Download Story.

close

MAGNET: A BL Story by Xross Kyuuketsuki

Written By: xrosskyuuketsuki       |       Story Status: Completed
Posted By:
xrosskyuuketsuki

CHAPTER 6

“ADVANTAGE GAME?” Tanong ko kay Coach. “Makakalaro namin ang baseball team ng St. Peter’s College?”

Tumango si coach. Nagkatinginan kami ng mga team mates ko. Ang St. Peter’s College ang isa sa pinaka-angat na pangalan sa larangan ng college baseball. Mahalaga ang game na ito dahil ang mananalo ay magkakaroon ng malaking advantage sa darating na baseball season pagpasok ng second semester.

“Kaya mas mag-handa pa tayo.” Ani Coach. “Sa makalawang Biyernes na ang laro.”

Natigilan ako. Hindi pwede ito. Iyon din ang araw ng uwi nila Yuu. Kailangang sumama ako sa pagsalubong sa kanila dahil hindi naman sila sa subdivision uuwi — didiretso sila sa Pangasinan: sa probinsiya ng mommy niya.

Nabalitaan ko kasi kay mommy na naibenta na pala ang bahay nila Yuu at uuwi lang sila para i-finalise ang sale. Tatlong araw lang sila mananatili sa Pilipinas dahil hindi pwedeng maiwan ng matagal ang negosyo nila sa Japan. Hindi ko dapat mapalampas ang pagkakataong ito!

“Kiyo,” tinawag ako ni Coach. “Hindi ka puwedeng mawala sa game na ito.”

Hindi ako nakasagot. Paano ko ba sasabihin na mahalaga sa akin ang araw na iyon, pero may ibang bagay akong dapat gawin?

Nai-dismiss na kami ni Coach at dumiretso ako sa coffee shop na madalas naming tambayan ni Sandra. Wala siya ngayon, may tour sila sa Palawan — part ng course niyang tourism. Mag-isa lang ako ngayon.

Walang anu-ano’y nag-ring ang cellphone ko. Si Roy, iyong dati kong team mate sa baseball noong highschool pa lamang kami, tumatawag siya sa akin.

“Pare!” Sagot ko.

“Alam mo na siguro kung bakit ako tumatawag.” Wika ni Roy.

“Ah, oo nga,” ani ko, “makakalaban namin kayo sa advantage game sa makalawang linggo.”

“Iyon na nga, pare.” Nagbuntong-hininga si Roy. “Bakit kayo pa? Katatapos lang ibalita sa’min to ni coach. Mukhang mahihirapan na kami sa next season nito.”

“Ano ba’ng sinasabi mo? Kayo ang team to beat.”

“Not if we’re going to lose the advantage. Alam mo naman na hanggang sa maka-graduate tayo, hindi ko pa rin mapalo ang bola kapag ikaw ang pitcher. Pare, huwag mo kaming ubusin, paki-usap lang.” Tumawa si Roy. Natawa rin ako.

“Hindi ko maipapangako iyan.” Sagot ko. “Nasaan ka ba?”

“Nasa school pa ako. Wala akong gagawin ngayon. Ikaw ba?”

“Wala rin. Gala tayo!”

~~~

Makalipas ang isang oras, nagkita na kami ni Roy sa mall. Nakikita ko naman siya kapag may laban pero ngayon, mukhang mas gumanda ang hubog ng katawan niya. Talaga ngang naghahanda sila sa elimination game.

Halos maghapon lang kaming nagpaubos ng oras sa mall, naglaro ng arcades, kumain. Bumili rin ako ng bagong pares ng damit. Nang halos dumidilim na ay nagpasiya na kaming maghiwalay. Dito nagyaya si Roy na sumama muna ako sa apartment na tinutuluyan niya para makatambay pa kahit kaunti.

Kung sabagay, simula nang mag-college kami ay hindi ko pa nga nakikita ang pad ni Roy. Nagpasiya kasi siyang bumukod (hindi tulad ko, nakatira pa rin sa bahay ng mommy ko). Matapos ang ilang sandaling pagda-drive ay nakarating na kami sa pad ni Roy.

“It’s a two-bedroom unit,” ani Roy. “Tara sa loob.”

Taliwas sa inaasahan ko sa isang tipikal na bachelor’s pad, hindi magulo ang loob ng unit ni Roy. May masipag daw kasi siyang kasama sa bahay. Tinawag niya ito at laking gulat ko nang makita ko kung sino ang kasamang tinutukoy ni Roy.

“J-James!” Sambit ko. “Magka-room mate pala kayo ni Roy?”

Lumapit si Roy kay James at inakbayan niya ito. Napanganga ako sa sumunod kong nakita: humalik si Roy kay James!

“Na-bore ka ba dito, luv?” Tanong ni Roy kay James. “Medyo napahaba ang malling namin ni Kiyo. Ngayon lang kami ulit gumala nito.”

Masiyado yatang halata ang pagka-gitla sa aking mukha kaya lumapit sa akin si Roy at tinapik ako sa balikat.

“Ito rin ang dahilan kung bakit kita isinama dito, p’re” Ani Roy. “Alam ko kasing may problema ka kay James simula pa noong highschool tayo. Inamin niya sa akin iyon nang maging kami.”

Napayuko ako — marahil sa magkahalong hiya at inis. Hindi ko naisip na darating ang araw na ito: na kailangan ko muling kausapin si James na walang kinalaman sa baseball. Hindi ko naman nakikita si James sa mga laro ni Roy. Kailan pa kaya sila naging magkarelasyon?

“Kiyo,” panimula ni James. “Alam ko naman na galit ka pa rin sa akin. Sana naman, mapatawad mo na ako. Matagal ko nang pinagsisihan ang ginawa ko sa iyo noon.”

Hindi ko alam kung paano sasagot kay James. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Hindi na kasing tindi ng dati ang galit ko, pero parang hindi ko pa rin talaga kayang mapatawad si James ng ganoon na lang. Gayon pa man, pinilit kong magsalita.

“Hindi na ako galit.” Shit! Hindi ito ang gusto kong sabihin. “Matagal ko nang kinalimutan ang nangyari sa atin.” Ano ba’ng sinasabi ko? Hindi ito ang gusto kong sabihin!

Iyon lang at umakbay na sa kin si Roy. Lubos ang kaniyang pasasalamat dahil sa wakas, mapapanatag na rin si James. At tutal naman ay magkaibigan na kami muli ni James, nagyaya si Roy na sa kanila na ako maghapunan. Hindi na ako nakatanggi.

Dito ko nalaman na may nangyayari na pala sa kanila kahit noong mga highschool pa lamang kami subalit nagsimula lang silang gawing opisyal ang relasyon nila nang tumuntong kami sa college. Ito rin ang dahilan kung bakit bumukod si Roy ng tirahan– para mag live-in sila ni James.

Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang sila ka-komportable sa pagkukuwento ng relasyon nila sa akin. Subalit nang magtanong si James tungkol kay Yuu, doon ako biglang nagka-ideya.

“Kamusta na kayo ni Yuu?” Tanong ni James.

“Wala na akong balita sa kaniya. Matagal na.” Sagot ko.

“Natiis ninyo na wala kayong balita sa isa’t-isa?” Sumingit si Roy.

“Natiis ni Yuu…” Mahina ang sagot ko.

“So, totoo ba na nag-break na kayo kaya umalis si Yuu?” Tanong ni James.

Napatingin ako kay James. Sabi ko na nga, iniisip nilang may kakaiba kaming relasyon ni Yuu. Iyon ang dahilan kung bakit ganoon sila ka-open sa akin. Iniisip nila na pareho kami ng sitwasyon. Pero hindi. At saan naman nila narinig ang ganoong klase ng balita? Matagal na bang iniisip ng mga school mates namin ang ganoon?

Napalunok ako. “Hindi…” ani ko. “Magkaibigan lang kami ni Yuu. Matalik na magkaibigan.” Kahit na hindi na ako komportable sa sitwasyon ay pinilit ko na huwag itong ipahalata.

Matapos pa ang ilang sandali, nagpaalam na ako. Muling nagpasalamat sina Roy at James sa pagpapa-unlak ko sa kanilang paanyaya. Habang nagmamaneho ay gulong-gulo ang utak ko. Parang napakaraming nangyari ngayong araw na ito:

Nalaman ko na may importante akong laro sa araw ng pag-uwi ni Yuu.

Pinatawad ko si James.

Natuklasan kong magka-relasyon sila ni Roy.

Iniisip ng mga tao na may espesyal na relasyon kami ni Yuu: Sa lahat ng iyon, dito lang ako napangiti. Matamis na ngiti.

Inapakan ko ang gas pedal at pinaharurot ang sasakyan pauwi sa amin. Malapit na kaming magkita ni Yuu.

Yahoo!

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25