CHAPTER NINE
“AMANI, isabay mo na kasi ako. Tinatamad akong mag-drive eh.”
“Stop it, Lia. Huwag ka na nga sinabing pumunta sa training at hindi kita maaasikaso doon. ‘Tsaka na lang, okay? Huwag ka nang makulit.” naiinis nang sagot nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya at humalukipkip. Sumandal pa siya sa hamba ng pinto ng apartment nito. “Alam mo, parang may nagbago sa’yo. Hindi ko lang alam kung ano.” tatlong araw na niya itong kinukulit na isama siya sa training pero tigas ito sa pagtanggi. Kung ano-anong dahilan ang ibinibigay nito sa kanya na noong una ay hindi lang niya pinapansin.
Syempre best friend niya ito, malalaman niya kapag may itinatago ito sa kanya. Ang tanong lang ay ano iyon at parang marunong na itong magtago na hindi naman nito ginagawa noon.
Naging malikot ang mga mata nito pagkatapos ay tinalikuran siya at kinuha na ang bag bago siya muling hinarap. “Look, busy lang talaga kami kaya hindi kita maisama sa training. ‘Wag ka nang lang mamilit, okay?” Marahan siya nitong itinulak palabas ng bahay bago nito ini-lock iyon. Seryoso na ito nang muling bumaling sa kanya. “Just…” Tinitigan siya nito sa mga mata ngunit agad ding nagbawi ng tingin at bumuntong-hiningang nilagpasan siya. “Go back inside and work. Or pumunta ka na lang sa office ninyo at doon ka magsulat. Or better yet, umuwi ka sa inyo at bisitahin mo naman ang mga magulang mo lalo na ang daddy mo. Marami kang puwedeng magawa kaysa manood ng walang kuwentang training namin.”
Bago pa man siya makapagsalita ay nagmamadali na itong lumapit sa sasakyan nito. Hindi na siya nito muli pang tiningnan kaya wala siyang nagawa kundi ang sundan na lang ng tingin ang papalayong sasakyan ng kaibigan. Ano ba ang nangyayari dito? Ano ang itinatago nito at ayaw siyang isama sa training? Kahit naman anong abala nito ay hinahayaan lang siya nito dahil kahit minsan ay hindi pa siya naging abala sa mga training o kahit sa mga laro ng Stray Wolves. Nananahimik lang kasi siya kapag nanonood sa mga ito kaya hindi niya alam kung ano ang problema ni Amani.
At kung ano man iyon, kailangan niya iyong alamin sa araw na iyon. Nababahala na din naman siya. Iniiwasan niyang i-acknowledge ang pakiramdam na iyon ngunit ganoong weird na din ang ikinikilos ng matalik na kaibigan ay hindi na siya mananahimik lang. Baka sakaling may dahilan din kung bakit hindi man lang nagre-reply si Omid sa mga text at tawag niya. Kahit nga ang i-seen zone lang siya sa facebook messenger ay hindi nito ginagawa.
Sana, kung ano man ang problema ng mga lalaking ‘to ay hindi naman seryoso. Please lang. piping hiling niya bago pumasok sa sariling bahay. Pupunta na lang siya sa Sparta kahit na ayaw ni Amani. Aalamin niya kung ano ang maaaring itinatago ng matalik na kaibigan sa kanya.
PAGDATING sa Sparta ay hindi agad pumasok si Lia sa loob. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang kabang nararamdaman niya pero may kutob siyang hindi maganda ang kahihinatnan niyon.
Sumandal na lang muna siya sa sasakyan ‘tsaka humalukipkip at pumikit. May labing-limang minuto pa siya para kalmahin ang sarili. Sana, kung ano man ang kabang nararamdaman niya ay walang ibig sabihin. Ayaw na niyang mabaliw. Nababaliw na nga siya sa trabaho niya, babaliwin pa ba siya ng mga taong ‘to?
“Hey, Lia! Bakit hindi ka pa pumapasok sa loob?”
Pagdilat ni Lia ay ang nagtatakang tingin nina Iyah at Elyza ang nabungaran niya. Halatang kararating lang ng mga ito dahil bitbit pa ng dalawa ang kanya-kanyang bag. “Kasabay mo ba si Amani dumating?” tanong naman ni Elyza.
Umiling lang siya. “Hindi niya alam na nandito ako. Ayaw kasi niya akong isama eh.” kaswal na sagot niya. Hindi pa din niya mawari kung bakit ganoon ang ikinikilos ni Amani nitong mga nakaraang araw.
Tumango-tangong nagkibit-balikat si Iyah. “Well, that’s new. Parang nakakapanibago na hindi ka gustong isama ni Amani sa training nila gayong ayaw nga niyang hindi ka naaarawan kahit minsan.” napapaisip na komento nito.
Napabuntong-hininga na lang siya at napaisip na din. Malay niya, nandoon ang sagot sa mga tanong niya. Hindi niya malalaman kung hindi niya ku-kumprontahin ang kaibgian. Mayamaya ay niyaya na siya ng dalawang babae na pumasok sa loob. Sa pinakataas ng stadium sila dumeretso. Nagu-umpisa na ang training ng Stray Wolves pero hindi lang ang mga ito ang nasa field. Nandoon din ang Phantom Lions na kasama ng mga itong lalaban sa Singapore Cup.
Hindi lang sila ang nandoon. May iilang babaeng nasa pinakababang upuan ng stadium. Napailing-iling at napasimangot na lang siya dahil kulang na lang ay maghubad ang mga ito at mag-sunbathing. Kulang na kulang kasi sa tela ang damit ng mga iyon.
“Dapat nasasanay ka na sa mga ganyang klase ng babae kaya huwag ka nang sumimangot diyan.” ani Elyza na tinapik pa siya sa hita. “’Tsaka malay mo, kasama iyan ng ibang players. Hindi nga lang natin alam kung sino-sinong players at kung saang team.” napasimangot at humalukipkip din ito habang masama ang tingin sa mga babaeng nang mga sandaling iyon ay naghahagikgikan na. “Huwag lang talagang si Amani ang pinagnanasahan ng mga iyan dahil may kalalagyan sila sa malawak na lupain ng Tagaytay.”
Salubong ang mga kilay na tinitigan niya ito. “Ikaw ba, seryoso ka diyan sa pagkakagusto mo kay Amani?” tanong niya sa dalaga. Oo nga at alam niyang ang matalik na kaibigan ang paborito nitong player ng Stray Wolves pero kung maging possessive ito kay Amani ay iba ang dating sa kanya. Kahit na ba sabihing hindi naman alam iyon ng binata.
Nakaingos na nag-iwas ito ng tingin at ibinaling ang mga mata sa malawak na field. “Syempre, number four fan niya ako eh. Since ikaw at ang parents niya ang nasa top three.” pabalang na sagot nito.
Napailing-iling na binalingan niya si Iyah na inungusan lang si Elyza pagkatapos ay ibinaling na ang tingin sa field, kaya ganoon na din ang ginawa niya. Madami siyang nae-encounter na fans ng Stray Wolves na puro may sayad sa utak.
Isa ka din doon, ‘di ba? anang isang bahagi ng utak niya na agad niyang iwinaksi. Oo nga at baliw siya pero may karapatan naman siyang maging ganoon. Artist siya. Writer. At ang mga artist ay may karapatang umaktong nawawala sa sarili.
Tahimik na silang tatlo habang pinanonood ang training ng parehong team. Nagkaroon pa ng friendly match ang mga ito na kung titingnan ng mga taong hindi kilala ang mga naglalaro, siguradong iisipin na nababaliw na ang mga ito. Napailing-iling na lang siya. May pinagmanahan naman pala ang mga fans ng dalawang team na ‘to. May mga sayad din kasi sila sa utak.
Kahit na naka-focus ang atensiyon niya sa laro at training ay hindi naman niya hinihiwalayan ng tingin ang taong isa sa mga dahilan ng pagpunta niya doon. Kanina pa niya napapansin na hindi nagkikibuan sina Omid at Amani pero hindi niya masyadong iniisip iyon dahil magkahiwalay ng grupo ang mga ito. Gumagana lang siguro ang imaginative brain niya at nago-overthink na naman siya.
Pagkatapos ng training ay tumayo na siya at bumaling sa dalawang kasama. “Bababa muna ako para magpakita kay Amani.” paalam niya sa dalawa at hindi na hinintay ang sagot ng mga ito. Nagtuloy-tuloy na siya sa pagbaba sa field. Nakasabay pa niya halos ang mga babaeng kulang sa tela ang mga damit kaya sandali siyang huminto para paunahin ang mga ito. Tinaasan kasi siya ng kilay ng isa.
Nang makababa ay agad hinanap ng mga mata niya si Amani at nang makita ito ay agad na naglakad palapit sa kaibigan ngunit muli siyang napahinto nang harangan siya ni Yannick. “Hey, Lia. How are you? Matagal-tagal din kitang hindi nakita dito.” bati nito sa kanya.
Tipid na nginitian niya ang binata. “I’m fine. Busy lang ako kaya ngayon lang ulit ako nakapanood ng training ninyo.” simpleng sagot niya ‘tsaka nagpasintabi. Malakas na tinawag niya ang pangalan ni Amani nang malapit na siya dito.
Agad naman itong lumingon sa kanya, kunot na kunot ang noo. “What are you doing here, Liandra?” iritadong tanong nito.
Hinay-hinay lang, Lia. Hindi maganda ang mood ni Amani. Huwag mong sabayan. Siguradong magkakagulo kayo kapag ginawa mo iyon. paulit-ulit niyang paalala sa sarili habang papalapit siya sa kaibigan.
Nang sa wakas ay nasa harap na siya nito ay ‘tsaka siya sumagot. “I think we need to talk. Sige na, kausapin mo na ako.” nagmamakaawang pakiusap niya. Hindi talaga siya matatahimik hangga’t hindi niya nalalaman kung ano ang problema nito. Ngayon lang naman kasi talaga ito naging ganoon sa kanya. Isa pa, iyon na lang ang magagawa niya para dito kapalit ng madaming bagay na isinakripisyo nito para sa kanya.
Tinitigan siya nito ng mataman pagkatapos ay may kung sino itong nilingon sa likod niya bago muling ibinaling sa kanya ang mga mata. “Sinabi ko nang huwag kang pupunta dito, ang tigas ng ulo mo. Para sa’yo din naman ‘to.” bubulong-bulong na wika nito at bumuntong-hininga.
“Para sa’kin? Bakit, ano ba ang mayroon kasi at ayaw mo akong papuntahin dito? Palagi naman akong sumasama sa’yo kaya hindi ko maintindihan kung ano ang problema mo ngayon.” naguguluhan pa ding aniya.
Muli nitong ibinaling ang mga mata sa kung ano man ang nasa likod niya bago ibinalik sa kanya ang tingin. “Dahil masasaktan ka lang, Lia.” deretso ang tingin sa mga mata niyang sabi nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya. Ano ba ang sinasabi nito? Paano siya masasaktan? At sino ang maaaring makasakit sa kanya? Nang mapansin na wala na naman sa kanya ang pansin nito ay nilingon niya ang kanina pa tinitingnan nito ‘tsaka siya natigilan. Pakiramdam niya ay biglang tumigil sa pag-function ang puso niya nang mga sandaling iyon. Maging ang mga dugo sa katawan niya ay tumigil din sa pagdaloy.
Because standing not far from them is Omid with one of the women who looks like a socialite or porn star. Ang akala pa naman niya ay wala na siyang kakayahang masaktan pa ng kahit na sino dahil nasanay na siya pero ang nararamdaman niya ngayong nakikita niya ang pakikipag-lambingan ni Omid sa ibang babae, parang binibiyak ang puso niya.
Aware siya na wala siyang karapatang maramdaman iyon dahil magkaibigan lang naman sila. Pero hindi naman ganoon ang nararamdaman niya kapag si Amani ang may kalambingan na ibang babae. Sinasabi lang niya dito ang opinyon niya sa mga babaeng idine-date nito pagkatapos ay wala na. Pero si Omid? Oo nga at gusto niya ito, gustong-gusto pero ang makaramdam siya ng ganoong klase ng sakit? Normal ba iyon?
“Are you okay, Lia?” ang naga-alalang tinig na iyon ni Amani ang narinig niya.
Ipinikit ni Lia ang mga mata ‘tsaka ilang beses na lihim na huminga ng malalim. Hindi niya maaaring ipahalata sa kaibigan ang kasalukuyang nararamdaman. Masyado na itong naga-alala sa kanya para dagdagan pa iyon. The least she could do is to ease that worry her best friend feels.
Nang masigurong kalmado na siya at kaya na niyang harapin ang matalik na kaibigan nang hindi nito mahahalata ang kasalukuyang dilemma niya ay muli na siyang humarap dito. “May dahilan ba para hindi ako maging okay?” nakataas ang isang kilay na balik-tanong niya.
“Iyan ang dahilan kaya ayaw kitang isama dito. Dahil ilang araw nang nagpupunta dito iyang idine-date ni Omid. Ayoko lang na masaktan ka kapag nakita mo sila.”
She laughed. “Ha? Ako, masasaktan? Bakit naman? Magkaibigan kami ni Omid pero iyon lang naman iyon. Libre naman siyang i-date ang kahit na sinong babaeng magustuhan niya. Hindi ko na problema iyon no.” napailing-iling siya at humalukipkip. “Iyan lang talaga ang dahilan kaya ayaw mo akong dalhin dito?” napapalatak siya. “Ang akala ko pa naman ay may malala kang problema na ayaw mo lang sabihin sa’kin.”
Bravo, Liandra! Bravo! Puwede ka nang maging artista. May naitutulong din pala sa’yo ang pagiging writer mo!
Tiningnan siya ng mataman ni Amani. Syempre pa, hindi siya magpapatalo dito. Hindi siya papayag na malaman nito ang nararamdaman niya at magkaroon ng lamat ang pakikipag-kaibigan nito kay Omid. Lalo pa’t may laban ang mga ito sa Singapore sa susunod na linggo. Hindi puwedeng magkaroon ng tensiyon sa dalawa.
Nang marahil ay makuntento ito sa kung ano man ang hinahanap nito sa mukha niya ay bumuntong-hininga ito at binalikan ang bag nitong nakapatong sa isang monobloc chair. “Kumain na nga lang tayo. Sino ba ang kasama mo?”
“Sina Elyza. Iniwan ko sila sa taas. Isama na lang natin sila para mawala iyang pamo-mroblema mo.”
Hinintay na lang niya si Amani na matapos sa paga-ayos. Pero hindi naman niya napigilan ang palihim na pagsulyap sa kinaroroonan ni Omid at ng idine-date nito. Tinutulungan ng babae ang binata sa paga-ayos ng gamit nito. Nagtatawanan pa ang dalawa na para bang kung ano man ang pinagu-usapan ng mga ito ang siyang pinakamasayang bagay sa buong mundo.
Pagkatapos ay bigla niyang naisip ang mga araw na nagte-text siya sa binata at nagme-message sa social media accounts nito na hindi nito binabasa o tinitingnan man lang. Kaya siguro hindi na nito sinasagot ang mga tawag niya o kahit ang mga texts niya ay may ibang babae nang nakaagaw ng atensiyon nito. Siguro ay selosa ang idine-date nito at ayaw na may ibang lalapit kay Omid.
Possessive masyado! Babalu naman. Mas maganda naman ako diyan. Akala mo kung sinong maganda. Panlalait niya. Alam niyang masama ang ginagawa niya pero nagngingitngit siya sa kasalukuyang nararamdaman. Hindi din niya alam kung paano niya ilalabas ang mga negatibong aura na nagpaparamdam sa kanya.
“Let’s go, Lia.” yaya sa kanya mayamaya ni Amani. Sumunod na siya dito. Nagpaalam at bumati din siya sa ibang players at coaching staff. Niyakap at kinagat pa niya si Misagh nang lapitan niya ito. Nang muling mapadako ang tingin niya kay Omid ay nakatingin ito sa kanya. Agad na lang siyang nag-iwas ng tingin at tuloy-tuloy na umakyat ng grandstand. Magsama ito at ang nobya nitong nagmamay-ari ng deadly weapon.
Masaksak sana siya nang magtanda. Hindi marunong pumili ng babaeng magugustuhan.Lord, sorry po. Sorry sa pagiging judgmental ko. Hindi ko lang po mapigilan. Nasasaktan po ako eh.
0 thoughts on “Unexpected Love”