Download Story.

close

MAGNET: A BL Story by Xross Kyuuketsuki

Written By: xrosskyuuketsuki       |       Story Status: Completed
Posted By:
xrosskyuuketsuki

CHAPTER 5

DALAWANG TAON na ang nakalilipas simula nang magkahiwalay kami ni Yuu, at marami na ang nagbago sa akin.

Ang dating totoy na campus crush ay isa na ngayong star athlete. Second year college na ako at ngayon ay ipinagpapatuloy ko ang buhay ko bilang isang baseball player. Noon kasing hindi ako nakuha sa scholarship program ng swimming team ay nagpasiya akong bumalik sa baseball. Sa kabutihang palad ay ito rin ang larong nagdala sa akin sa isang kilalang unibersidad.

Mas lalo pa akong nakilala at nadagdagan din ang aking mga tagahanga. Mabuti na lamang at malawak ang pag-iisip ni Sandra at hindi siya madaling magselos sa mga babaeng lumalapit sa akin upang makipagkilala. Paminsan-minsan, may mga baklang naglalakas loob makipagkaibigan sa akin. Hindi ko naman sila tinatinggihan.

Sa mga pagkakataong ito, muli ay naiisip ko si Yuu — eighteen na rin siya gaya ko. Katatapos lamang niyang magdiwang ng kaniyang kaarawan nitong nakaraang Abril. Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong makamusta ang bestfriend ko. Wala na siyang account sa facebook, tweeter, o sa kahit ano pa mang social networking sites. Maging sa facebook account ng mommy niya ay wala man lang akong makitang larawan niya sa Japan. Marahil ay tuluyan nang pinutol ni Yuu ang lahat ng ugnayan niya sa akin. Kasalanan ko ang lahat!

Bigla akong natauhan nang tapikin ako ni Sandra, at napatingin ako sa paligid ng coffee shop na tinatambayan namin ngayon.

“You’re spacing out again, Kiyo.” Ani niya. “Let me guess, naalala mo si Yuu?” Sabay abot sa akin ng coffee frap na in-order ko.

Tumango lang ako. Hindi naman kasi ako magkakaganito kung alam ko lang sana ang laman ng isip ni Yuu sa mga oras na ito. Gusto kong malaman kung hanggang saan ang galit niya sa akin, at kung mapapatawad pa ba niya ako. Hanggat hindi ko nakakausap si Yuu, hindi rin ako mapapanatag.

“Kiyo!” Halata ang tensiyon sa boses ni Sandra nang tawagin niya ako. “Look, si Hazel iyon di ba?”

Lumingon ako sa aking likuran at nakita ko nga si Hazel, umoorder ng kape — at may kasamang bata!

Bigla kong naalala: noong mga high school kami, hindi na pumasok si Hazel nang sumunod na school year at wala na rin akong naging balita sa kaniya. Hindi kaya ay batang iyon ang dahilan ng pagkawala niya sa paaralan?

Nang maka-order si Hazel ay pumuwesto siya sa mesang malapit sa amin ni Sandra, at halos mapanganga ako nang makita ko ang hitsura ng batang kasama niya: kamukhang-kamukha ito ni Yuu noong mga bata pa kami!

Lumingon ako kay Sandra. Kita ko sa mga mata niya na pareho kami ng iniisip. Kinuha namin ang aming mga baso at lumipat sa mesa ni Hazel. Gulat na gulat siya nang makita niyang kaming dalawa, at maluha-luhang yumakap sa amin.

“Hazel,” panimula ko, “kamusta ka na? Bigla ka na lang nawala sa school.”

Hindi siya sumagot. Bagkus ay tumingin siya sa batang kasama niya at marahan itong hinipo sa ulo. Sapat na sagot na iyon para sa amin. Samakatuwid ay ang bata’ng ito nga ang dahilan ng pag-alis niya sa eskuwela. Subalit may isa pang tanong na nais namang hanapan ng kasagutan. Siguro nga lamang ay inaasahan na rin ni Hazel ang itatanong namin kaya hindi pa man kami nagsasalita ay nagwika na siya:

“Anak ko,” aniya, “kay Yuuto…”

Hindi nga kami nagkamali.

Kinarga ko ang bata. “Yuu…” bulong ko, sabay yakap dito. Hindi ko maiwasan ang mapaluha. Muli ay nangulila ako sa bestfriend ko.

“December 16 ang birthday niya.” Ani Hazel. “Pareho kayo ng birthday, Kiyo.”

Isipin mo nga naman — kapag ang tadhana ang nagbiro, matutuwa ka talaga. Ang batang ito ay si Yuuto na isinilang sa araw ng kapanganakan ko! “Ano’ng pangalan niya?”

Ngumiti si Hazel. “YuKi”.

YuKi — ito ang unang dalawang titik ng mga pangalan namin ni Yuuto. Ang sabi ni Hazel ay sinadya niyang ipangalan ito sa bata dahil sa amin ni Yuu. Hanggang sa batang ito, konektado ako. Senyales na ba ito na hindi pa rin tuluyang mapuputol ang ugnayan namin ni Yuu?

Dahil sa wala naman kaming gagawin ni Sandra ay sinamahan namin si Hazel sa pamamasyal. Ganito raw kasi siya sa tuwing hindi siya abala sa bahay. Namamasiyal sila ni YuKi.

Hindi ko pa rin maiwasang mapatitig ng matagal sa bata sa tuwing nagkakaroon ako ng pagkakataong makarga ito. Hindi kasi talaga puwedeng itanggi ni Yuu na hindi sa kaniya ang bata. Ano kaya ang gagawin niya kung malalaman niyang may anak na siya?

“Hindi na niya kailangan malaman,” ani Hazel nang itanong ko ito sa kaniya, “wala na tayong komunikasyon kay Yuu. Mas pinili na niya ang ganoong buhay, hayaan na lang natin siya.”

“Pero karapatan niyang malaman na may anak siya, Hazel.” Sagot ko.

“Kung ipaaalam mo ito sa kaniya, mangako ka, Kiyo: sa kaniya mo lamang sasabihin ang bagay na ito.”

Natigilan ako. Paano ko maipararating kay Yuu ang balitang ito? Ilang beses na rin ba akong nakiusap sa mommy ni Yuu na bigyan niya ako ng pagkakataong makausap ang bestfriend ko subalit tumatanggi siya.

Kahilingan daw kasi ito ni Yuuto. Hiniling rin niya na huwag magkuwento ng kahit na anong bagay tungkol sa kaniya. Ito ang kabayarang hiningi ni Yuu nang biglaan siyang dalhin ng mommy niya sa Japan. Isa lang ang sinasabi sa akin ng mommy ni Yuu upang paglubayin ang loob ko:

“Isang araw magkikita rin kayo ni Yuu.”

Subalit kailan pa ba darating ang araw na iyon? Mahigit dalawang taon ko nang naririnig ang pangakong ito sa mommy ni Yuu, subalit wala namang nangyayari.

Hapon na nang ihatid namin ni Sandra si Hazel sa apartment na tinutuluyan niya. Nais pa niya kaming tumuloy sa loob upang mabigyan man lamang ng maiinom subalit tumanggi na kami. Nang hindi na kami makumbinsi ay tuluyan na ngang bumaba si Hazel sa kotse. Mula sa loob ng bahay niya ay may lumabas na isang mestisuhing lalaki na sa tingin ko ay mas matanda sa aking ng mga apat hanggang limang taon.

“Siya iyong kinukuwento ko kanina,” panimula ni Hazel, “si Gavin– live-in partner ko.”

“Masuwerte ka sa kaniya, Hazel.” Ani Sandra. “Minahal niya kayo ni YuKi ng buong puso.”

Ngumiti si Hazel at yumakap sa amin, saka bumaba bitbit ang nakatulog na si YuKi. Inalalayan naman siya ni Gavin at ilang saglit pa ay inihatid na nila kami ng tingin nang kami ay umusad na pauwi.

Habang nagmamaneho ay tumunog ang cellphone ko. Tumatawag si mommy. Inutusan ko si Sandra na sagutin ang tawag at halos mautal siya sa narinig na balita galing kay mommy:

“Kiyo,” ani Sandra, “u-uuwi ng Pilipinas sina Yuuto sa susunod buwan!”

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25