Download Story.

close

MAGNET: A BL Story by Xross Kyuuketsuki

Written By: xrosskyuuketsuki       |       Story Status: Completed
Posted By:
xrosskyuuketsuki

CHAPTER 7

DUMATING ANG ARAW ng uwi ni Yuu. Maaga akong gumising at nagbihis, subalit hindi upang sunduin siya sa airport kung hindi upang pumunta sa advantage game namin. Ganitong-ganito rin ang nangyari dalawang taon na ang nakalilipas: kinailangan kong pumunta sa paaralan sa araw ng pag-alis ni Yuu. Ang masakit nito ay pati ba naman sa pagdating niya, wala pa rin ako?

Hanggang sa makarating ako sa locker room ay wala ako sa focus. Maya’t-maya ay nahuhulog ang mga laman ng bag at locker ko. Shit! Dapat kasi ay nasa paliparan ako ngayon upang salubungin ang matalik kong kaibigan, pero nandito ako ngayon sa school — sa ngalan ng scholarship program!

Nang makapagbihis na ang team ay dumiretso na kami sa playing field upang mag warm-up. Sa kabilang bahagi ay nagi-ensayo na rin ang team nila Roy. Unti-unti na ring napupuno ng mga estudyante mula sa magkabilang school ang mga upuan ng stadium. Makalipas pa ang ilang oras, tumunog na ang businang hudyat ng pagsisimula ng laro.

Dahil sa school namin ginagawa ang laro, mauuna sa batting area ang visiting team, ang St. Peter’s College. Nasa amin ang homecourt advantange. Ito ang sinasabi ni Roy na huwag ko silang uubusin. Dahil sa talento ko sa pagpi-pitch, kaya kong ma-strike out ang mga manlalaro ng kalabang koponan — ibig sabihin hindi sila magkakaroon ng pagkakataong pumuntos. Sa college baseball, bihira na ang pitcher ay maging hitter din, subalit kung talagang kinakailangan ay pumupuwesto rin ako sa batting area upang makatulong sa pagdagdag ng puntos — at madalas, ipinapasok ako ni coach kapag kritikal ang laban. Sa mga pagkakataong ito ay madalas na ako ang nagpapanalo ng laro: ako ang baseball hero!

Ewan ko nga lamang ngayon. Hindi talaga ako makapag-concentrate. Bagama’t nasa baseball field ang katawan ko, ang kaluluwa ko naman ay nasa airport sa mga oras na ito. Wala ng ibang laman ang utak ko kung hindi si Yuu lamang. Dalawang taon akong nangulila sa matalik kong kaibigan.

Pumuwesto ako sa pitcher’s mound upang simulan ang tradisyonal na pag-ubos sa aking mga kalaban. Huminga ako ng malalim. Si Roy ang unang hitter. Ngumiti siya sa akin. Sinagot ko ang ngiting iyon ng isang mabilis na paglipad ng bola patungo sa catcher na nasa likuran niya.

Strike one si Roy! Mabuti naman. Kahit papaano pala’y nakakapaglaro pa ako ng maayos.

Isa pang tricky pitch. Strike two!

Sa ikatlong pitch ko, sinigurado ko na kukurba ang bola bago pa ito tumama sa bat.

Strike three! Out na agad si Roy!

Ganito rin ang ginawa ko sa sumunod kay Roy. Dalawa na silang naii-strike out ko. Pumuwesto ang ikatlong hitter sa batter’s box. Nag unat-unat ako upang ihanda ang aking sarili sa susunod kong pag-atake. Subalit nang tumingin sa akin ang hitter ay bigla akong nawala sa huwisyo: si Yuu ba ang nasa harapan ko?

Kumurap-kurap ako. Hindi siya ang bestfriend ko. Subalit ang maliit niyang mukha at singkit na mga mata ay labis na nagpa-alala sa akin kay Yuu. Pumuwesto na ako. Minsan pa ay pinalipad ko ng mabilis ang bola, subalit laking gulat ko nang hindi ito dumiretso sa catcher. Sa halip ay tinamaan ang bola — at hindi lang basta tinamaan, home run hit pa! Shit naman!

Nangako akong hindi na makakatama ang susunod na batter. Subalit muli ay nagulo ang pag-iisip ko ng ala-ala ni Yuu, lalo pa nang makita ko ang kahawig niya. Gaya ng ikinakatakot ko ay muling tinamaan ang bola. Sapat ang lakas ng pagpalo ng hitter upang maka puwesto siya sa second base. Ang sumunod na batter ay nagawa ring tamaan ang pitch ko, at muli ay umusad ang grupo ni Roy.

Nagpatuloy pa ang kapalpakan ko hanggang sa dalawa na sa manlalaro ng St. Peter’s College ang nakabalik sa kanilang home base. Hindi na tumatalab ang magic ko!

Madali itong napansin ni Coach kaya tinawag niya ang relief pitcher upang palitan ako. Kung sa mga ordinaryong araw, sasama ang loob ko sa sarili ko dahil sa mga kapalpakan ko. Subalit hindi sa araw na ito. Pagkakataon ko na upang puntahan si Yuu!

Dali-dali akong bumalik sa box namin upang kunin ang gamit ko at mabilis na tumalilis palabas ng stadium. Tinawag pa ako ni Coach subalit hindi ko na siya nilingon. Dumiretso ako sa aking kotse na naka-baseball uniform pa rin, hindi na ako nagpalit ng damit. Sinalubong ako ni Sandra na tinawagan ko habang papunta ako sa parking area.

“Kiyo,” ani Sandra pagsakay namin sa kotse, “OK ka lang ba?”

Ngumiti ako sa kaniya. “‘Never felt better!”

Pina-andar ko na ang kotse. Didiretso na kami sa Pangasinan. Nag-text kasi si mommy na kasama na niya sina Yuu at ngayon ay patungo na nga sila doon.

Mabilis ang takbo ng sasakyan namin dahil nagmamadali ako. Sabik na sabik na akong makita ang bestfriend ko. Dalawang taon akong naghintay sa kaniya.

Pagdating sa main road ay sinalubong kami ng traffic. Kalma lang, Kiyo, sabi ko sa sarili ko. Normal na ang traffic.

Limang minuto…

Sampung minuto…

Labin-limang minuto na kami sa kalye ay hindi pa rin kami umuusad. Nagsisimula ng bumusina ang ibang sasakyan. Matapos ang mahigit kalahating oras ay saka lamang kami naka-usad. Nagkaroon daw ng banggaan kaya kami na-stuck. Shit naman!

Mabuti na lamang at iyon lang ang naging sagabal sa biyahe namin. Naging maluwag na ang traffic paglampas namin sa isinumpang daanan na iyon hanggang sa sumunod pang tatlong oras. Mahigit isang oras na lang ang hihintayin ko at makikita ko nang muli si Hisagi Yuuto!

Sa kalagitnaan ng aking pagmamaneho ay biglang huminto ang sasakyan. Tumingin ako sa gas gauge, may gas pa naman; sa temperature gauge, hindi pa naman nagu-over heat ang sasakyan. Sinubukan ko na muli itong i-start subalit hindi ito kumakagat.

Shit! Sana hindi nangyayari ngayon ang kinatatakutan ko: ang mamatayan ng baterya! Pamana lang kasi ni mommy sa akin ang kotse na ito at ni minsan ay hindi ako nagkaroon ng pagkakataong mapalitan ang battery nito. Sinubukan ko pang i-start itong muli subalit ayaw na talaga.

Nanlumo ako. Matatagalan pa bigla ang pagkikita namin ni Yuu. Bumaba kami ni Sandra upang subukang maghanap ng pinakamalapit na mekaniko subalit mukhang mahihirapan kami.

“Kiyo,” ani Sandra, “may paparating na bus pa-biyaheng Pangasinan.”

“So what, Sandra?” Pikon na tanong ko. “Hindi natin puwedeng iwanan dito ang kotse.”

“I know.” Sagot ni Sandra, sabay abot sa akin ng bag ko. “Kaya nga mauuna ka na sa akin. Sumakay ka sa bus na iyan at puntahan mo si Yuu. Ako na ang bahalang humanap ng mekaniko. Susunod na lang ako pag ayos na ang kotse.”

“Sigurado ka ba sa sinasabi mo?” Pinilit kong itago ang ngiti sa narinig ko.

Hinalikan ako ni Sandra at pinara niya ang bus. Nang huminto ito sa amin ay ipinagtulakan pa niya ako pasakay dito.

“Don’t worry about me, honey!” Ang nakangiting wika ni Sandra. “I’ll be fine!”

Sumara na ang pintuan ng bus. Inihatid ako ni Sandra ng tingin hanggang sa tuluyan na ngang lumayo ang sasakyan at nawala na siya sa aking tanaw.

Humanap ako ng upuan at sumandal. Nang makapag-bayad ako sa konduktor ay pumikit ako upang magpahinga sandali.

~~~~~~~~~~

“Boss.” Ginigising na ako ng konduktor dahil nakatulog na pala ako. “Dito na po sa Dagupan ang stop ninyo. Magsi-second ride na po kayo papuntang Binmaley.”

Dali-dali kong kinuha ang bag ko at bumaba na ako ng bus. Pinara ko ang kasunod na sasakyan na magdadala sa akin kay Yuu.

Mabuti na lamang at natatandaan ko pa kung paano pumunta sa bahay ng lola niya. Huli akong nakapunta dito noong mag-birthday si Yuu nang mga second year highschool pa lamang kami. Maganda ang mga beaches dito, kaya tinandaan kong mabuti kung paano bumalik dito. Bagamat ngayon ay hindi ang beach ang dahilan kung bakit ako bumibiyahe.

Matapos ang ilang oras na paglalakbay ay nakarating na ako sa destinasyon ko. Mabibigat ang yapak ng aking mga paa sa labis na pagmamadali na makarating sa aking pupuntahan. Maya-maya pa nga ay naririnig ko na ang ingay ng mga taong nagkakasiyahan. Nanggagaling ito sa bahay ng lola ni Yuu.

Pumihit ako patungo sa gate, at nakita ko rin siya sa wakas! Bagama’t nakatalikod siya at may kinakausap na panauhin ay hindi ako maaaring magkamali. Walang duda. Siya na nga ang bestfriend ko!

“YUUTO!” Dinig ang labis na pananabik sa aking tinig.

Dahan-dahan ang pagharap ni Yuu sa akin at hindi ko na nga napigilan ang aking pagluha nang magtama ang aming mga paningin.

“Hisagi Yuuto,” ani ko habang nilalabanan ang nangingibabaw kong emosyon. “tada ima!”

*****************

*tada ima – I’m here/ I’m home

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25