Wala din akong dalang sasakyan kaya makikisabay ako sa’yo. Ingat sa pagda-drive, Liandra.” At bago pa siya makasagot ay nawala na ito sa kabilang linya.
Napapailing na lang siya habang ibinabalik ang cell phone sa bulsa ng shorts niya. Pagkatapos ay iniligpit na niya ang mga gamit. Wala naman siyang choice kundi puntahan ang matalik na kaibigan dahil siguradong sangkatutak na pango-ngonsensiya ang gagawin nito kapag hindi siya sumipot.
Pagkatapos ligpitin ang mga gamit at magpaalam sa mga kasamahan ay nagdere-deretso na siya papunta sa parking lot. Sana lang ay maaliw siya ng mga kalalakihang maaabutan sa Rizal Memorial Stadium. Kahit na ba kadalasan ay pinipikon lang siya ng mga ito upang makakuha ng masaya at nakaka-buwisit na reaksiyon mula sa kanya ay pagtitiisan na niya, maibalik lang ang kasipagan niya sa pagsusulat.
ABOT hanggang tainga ang ngiti ni Omid habang nagbibihis. Katatapos lang ng training nila para sa araw na iyon at niyaya siya ni Amani na kumain sa labas kasama ang matalik nitong kaibigan.
Isang buwan pa lang siya sa Football club na iyon pero hindi ipinaramdam sa kanya ng mga miyembro na naiiba siya. Itinuring siya ng mga ito na kaibigan at hindi bagong miyembro lang.
Marahil, nakatulong ang kaalamang matalik siyang kaibigan ni Misagh pero siguro, sadyang palakaibigan lang ang mga miyembro ng Stray Wolves Football Club kaya madali siyang nakapag-adjust sa mga ito.
Dalawang buwan na siya sa bansa para doon naman subukan ang buhay ng isang football player. Natapos na kasi ang kontrata niya sa Iran National Team kung saan siya kabilang noon at isa pa, matagal-tagal na din siyang kinukulit ni Misagh na sumali sa club nito sa Pilipinas.
Isang one-fourth Iranian, one-fourth Swedish at half Filipino si Omid Ahmadi. Half-Iranian and Half-Filipino ang kanyang ama samantalang Half-Swedish and Half-Filipino naman ang kanyang ina. May isa siyang kapatid na lalaki na naglalaro para sa Sweden National Football Team. Ang kanyang ina ang kasama niyang umuwi sa bansa para daw may kasama siya sa paga-adjust sa bago niyang buhay samantalang ang kapatid niya ay nagpapabalik-balik lang sa Iran at Sweden para may kasama ang daddy niya.
“Omid, ready ka na?” tanong sa kanya ng kadarating lang na si Amani. Nakapag-palit na ito ng damit.
Nakangiting tumango siya bago binitbit ang sariling bag. “Nandiyan na ba ang kaibigan mo?”
Sa halip na sumagot ay nag-thumbs up lang ito. Inakbayan pa siya ng kaibigan at magkaagapay silang lumabas ng locker room. Nauna nang umalis si Misagh kasama ang nobya nito kaya mag-isa lang siyang uuwi sa condominium unit nila ng mommy niya.
Pagdating sa parking lot ng Rizal Memorial Stadium ay agad niyang hinanap ang marahil ay kaibigan nito ngunit wala siyang makitang tao maliban sa mga sasakyan. Napaigtad lang siya nang marinig ang tatlong malalakas at sunod-sunod na busina.
“Pasensya ka na, kaibigan ko iyon. Senyales iyon na naiinis na siya sa paghihintay sa’kin. Baka inatake na naman ng kabaliwan kaya hindi pumasok sa loob.” natatawang ani Amani. Tinapik nito ang balikat niya pagkatapos ay nagpatiuna nang maglakad. Napapailing na lang si Omid habang sinusundan ang binata. Ang weird naman ng kaibigan nito, sa halip na lumabas ng sasakyan ay talagang malakas pang bumusina para matawag ang pansin ni Amani.
Pinagbuksan pa siya ng kaibigan ng pinto sa backseat bago nito binuksan ang pinto ng passenger’s seat.
“Omid, this is my friend, Lia. Lia, si Omid, isa sa mga bagong player ng team.” pagpapakilala sa kanya ni Amani sa nasa driver’s seat na isang babae pala base sa pangalang binanggit ng kaibigan.
“Nice to meet you.” nakangiting aniya at dumukwang pa para makita ang mukha nito ngunit hindi ito tumingin sa kanya. Nakasuot ito ng sombrero kaya halos natatakpan na ang buong mukha nito.
“Same here.” anang isang malamyos na tinig, deretso pa din ang tingin sa harap.
Umayos na lang siya ng upo ngunit hindi pa din niya inaalis ang tingin sa babaeng siyang magmamaneho para sa kanila.
For some unknown reason, gusto niyang makita ang mukha nito. Sa side view pa lang niya ito nakikita pero may pakiramdam na siyang maganda ito. Ano pa kaya kapag humarap na ito sa kanya? At ayon sa nakikita niya, pointed ang ilong nito, mukhang malambot ang maumbok na pisngi at manipis ang kulay rosas na labi. Nakasuot ito ng salamin.
Sinubukan niyang tumingin sa rear-view mirror, baka sakaling maaninag niya ang buong mukha ng babae ngunit hindi. Bahagyang nakatabing sa mukha nito ang sombrero kaya hindi niya masilayan ang buong mukha nito.
May oras ka naman para makita ang mukha niya, bakit atat na atat ka?
Hindi niya alam kung bakit kating-kati yata siyang makita ang mukha ng babae. Hindi naman iyon ang unang beses na makakakita siya ng Filipina kaya hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kanya.
“Bakit mukhang wala ka yata sa mood? May problema ba? Kadalasan naman, bumababa ka at pumapasok sa loob para batiin sila. Hindi ka tuloy nakabati sa kanila.” mayamaya ay tanong ni Amani sa kaibigan nito. Tahimik na lang niyang pinagmamasdan ang gilid ng mukha nito, hindi naman siya makakasabay sa kung ano man ang pagu-usapan ng magkaibigan.
“Maliban sa na-traffic ako at inasar na naman ako ng pangit na Misagh na iyon bago siya umalis kasama ang syota niya, hindi ako makapagsulat. Ngayon lang nangyari sa’kin ‘to at mababaliw ako kapag natagalan akong ganito. Nagastos ko pa naman iyong ipon ko dahil sa pag-alis natin last month.” problemadong sagot ni Lia. Gumalaw-galaw ang labi nito na animo may iba pang gustong sabihin ngunit pinipigilan lang.
“Ano sa tingin mo ang problema mo kung bakit hindi ka makapagsulat? At bakit palagi mo na lang pino-problema ang panggastos mo kung puwede ka namang humingi sa mga magulang mo? Siguradong naghihintay lang si Tita Jackie sa tawag o text mo at pupunta na iyon sa apartment mo.
“Or better, umuwi ka na lang sa inyo.” pumalatak pa si Amani bago muling nagsalita. “Ang hirap sa’yo, nagi-isa ka na nga lang na anak nilang babae, naglalayas ka pa.”
“Because I want to be independent.” simple at kibit-balikat na sagot naman ng babae.
“Alam mo, ang sakit mo din sa ulo. Hindi ko ba alam kung bakit pumayag akong sumama sa kalokohan mo.” tila nanga-asar na tanong pa din ni Amani. “Kapag nalaman ni Leo ang mga kalokohang pinaggagagawa natin, pareho tayong malilintikan.”
“Because we’re best friends. And best friends support each other. ‘Wag ka nang mag-reklamo, madalas naman ay sa’kin ka kumukuha ng mga pagkain mo. Kahit na magkahiwalay tayo ng apartment, parang nasa iisang bahay pa din tayo.” bungisngis namang sagot ni Lia. Hinarap nito si Amani sabay binigyan ng flying kiss.
Hindi alam ni Omid kung saan nanggaling ang pagpitik na iyon sa dibdib niya nang masilayan ang halos buong mukha ng dalaga. At nakangiti pa. Na nakanguso pa. Ngayon lang siya nakaranas ng ganoong epekto mula sa babae gayong halos magsawa din naman siya sa magagandang babae sa Iran at Sweden. Ang malala pa, ngayon lang niya ito nakita at nakilala.
Leo. Who is Leo? At bakit parang hindi yata sinagot ni Lia ang sinabi ni Amani tungkol sa Leo na iyon? tanong ng isang bahagi ng isip niya.
Baka naman kamag-anak. O kapatid. O boyfriend. O ex-boyfriend. Wala ka nang pakialam doon, shut up ka na lang. ani naman ng kabila.
“Mahiya ka naman, pangs. May ibang tao tayong kasama dito.” mayamaya ay natatawang paalala ni Amani sabay baling sa kanya. “Okay ka lang ba diyan, Omid? Pasensya ka na sa kaibigan ko, sinto-sinto kasi ang mood niya ngayon kaya siya ganyan.”
He managed to smile and raise his thumb at his friend. “I’m okay, don’t worry about me.” paniniguro niya.
Nang muling umayos sa pagkakaupo ang binata ay muli din siyang bumalik sa tahimik na pagtitig kay Lia. Mukhang na-gayuma at first sight siya sa dalaga dahil wala pa man itong ginagawa para mapansin niya ay hindi na maalis ang atensiyon niya dito.
“So, bakit sa Stray Wolves mo naisipang sumali, Omid?”
Napaigtad siya dahil sa pag-acknowledge ni Lia sa presensiya niya. And he silently cursed himself because of the very beautiful feeling he felt when she said his name. “What?”
“Why did you join Stray Wolves? Madami namang mas magagaling na football club na kasali sa UFL. Puro abnormal ang kasali sa club na iyon, baka mahawa ka. Mukhang mabuting tao ka pa naman tapos mamamantsahan lang nila ang pagkatao mo.” dere-deretsong pagsasalita nito.
“Grabe ka sa’min!” pakli ni Amani at napakurap-kurap na lang si Omid nang biglang tanggalin ng binata ang sombrero ni Lia na ikina-palatak ng dalaga.
“Sa lahat naman talaga ng gagalawin, sombrero ko pa! Ikaw ang grabe sa’kin.” ani naman ni Lia. Hinawi nito ang mga buhok na tumabing sa mukha nito.
“Grabe ka naman talaga sa’min. ‘Tsaka kaya sumali sa’min si Omid kasi nandoon si Misagh. Best friend niya iyon kaya malamang doon din siya sasali. Isa pa, siguradong nabilib siya sa galing ng buong club dahil three years na kaming undefeated.” damang-dama sa tinig ni Amani ang pagmamalaki.
Totoo naman ang sinasabi nito. Isa sa mga dahilan ng pagsali niya sa Stray Wolves ay dahil sa record ng mga ito. Walang nakakatalo sa mga ito sa UFL, league man o cup kaya tinanggap niya ang dalawang taong kontratang inalok sa kanya. Bonus na lang na nandoon si Misagh, tinutulungan kasi siya nitong mag-adjust sa environment ng buong club.
“Bakit ikaw ang sumasagot? Ikaw ba si Omid? Epal ka talaga.” patuloy na pakikipag-pikunan ni Lia sa binata. “’Di bale, kapag nasa Shakeys na tayo, ‘tsaka na lang kita i-interviewhin. Baka makatulong ka sa problema ko katulad ng sinasabi ng froglet na katabi ko.”
Gustong maaliw ni Omid sa klase ng pagkakaibigang mayroon sina Lia at Amani. Siguradong mage-enjoy siyang kasama ang mga ito. Hindi pa nga sila nagtatagal na magkakasama ay nage-enjoy na siya sa paga-asaran ng mga ito. Nami-miss tuloy niya noong nasa Iran pa sila ni Misagh kasama ang iba pang mga kaibigan nila.
Mukhang interesante ang pagkatao ni Lia at may pakiramdam siyang mapapadalas ang pagkikita nila.
Mukhang nakuha talaga niya ang atensiyon mo! Dahan-dahan lang, mahirap magtiwala sa mga bagong kakilala.
Iiling-iling na lang siyang sumandal sa backrest ng inuupuan at pinagsawa ang mga mata sa pagtitig sa interesanteng babae na nasa harap niya.
0 thoughts on “Unexpected Love”