CHAPTER 8
MATAGAL NA TUMITIG sa akin si Yuu. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya ngayong nagkita na kaming muli. Matama akong naghintay sa magiging tugon niya. Walang anu-ano ay pumatak ang luha sa kaniyang mga mata; marahan siyang yumuko — tipikal sa isang Hapones na bumabati, at mahinahon siyang tumugon sa akin:
“Okaerinasai…”
Noon din ay biglang bumagal ang ikot ng aking mundo: nagsimula akong humakbang palapit kay Yuuto at siya rin naman ay sinalubong ako ng buong pananabik. Alam ko na maraming nakamasid sa amin, subalit nang mga sandaling iyon ay walang ibang tao sa mundo kung hindi ako at si Yuu lamang.
Nang lubusan na nga kaming magkalapit ay niyakap ko siya ng pinakamahigpit. Kung ako lang ang masusunod ay ayaw ko na siyang pakawalan. Hindi ko na nais pang bumitiw upang hindi na muli siyang mapalayo sa akin.
“Yuu,” Bulong ko habang yakap-yakap siya ng mahigpit “sana’y mapatawad mo na ako. Ngayon ko napatunayan na hindi ko kayang mawala ang isang katulad mo sa buhay ko.”
“Hindi kita kayang patawarin, Kiyo.” Malamig na wika ni Yuu.
Natigilan ako sa sinabi ni Yuu. Bahagyang lumuwang ang pagkakayakap ko sa kaniya. At bagama’t hindi naman niya ako ipinagtutulukan, pakiramdam ko ay kailangan ko nang bumitiw.
“Paano ko patatawarin ang isang walang kasalanan?” Dugtong ni Yuu.
Iyon lang at niyakap ako ni Yuu nang mas mahigpit. Sapat upang ipadama ang kaniyang labis na pangungulila sa akin. At tulad ng isang batang humihingi ng kalinga sa kaniyang ina, inihilig ko ang aking ulo sa balikat ni Yuu.
Muli ay tumigil ang aking daigdig…
Ganito na lang sana kami…
Ayos na sa akin…
Ang mahalaga ay magkasama na kaming muli ni Hisagi Yuuto…
Isang tinig ang humila sa akin pabalik sa realidad: si mommy na may dala-dalang pagkain. Biglang kumalam ang sikmura ko. Hindi pa nga pala ako nanananghalian, at halos mag-aalis sais na ng gabi. Hinawakan ni Yuu ang aking kamay at niyaya akong pumasok sa loob ng bahay upang kumain.
Sa hapag ay pinagmamasdan lamang ako ni Yuu habang ako’y kumakain. Para bagang ako’y isang asawang lalake na kauuwi lamang galing sa trabaho, at si Yuu ang aking asawa na kuntento nang panuorin akong lasapin ang sarap ng kaniyang inihandang hapunan. Sinubukan ko siyang alukin subalit busog pa raw siya.
Matapos kumain ay sinamahan na niya ako sa silid na ginagamit niya upang makapagbihis. Inilibot ko ang aking mga mata at napansin ko na may pintuang salamin papunta sa veranda: masarap magpahangin doon at tanaw mo pa ang dagat. Subalit nang makita ko ang higaan ay para akong nakaramdam ng pagod kaya inilapat ko ang aking likod upang makakuha ng kaunting pahinga. Walang anu-ano ay naramdaman kong may nag-aalis ng suot kong sapatos.
Nang lumingon ako ay nakita ko si Yuu sa aking paanan. Para talaga siyang isang asawa kung mag-asikaso sa akin. Sa kabilang banda naman ay natutuwa ako sa mga ginagawa niya. Hindi na ako nahiya. Hinayaan ko na alisin ni Yuu ang suot kong sapatos at medyas. Matapos nito ay marahan niyang minasahe ang aking mga paa upang pawiin ang aking pagod.
Matapos ang ilang sandali ay hinubad naman niya ang suot kong baseball shirt, at inutusan akong dumapa. Nagsimula naman niyang masahiin ang aking likod. Bagama’t marahan ang haplos ni Yuu, may sapat na lakas din ang kaniyang hagod upang marelaks ako. Nang tapos na siya sa aking likod ay minasahe naman niya ang aking mga binti. Hinihintay kong hubarin niya ang suot kong baseball pants subalit hindi niya ito ginawa. Sa isip-isip ko tuloy, hindi naman ako tatanggi, Yuu, kasi ikaw iyon…
~~~
BUMALIKWAS AKO mula sa pagkakahiga. Nilingon ko ang orasan sa lamesitang nasa tabi ng kama: pasado alas-onse na! Nakatulog na pala ako. Suot ko pa rin ang baseball pants ko. Sa ganitong sitwasyon na ako iniwanan ni Yuu.
Bumangon ako sa kama at nakita ko si Yuu sa veranda — nakatanaw sa dagat. Pinuntahan ko siya roon upang samahang magpahangin. Nang tumayo ako sa tabi niya ay lumingon siya sa akin, ngumiti, at muling tumingin sa dagat. Sinundan ko ng tanaw ang lugar kung saan siya nakatingin at sa liwanag ng bilog na buwan ay napansin ko na tutok ang kaniyang mga mata sa islang madalas naming puntahan noong mga bata pa kami.
“Diyan tayo madalas mag-picnic.” Wika ni Yuu habang nakatingin sa isla.
Tumango ako. “Na-miss ko tuloy bigla ang islang iyan.” Bigla akong nagkaroon ng ideya. “Nandiyan pa ba ang bangka mo?”
Biglang lumingon sa akin si Yuu, umiiling subalit nakangiti siya. Alam kong alam niya kung ano ang nasa isip ko ngayon.
“Wala na tayong makukuhang pwedeng magpatakbo ng bangka.” Sagot ni Yuu. “Nagpapahinga na ang tauhan ni lola.”
“Hindi naman kalayuan ang islang yan. At hindi natin gagamitin iyong de-motor. Magsasagwan tayo — gaya noong mga bata pa tayo, kapag tumatakas tayo kila mommy.”
“Kiyo, matagal nang nakatambak sa bodega ang bangka ko. Hindi ko alam kung magagamit pa natin iyon.”
“Paano natin malalaman kung hindi natin susubukan?”
Iyon lang at dali-dali akong nagbihis, kinuha ang aking bag, at tahimik na lumabas ng bahay kasama si Yuu. Sa bodega kami dumiretso at maingat naming binuksan ang pintuan. Binawalan ko si Yuu na buksan ang ilaw ng bodega dahil baka may makapansin sa amin. Ginamit ko na lamang ang ilaw ng aking cellphone upang mahanap namin ang bangka ni Yuu.
Nasa isang sulok lang ito ng bodega at may takip na trapal. Nang alisin namin ito ay nakita naming maayos pa naman ang bangka. Maingat naming hinila palabas ang bangka at dinala ito sa dalampasigan. Nagkangitian kami ni Yuu dahil sa aming munting tagumpay.
Inalalayan ko si Yuu pasakay ng bangka. Nang maka-upo siya ay iniabot ko sa kaniya ang aking bag, at marahang itinulak sa tubig ang bangka. Nang sapat na ang lalim ay pumanhik na rin ako. Nagsimula na akong sumagwan patungo sa isla.
Ilang saglit pa ay narating na namin ang isla. Para kaming mga batang sabik na nagmamadaling bumaba ng bangka, at naghabulan sa buhanginan — gaya ng dati, ako ang taya.
Nang maabutan ko si Yuu ay niyakap ko siya ng mahigpit upang hindi siya makawala, at nagsimula kaming matumba sa buhangin. Sa kagustuhan kong protektahan si Yuu ay ipinihit ko ang aking katawan upang ako ang unang babagsak sa lupa.
Sa huli nga ay lumapat ang aking likod sa buhangin, si Yuu sa ibabaw ko — hindi pa rin ako bumibitiw sa pagkakayakap sa kaniya. Nagtama ang aming mga tingin, at nanatili kami sa ganoong akto sa loob ng ilan pang sandali. Ipinikit ko ang aking mga mata, handa sa anumang maaaring mangyari.Subalit naramdaman ko ang pagkalas ni Yuu sa aking pagkakayakap upang bumangon at maglakad palayo. Dali-dali rin akong bumangon upang sundan siya.
Nakarating kami sa gitna ng isla. Tumigil si Yuu sa paglalakad at tumingala sa langit. Kita-kitang sa kaniyang mga ngiti ang kasiyahang nagmumula sa puso. Lumapit ako sa kaniya. Nang makatabi ko siya ay hinawakan ko ang kaniyang kamay, at tulad niya, tumingala rin ako sa langit.
Dumampi ang sariwang hangin sa aming mga pisngi at nagmulat kami ng aming mga mata. Matapos niyon ay binuksan ko ang aking bag at kinuha ang pares ng damit na binili ko sa mall nang minsang mamasyal kami ni Roy. Iniabot ko ang isa kay Yuu.
“Magpalit ka ng damit, Yuu.” Utos ko sa kaniya. “Iyan ang isuot mo.”
“Bakit kailangan ko pang palitan ang suot ko?” Tanong ni Yuu. “At white shirt pa talaga?”
Hindi ako sumagot. Bagkus ay isinuot ko rin ang white shirt na para sa akin. Nagpalit na rin ng damit si Yuu. Nang pareho na kaming nakasuot ng puting damit ay hinawakan ko si Yuu sa balikat at marahang iniharap sa akin.
“What’s going on, Kiyo?” Dinig ang pagtataka sa tinig ni Yuuto.
“Yuu,” sagot ko, “hindi mo pa rin ba napapansin? Suot natin ang ating wedding dress.”
Sa ilalim ng bilog na buwan ay nakita kong nanlaki ang mga mata ni Yuu. Alam kong hindi niya inasahan na sa akin manggagaling ang mga katagang iyon.
“Hisagi Yuuto,” tinitigan ko si Yuu, “pakakasalan kita, ngayon na…”
xxxxxxxx
Okaeri – “Welcome back/ home”
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25
0 thoughts on “MAGNET: A BL Story by Xross Kyuuketsuki”