CHAPTER 9
“MOMMY?!” Halata ang gulat sa aking boses. “Hindi ba’t may tatlong araw ka pa sa Japan? Hindi tuloy kita nasundo.”
“Ayos lang, Yuuto,” ang nakangiting sagot ni mommy sa akin, “mission accomplished na ko so wala na akong dahilan para magtagal pa doon. At isa pa, miss na miss ko na ang bunso ko. Halika nga rito!”
Iyon lang at hinila ako ni mommy palapit sa kaniya, sabay yakap ng mahigpit. Pero mabilis din niya akong inilayo sa kaniya.
“Amoy pawis ka, anak.” Sabay tawa ng malakas.
~~~~~~
PABALING-BALING ako sa aking higaan kinagabihan. Napakaraming gumugulo sa isip ko. Una ay ang pag-aaway namin ni Kiyo, tapos kanina, habang naghahapunan ay may sinabi sa akin si mommy na lubos na nagpaisip sa akin: may sorpresa daw siya. Timing na timing nga raw dahil malapit na ang birthday ko.
Si mommy talaga. May isang buwan pa bago ako magdiwang ng aking kaarawan, pero heto siya at abala na sa paghahanda para dito.
Laging ganoon si mommy kapag birthday ko. Mayroon lagi siyang sorpresa. At hindi lang iyon, dahil natatapat sa summer ang espesyal na araw ko, lagi kaming nasa beach.
Ilang beses na ba kami’ng nag-Boracay, o nag-Pagudpud, o nag-La Union nila mommy kasama sina Kiyo at ang mommy niya? Sabi ni mommy, kapag daw naka-ipon siya ng marami-rami, sa Thailand daw kami magsi-celebrate ng birthday ko. Hindi kaya ito na iyong sorpresang sinasabi niya? Kasi ang clue niya, nasa airport kami sa birthday ko!
Napa-pikit ako at napa-ngiti ako. Na imagine ko ang sarili ko, naka-upo sa mapuputing buhangin ng Phuket at nakatanaw sa mala-kristal na tubig kung nasaan ay marahang umaahon si Kiyo — ang kaniyang maputing katawan, nasisinagan ng liwanag ng araw; dahilan upang mas malinaw kong makita ang kaniyang mga abs na parang inukit ng isang batikang iskultor mula sa langit.
Lumapit sa akin si Kiyo, tinitigan ako ng malagkit at pagkatapos ay yumakap sa akin.
“Yuuto…” Tinatawag ni Kiyo ang pangalan ko nang may halong lambing.
“Yuuto…” Sige pa Kiyo, banggitin mo pa ang pangalan ko. Gusto ko’ng marinig ulit ang lalakeng-lalake mong boses.
“Yuuto!”
Bigla akong napadilat nang may humila sa yakap-yakap kong unan, dahilan upang tumambad ang bukol sa aking boxers.
“Mommy?!” Bigla akong nagtakip ng kumot.
Pilya ang mga ngiti ni mommy at may ilang segundo rin munang tumingin sa akin bago magsalita.
“Papatayin ko na ang ilaw, matulog ka na.” Sabay halik sa noo ko, “Good night, bunso!”
~~~~~~
Araw ng Lunes, may flag ceremony kami kaya mas maaga akong pumasok sa school. Dati-rati ay dadaan si Kiyo sa bahay namin para sunduin ako. Pero ngayon, mag-isa na lang akong papasok. Ngayon, at sa susunod pang mga araw.
Finals week na sa susunod na linggo, at isang linggo pagkatapos noon ay graduation na ng mga seniors namin — kami na ang magiging mga bagong seniors! Tapos magkakaroon ng graduation ball, tapos noon, birthday ko na. Thailand, here we go!
Dapat ay masaya ako sa mga naiisip ko, pero biglang akong nalungkot. Kapag nagkataon kasi ay ito ang birthday ko na wala si Kiyo. Pakiramdam ko talaga ay hindi siya sasama sa amin ngayong taon. Paano ba naman kasi, isang lingo na akong hindi kinikibo ni Kiyo simula noong mag-away kami.
Tuluyan na rin siyang umalis ng baseball team, at balita ko ay sumali siya sa swimming team ngayon. Malayo sa class room namin ang pool area kaya masiyadong obvious kung pupunta ako doon para makita siya, tapos sasabihin kong napadaan lang ako.
Sa paglalakad ko sa school grounds pagkatapos ng flag ceremony ay nasalubong ko pa si Hazel pero inirapan niya ako. Noong araw din kasi na nag-away kami ni Kiyo ay nakipag-break ako sa kaniya. Masama ang loob sa akin ni Hazel. Sabi niya kasi, sa akin lang daw siya nag-seryoso tapos bigla ko siyang iiwanan. Wala akong magagawa. Iba talaga ang tibok ng puso ko.
Dahil sa dami ng iniisip ko ay hindi ko na namalayan na nakarating na pala ako sa classroom. Halos wala na kaming ginagawa sa klase dahil naghahanda na lang ang lahat sa finals.
Umupo ako sa puwesto namin ni Kiyo, at dito ay muling nangulila nang lingunin ko ang bakanteng upuan ng bestfriend ko. Nangilid ang luha sa aking mga mata. Para ako’ng namatayan ng isang mahal sa buhay. Iba pala talaga ang sakit na nadarama ng isang tao kung mahalaga sa kaniya ang mawawala.
Miss na miss ko na si Kiyo. Hindi niya sinasagot ang mga texts, tawag, at private messages ko. At dahil hindi na rin siya dumadalaw sa bahay ay nagtanong na rin si mommy kung magka-away ba kami. Siyempre sabi ko’y hindi. Sinabi ko na busy lang talaga si Kiyo dahil finals na.
Natapos ang finals week at nagsi-graduate ang mga seniors pero hindi na talaga nagparamdam sa akin si Kiyo. Hindi tanga ang mga taong malapit sa amin sa school para hindi mapansin ito. Marami sa mga classmates namin ang nagtatanong kung bakit hindi na kami nagkikibuan. Pareho kaming walang maisagot.
Escort ako ng kasama ko sa theatre club, si Kate, kaya naka-attend ako sa graduation ball. Si Kiyo naman ay ganon din: siya ang escort ng captain ng softball team namin. Malapit lang ang mesa ko sa kanila at gusto ko na siyang lapitan upang kausapin — upang anyayahan sa aking kaarawan. Pero sa tuwing magtatangka akong lumapit ay biglang tatayo si Kiyo at maglalakad palayo.
Napansin na marahil ito ni Kate kaya hinawakan niya ang kamay ko, at niyaya ako’ng lumabas ng party hall.
Tumambay kami sa garden na malapit sa hall, naupo sa isang bench, at sa ilalim ng bilong na buwan ay narinig ko ang mga salitang labis ko’ng ikinagulat.
“In love ka kay Kiyo, ano?” Ani Kate, may kahulugan ang kaniyang mga tingin sa akin.
“H-ha?”
“Yuu, kung maraming babae ang nabubulag sa kaguwapuhan mo, hindi ako. Amoy ko ang lansa ng dugo mo.” Dama ko ang kaseryosohan sa mga tinig ni Kate. “Umamin ka, in-love ka kay Kiyo?”
Naluha ako at napayakap kay Kate. Sa kauna-unahang pagkakataon, may kaibigan ako’ng nakakaintindi ng pinagdadaanan ko. Bagamat ka-close ko si Kate sa theatre club ay hindi kami madalas magkasama. Pero, siguro ay inu-obserbahan lang ako ni Kate ng mga panahong iyon.
“Oo, Kate…” Ani ko sa gitna ng pag-hikbi. “Mahal ko si Kiyo. Mahal na mahal. Hindi ko kaya na mawawala siya sa akin.”
“Alam na ba ito ni Kiyo?”
“Oo. Kaya nga hindi na niya ako pinapansin…”
Iyon lang at niyakap ako ni Kate ng mahigpit. Lalong lumakas ang aking pag-iyak. Hinaplos-haplos lang ni Kate ang likod ko, para bagang hinihimok pa niya akong ilabas ang sakit na nadarama ko sa mga oras na ito.
Sa sobrang pagtingin ko kay Kiyo ay hindi ko na nakita ang isang kaibigang may malasakit na tulad ni Kate. May ilang oras pa kaming nanatili sa garden, at pagkadaka’y nagpasiya na akong umuwi na lamang. Hindi na ako pinigilan pa ni Kate.
Mag-aalas onse pa lang naman ng gabi kaya pinasiya ko na lamang na maglakad pauwi sa amin. Nang malapit na ako sa kalye papunta sa aming bahay ay nakita ko si Renz, nakatalikod siya sa akin, pero kita ko na may kausap siya.
Para bagang naramdaman niyang nakatingin ako sa kaniya, kaya’t bigla siyang pumihit at nahuli niya akong nakatitig sa kaniya. Sa hiya ko ay dali-dali akong naglakad papalayo.
“Yuumi!” Tinawag ako ni Renz.
Nilingon ko siya. Wala naman siyang sinabi, tumango lang na parang nagsasabing ‘kamusta’. Doon ko natanaw kung sino ang kausap niya: si Kirara — ang baklang grasa. Siya iyong negrang bakla na palagi ring nangungulit kay Kiyo kapag naglalaro kami sa cafe nila Renz.
“Pota ka, Renz!” Sa isip-isip ko. “Sa sobrang libog mo pati baklang uling papatulan mo. Yuck!”
Muli ko na naman tuloy naisip si Kiyo. Sa huli ay tama siya tungkol kay Renz. Wala nga’ng ibang mahalaga kay Renz kung hindi ang libog niya. Nagpasiya ako na hindi na muli pang magkakaroon ng kaugnayan kay Renz kahit kailan — kahit alam ko’ng huli na ang lahat.
Kung hindi kasi naging matigas ang ulo ko, siguro sabay pa kami’ng umuuwi ni Kiyo ngayon. Malamang ay maririnig ko ang halakhak niya kung makikita rin niyang magkasama sina Renz at Kirara, at siguro makakasama siya sa birthday ko sa Sabado — siya nga pala, bukas na iyon…
Maaga akong nagising kinaumagahan. Matapos makapagbihis ay kinuha ko ang travelling bag ko na naglalaman ng mga gagamitin ko sa Thailand, pero nagulat ako dahil nang bumaba ako ay nakita ko’ng may dala pang malalaking maleta si mommy. Napaisip tuloy ako kung magtatagal kami sa Thailand. Naroon din ang mommy ni Kiyo, pero wala si Kiyo, at wala siyang dalang bagahe.
Ano bang nangyayari?
“Tita Jenny,” ani ko sa mommy ni Kiyo, “h-hindi po ba kayo sasama?”
Natawa ang mommy ni Kiyo.
“Ano ka ba naman, Yuu. Gustuhin ko man, hindi puwede pero huwag kang mag-alala, ihahatid ko naman kayo sa airport. At siyanga pala, pasensiya ka na ha, pina-alala ko pa kay Kiyo ang tungkol sa araw na ito, pero hindi ko alam kung nakikinig ba sa kin iyong batang iyon. Maaga siyang nagpunta sa school — required daw sabi ng coach niya sa swimming team.”
Matapos iyon ay may dinampot siyang regalo na nakapatong sa center table, at iniabot ito sa akin.
“Happy birthday, Yuu! Sixteen ka na. Magkasing-edad na kayo ni Kiyoteru ngayon. Halika na’t nang maaga kayong makarating sa airport. Mahirap maipit ng traffic.”
Sa loob ng sasakyan ay naiisip ko si Kiyo. Hindi man lang siya nag-text upang batiin ako sa espesyal na araw na ito. Pero kahit ganon pa man, ako na lang ang nagpasiyang mag-text sa kaniya.
“Nagpapaalam ka na ba kay Kiyo?” Tanong ni Tita Jenny habang sinisipat ako mula sa rear mirror ng sasakyan. Ngumiti lang ako. “Dapat lang kasi for good na kayo sa Japan ng mommy mo.”
Nanlaki ang mga mata ko. Japan? For good?
“Kumare!” Sambit ni mommy, “Bakit mo naman agad sinabi kay Yuu? Sorpresa nga hindi ba? Nakakaloka ka!”
“Naku, kumare, pasensiya na. Nadulas ang dila ko.”
Sabay tumawa silang dalawa.
Naglolokohan ba kami rito? Lahat sila alam na sa Japan kami pupunta — at hindi lang basta pupunta, doon na kami maninirahan. Ano’ng nangyari?
“Well, bunso,” panimula ni mommy, “tutal naman ay naidaldal na ng tita Jenny mo ang sorpresa ko, sasabihin ko na rin sayo ang totoo: iyong mga lolo’t lola mo sa Japan, iyong parents ni Honosuke, iyong dad mo, pumayag na sila na sa Japan na tayo manirahan, at doon mo na rin ipagpapatuloy ang pag-aaral mo.”
“Pero mommy, seryosong bagay to. Bakit hindi mo sinabi sa akin?”
“Bunso naman, sorpresa nga hindi ba?”
“Iyon lang ang isasagot mo sa akin? ‘Sorpresa nga?’ Ni hindi man lang ako nakapagpaalam ng maayos sa mga kaibigan ko: kay Kate… at kay Kiyo…”
Bigla kong kinuha ang cellphone ko para i-dial ang number ni Kiyo. Walang sagot mula sa telepono ni Kiyo. Kiyo, putang-ina ka, sagutin mo ang tawag ko. Kahit ngayon lang, please!
Maraming beses ko pang tinangkang tawaga si Kiyo pero wala talagang sumasagot. Ipinagamit pa ni tita Jenny ang cellphone niya para doon ko siya tawagan subalit laging ‘cannot be reached’ ang sinasabi ng telepono.
Hanggang sa makarating kami sa terminal at tuluyan nang nagpa-alam ang mommy ni Kiyo ay hindi ko pa rin siya ma-contact. Mahigit isang oras din ang lumipas sa paghihintay namin sa aming flight, subalit walang Kiyoterung sumagot sa mga texts at tawag ko.
Maya-maya ay may narinig kami’ng anunsiyo. Mahuhuli raw ang biyahe namin ng isang oras dahil hindi maganda ang panahon sa dadaanan ng sasakyan naming eroplano. Sa lahat ng tao, ako lang yata ang natuwa sa balitang ito. May oras pa para subukan ko’ng ma-contact si Kiyo.
Dalawampung minuto…
Tatlumpung minuto…
Apatnapu’t limang minuto…
Limampung minuto…
Muli ay pumailanlang ang tinig ng tigapag-anunisyo — hudyat upang kami ay maghanda na sa aming pagsakay sa eroplano. Kiyoteru, putang-ina ka, magparamdam ka!
Mabigat ang aking mga paa patungo sa bus na maghahatid sa amin patungo sa aming eroplano. Hanggang sa pagpanhik ko sa hagdan ay hila-hila ko ang aking mga binti.
Nang ako’y makaupo na ay tinanaw ko ang malawak na airfield mula sa bintana, umaasa na sa gitna ng kalawakang iyon ay makikita ko si Kiyo, humahangos upang makita ko man lang hanggang sa huling saglit. Subalit wala. Umaasa lang ako sa wala.
Sa gitna ng aking pagkatulala ay biglang nag-ring ang aking cellphone. Walang pangalan, numero lang. Tumingin ako kay mommy. Tumango siya, hudyat upang sagutin ko ang tawag. Bagama’t nag-aalangan ako ay sinagot ko pa rin ito.
“H-hello?” Tanong ko.
“YUUTO!!!” Ang wika ng isang pamilyar na tinig sa kabilang linya.
Kilala ko ang tinig na ito, pero hindi ako makapagsalita dahil nangingibabaw sa akin ang emosyon at ngayon nga’y hindi na ako mapigilan pa sa pagtangis.
“Yuuto, alam kong naririnig mo ako. Pakinggan mo ang sasabihin ko…”
“Sir, excuse me po.” Marahang tawag sa akin ng flight attendant.
Nang lingunin ko ito’y sabay turo sa umiilaw na senyas sa itaas niya na nagsasabing kailangang patayin ang mga cellphones. Hindi sinasadya ay napindot ko ang buton upang tapusin ang tawag ni Kiyo.
Sa labis na panghihinayang ay nabitiwan ko ang cellphone ko at nagpatuloy ako sa pagtangis. Niyakap ako ni mommy. Napayakap na lamang ako sa kaniya ng mahigpit nang magsimula nang umusad ang eroplano at tuluyan nang pumahimpapawid, habang si mommy ay maluha-luhang umaawit ng happy birthday.
– End of Book 1-
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25
0 thoughts on “MAGNET: A BL Story by Xross Kyuuketsuki”