Download Story.

close

Love and Lies

Written By: KayleneSJ       |       Story Status: Completed
Posted By:
KayleneSJ

 

 

 

 

CHAPTER SEVEN

 

Dumiretso ng tayo si Pippa mula sa pagkakayuko sa inidoro.  Mag iisang linggo ng masama ang pakiramdam nya at masama ang kutob nya.  Sumisikip ang mga pantalon nya sapagkat lumalaki ang balakang nya at nagkakaroon na sya ng puson.  Mahigit isang buwan na sya sa Mamburao,Mindoro at tumutulong sa patahian ng isang matandang dalagang tiyahin kung saan din sya nakipanuluyan noong naghighschool sya.  Bukod tanging sya lang ang kasundo ng tiyahin sa kanilang magkakapatid.  At ngayong may masama syang kutob, hindi nya alam kung paano magpapaliwanag sa tiyahin.

“Pippa, bakit ba ang tagal mo dyan.  Wala na tayong aabutan sa palengke.” anang tiya Emeng nya.  Linggo iyon at sarado ang patahian.

“Opo, palabas na.” mabilis syang nagpunas ng tuwalya at nagbihis.  Maluwang na tshirt at de garter na paldang hanggang binti ang isinuot nya.

Hindi makareklamong sumunod sya sa tiyahin.  May isang oras na silang paikot ikot sa palengke at mabigat na ang bitbit nyang dalawang bayong.  Dalawang beses sa isang linggo kung mamalengke ang tiyahin ngunit sa halip na ang kawaksi nitong si Adela ang isinasama ay sya ang laging kasama sa palengke.

“Tiyang mabigat na ‘to.  Di na kakasya sa ref mo.” di makatiis na sabad nya habang nakikipagtawaran pa ito sa tindera ng hipon.

Nilinga sya nito at tumango.  Maya maya lang ay nakapila na sila sa paradahan ng tricycle.  Nang maisakay ang dalawang bayong ay iniunat nya ang katawan bago naupo sa tabi ng driver.  Ang tangkang paghikab ay naudlot nang isang pamilyar na bulto ang makitang sumakay sa isang nakahimpil na sasakyan.  Nakalayo na ang tricycle ay nakalingon pa rin sya sa sasakyan, umaasang makikita ulit ang lulan niyon.

Nang makarating sa bahay ng tiyahin ay nawala na ang isip nya sa nakitang sasakyan sa bayan.  Iniayos nya ang mga pinamili sa kusina at nagluluto ng tanghalian si Adela.

“May kukunin lang ako sa kamalig, pakitingnan mo lang itong niluluto ko ha.”

Tumango sya at ipinagpatuloy ang ginagawa.    Maya maya ay sinilip nya ng nakasalang sa kaldero at agad ang pagbaliktad ng sikmura.  Mabilis syang nagtungo sa banyo at nagduduwal.

“Ano bang nangyari sa iyo?” si Adela na tiningnan ang niluluto.

“Kinakabag lang ako, di kasi ako nagkape kanina.  Alam mo naman si tiyang, nagmamadali lagi.” lumayo sya rito upang hindi maamoy ang niluluto nitong kalderetang baka.  “Magwawalis lang ako sa sala.” paalam nya at iniwan na ito sa kusina.

Matapos maglinis sa sala ay nagdahilan syang hindi sasabay sa tanghalian.  Inignora nya ang pagkunot ng noo ng tiyahin at mabilis na pumasok sa kwarto.  Doon ay kinuha ang supot ng nilagang mais at nagsimulang kumain.  Matapos kumain ay may ngiti sa labi na nahiga at hinaplos ang tiyan.  Buntis nga ba sya?  Hindi nya alam kung anong emosyon ang nais mangibabaw.  Napapitlag sya nang katukin ng tiyahin.

“Tiyang…” binuksan nya ang pinto.  Pumasok ito sa kwarto nya at iginala ang tingin.

“Hindi ka naglilinis ng kwarto mo, Pippa.” dumako ang tingin nito sa busal ng mais na ibinalot nya sa supot.

“Naglinis na ho ako tiyang.  May kailangan po kayo?”

“Sasama ka bang magsimba sa akin mamaya?” tanong nito.  Araw araw itong nagsisimba tuwing alas sais ngunit ngayon lang nangyaring tinanong sya nito.

“Opo, lagi naman ho tayong nagsisimba.”

“Eh baka lang masama ang pakiramdam mo.”

Natigilan sya.  Nakakahalata na ba ang tiyahin?  “Ayos lang ho ako tiyang.  Sinisikmura lang ako.”

Matiim na tinitigan sya ng tiyahin bago nagsalita.  “Mag iisang linggo na yang ganyan mong pakiramdam, baka kung ano na iyan.” lumapit na ito sa pintuan at halos ipagtulakan nya ito palabas.

“Hay naku, tiyang, alam naman ninyong kabagin talaga ako.  Sige ho at susunod na rin ako sa labas para kunin ang mga sinampay.” aniya bago tuluyang isinara ang pinto.

Nang muling mapag isa ay nanghihinang naupo sya sa kama.  Paano ba nya ipapaliwanag kung buntis nga sya?

Nang sumunod na mga araw ay nanatili pa rin ang pagduduwal nya tuwing umaga at madalas ay dumadaan sya sa palengke bago umuwi upang bumili ng nilagang mais.

“Anong gusto mong ulam?” tanong ni Adela

“Ako ba ang tinatanong mo?  Si tiyang ang nagbibigay ng lulutuin di ba.” aniya

“Tamilmil ka daw kasing kumain, baka di mo na gusto ang mga ulam na niluluto ko.” sinipat sya nito.  “Pero hindi ka naman pumapayat…”

“Nagmemeryenda naman ako…”

“Ng mais?”

“Ha..eh kasi paborito ko iyon.  Dinuguan na lang ang iluto mo.” tila sya biglang natakam sa dinuguan.

“Naku, maitim iyan.” natatawang wika ni Adela.

Nilingon nya ito.  “Anong maitim?”

“Binibiro lang kita, di ba kapag sa dinuguan ka naglihi, maitim ang anak mo.”

Pinandilatan nya ito.  “Paano naman ako mabubuntis.  Di ako buntis noh.” iniwanan na nya ito at tinungo ang silid.

Kinabukasan ay nagpasya syang magpacheck up sa doktor bago umuwi.

“Congratulations misis.” anang doktora.  “Six weeks na ho kayong buntis, reresetahan kita ngayon ng mga vitamins.  Kailangang inumin mo ito kasi medyo maputla ka rin.”

Ang iba pang sinabi ng doktora ay hindi na nya naintindihan.  Nagpapanic ang kalooban nya at hindi nya alam kung ano ang gagawin.  Nakauwi sya ng magulo ang isipan.

“Nandyan na ba si tiyang?” tanong nya kay Adela.

“Oo kadarating lang.  Ayos ka lang ba?  Para kang mahihimatay.”

Gustong gusto nyang ibulalas kay Adela ang sitwasyon ngunit pinigil nya ang sarili.

“Saan ka ba galing Pippa?” tanong ng tiyahin nang magmano sya.  “Maaga ka raw umalis sa patahian.   Kumain ka na ba?”

“May binili lang po ako, tiyang.  Kumain na po ako.  Gusto nyo po ba ng meryenda?” tanong nya

“Hindi na, kumain na kami kanina.”

Nagpaalam na sya at humakbang palayo nang tawagin ng tiyahin.  “May dinaramdam ka ba Pippa?”

“Wala po tiyang.” naupo sya sa tapat nito.  “Magpapaalam sana akong umuwi muna sa amin.  Mga ilang araw lang po, kakamustahin ko lang sila.”

“Mainam nga.  Matagal ka ng hindi nakakapasyal sa inyo.”

Hindi nya binanggit sa mga magulang ang  totoong dahilan kung bakit bigla syang umuwi.  Ang sinabi lang nya ay lagi syang nalulungkot sapagkat madalas mapagalitan ng amo.  At sa sitwasyon nya ngayon, hindi nya alam kung paano sasabihin sa mga magulang.  “Babalik din po ako agad.”

“Sige, ayusin mo kung ano ang dapat ayusin bago ka bumalik dito.”

Naiiyak na niyakap nya ang tiyahin.  Nais na nyang ipagtapat dito ang sitwasyon ngunit sa palagay nya ay kailangan nya munang unahing ipaalam sa mga magulang.

Maaga pa ay sakay na sya ng bus patungong San Jose.  Pitong oras ang biyahe at ayaw nyang gabihin masyado.  Isang maliit na bag lang ang dala nya sapagkat wala syang planong magtagal.  Mas mainam kung makaipon sya sa patahian bago sya manganak.

Nang huminto ang bus sa Bulalakaw ay bumaba sya at umihi.  Kumakalam na ang tiyan nya ngunit ayaw nyang mabawasan ang dalang kaunting halaga para sa mga magulang.  Nang muling kumalam ang tiyan ay bumili sya ng biscuit at inumin saka muling sumakay sa bus.

Mag aalas kwatro nang makarating sya sa bahay nila.  Hindi pa man sya nakakapasok ng bakuran ay lumabas na ang ina.  Agad itong sumalubong sa kanya at yumakap.

“Ang anak na ire at hindi nagpapasabi…”

“Biglaan lang din nay…nandiyan ba si itay at ang mga kapatid ko?”

“Nasa likod ang itay mo, nagtatanim.  Ang mga kapatid mo naman ay nasa school.”

Nang mailapag ang gamit ay tinungo nila ang likuran ng maliit na kubo kung saan naroon ang ama nya.  Ang mga pananim nito ay sari sari at ibinebenta sa palengke.

“Tay…” tawag nya.

Lumingon ito mula sa pagsisilid ng mga gulay sa kaing at napangiti nang makita sya.  Humakbang sya at yumakap dito.

“Mabuti naman at napasyal ka ulit.”

Inakay nya ang ama sa upuang kahoy sa ilalim ng punong Sampaloc.  Naupo ang ina nya sa tabi nito at hinila nya ang isang maliit na bangkito upang pumuwesto sa harap ng mga magulang.

Inilahad nya ang tunay na dahilan kung bakit sa umuwi sa labis na pang gigilalas ng mga ito.  Ang kanyang ama ay namumula ang mukha sa pinipigil na galit.

“Paano mo nagawang maging iresponsable, Felipa.” bulalas nito.

“Eh bakit ka ba uminom anak, hindi ka naman sanay uminom.” ang inay nya.

Napalunok sya.  “May isa pa ho akong problema…”

Parehong di umiimik ang mga magulang at naghihintay ng kasunod nyang sasabihin.  Tumikhim sya.  “Buntis po ako.”

“Dyos ko…” niyakap sya ng inay nya.

“Hindi ko pa ho nasasabi sa tiyang.  Gusto ko pong kayo muna ang makaalam.”

May ilang sandaling walang nagsalita sa kanila.

“Kailangang panagutan ka ng gumawa sa iyo nyan.  Kung hindi, wag ka ng bumalik pa rito.” Matigas na pahayag ng kanyang ama saka marahang tumayo at iika ikang lumayo.

Napahagulgol sya sa palad.

“Sinubukan kong ipilit na pakasalan nya ako, inay, pero imposible iyon.  Mas masasaktan ako kung pakakasalan ko sya, sapagkat alam kong mamahalin ko sya at hindi nya maibabalik ang nararamdaman ko.” Umiiyak na wika nya.  Niyakap sya ng ina.

“Napakahirap nito para sa ama mo, para sa amin ng ama mo.  Unawain mo sana ang iyong ama ngayon, labis kaming nasasaktan.” Hinaplos nito ang mukha nya.  “Pero mahal ka namin anak, susuportahan ka namin sa anumang desisyon mo.”

“Sorry, nay…kasalanan ko…”

“May dahilan ka…kasalanan namin ito ng itay mo…di kami nagsikap na mas mapabuti pa kayo.”

“Wala kayong kasalanan nay…minamalas lang tayo.  Ang kuya ho, pumapasyal ba rito?” pag iiba nya ng usapan.

“Bihira, dalawa na ang anak.  At buntis na naman ang asawa.  Pinagsasabihan nga ng itay mo, kaya siguro di na ulit dumadaan dito.  Pero kung mababalitaan non na narito ka ay baka pumasyal.”

Tumango sya at nagpaalam.

“Pupuntahan ko lang po ang itay.” nang tumango ang ina ay tumayo sya at tinungo ang kubo.

Naabutan nya ang ama na nakaupo sa tabi ng bintana.  Agad nitong pinunasan ang mga luha nang makita sya.

Niyakap nya ito.  “Sorry, itay.  Naging mabuti po kayong mga magulang ng inay.  Mahirap nga lang tayo pero napakaswerte namin na kayo ang mga magulang namin.  Hindi ko po gustong umalis ng masama ang loob ninyo sa akin.”

Hindi na pinahid ng ama ang luhang muling tumulo sa halip ay gumanti ito ng yakap.  “Masama lang ang loob ko, Pippa, pero mahal kita.  Anak kita.  At bilang ama mo, gusto kong panagutan ka ng lalaking iyon.”

“Naku, maghahanda na muna ako ng pagkain kung mag iiyakan lang kayong mag ama.” anang inay nya na nasa bungad ng pintuan.

Nakangiting pinahid nya ang luha at sumunod sa ina sa kusina upang tumulong dito.

Nang dumating ang mga kapatid ay tuwang tuwa ang mga itong makita sya.

“Kailangan mo ba talagang bumalik sa tiyang mo?” tanong ng ama habang kumakain ng hapunan.  Ang ulam nila ay tuyo at kamatis.  “Baka nahihirapan ka roon.”

“Kailangan itay para makapagpadala ako sa inyo kahit paano at para sa panganganak ko.  At hindi naman po mabigat ang trabaho ko.” alam na ng mga kapatid ang tungkol sa pagbubuntis nya at sa excitement ng mga ito ay nahawa na rin sya.   Dalawang araw lang sya sa Mamburao at sa huling araw ay dumaan ang kuya nya.  Ipinaalam din nya rito ang kanyang pagdadalang tao.  Gaya ng inisyal na reaksyon ng ama ay nagalit din ito ngunit sa pakiusap nya at ng ina ay tumahimik na lamang ito.  Inihatid sya nito sa istasyon ng bus at mahigpit na niyakap bago sumakay.

 

Nagmano sya sa tiyahin nang pagbuksan nito ng pintuan.

“Kamusta ang lakad?”

“Ayos naman ho, pwede ho ba kayong makausap?” hindi na nya nais ipagpabukas pa ang pakikipag usap sa tiyahin.

Tumango ang matanda at naupo sa sala set.  Naupo sya sa tapat nito at malalim na nagbuntong hininga bago nagsimulang magkwento.  Tahimik lamang itong nakikinig at hinayaan syang magsalita.

“At buntis po ako tiyang.” dugtong nya.

Malalim na nagbuntong hininga ang tiyahin.  “Alam ko.  Sa palagay mo ba ay mapaglilihiman mo ako, Pippa.”

“Hindi ko ho balak itago.  Kailangan ko lang pong makausap muna sina itay.”

Hinawakan ng tiyahin ang mga kamay nya.  “Naiintindihan ko, Pippa.  Hindi ko lang inaasahan na walang mananagot sa ipinagdadalang tao mo.  Ano ngayon ang plano mo?”

Nagbuntong hininga sya.  “Itutuloy ko ho ang bata tiyang, kahit hindi sya panagutan ng kanyang ama, mamahalin ko sya.”

Tumango ang matanda.  “Magsabi ka lang kung ano ang kailangan mo at kung may maiitulong ako ay bakit hindi.”

“Salamat ho.” nahihiya naman syang humingi pa ng tulong pinansyal sa tiyang.  Nang mahospital ang ama ay ito ang gumastos.  Ang maliit na lupa nito sa San Jose ay ang pamilya na rin nya ang nakikinabang .  Hindi rin naman kalakihan ang patahian nito.  Tatlo na ang mananahi nito roon at kung tutuusin ay kalabisan na sya roon at tila hindi lamang natanggihan ng tiyahin.  Wag ng sabihin pa ang ilang patahian na nagbukas na rin malapit sa pwesto nila.

Kinagat nya ang mais habang patuloy sa mabagal na paglalakad.  Pauwi na sya mula sa patahian at bagaman may tricycle ay nakasanayan nyang maglakad araw araw.  Malayo pa sya ay natanaw na nya ang isang itim na Strada na nakahinto sa tapat ng gate ng tiyahin.  Bumagal ang hakbang nya nang makilala kung sino ang bumaba mula roon upang salubungin sya.

“Anong ginagawa mo rito?” mataray nyang tanong kay Harry na tila tuwang tuwang makita sya.  Pinilit nyang itago ang nararamdamang kaba.  Walang nabago sa epekto ni Harry sa kanya at kailangan nyang rendahan ang sarili.

“Money talks, Pippa.  Common, aren’t you glad to see me?”

“Talagang ginawa mo ng career ang paghahanap sa akin.  Ano na, kikidnapin mo na naman ako?”

“Hindi naman.   Aren’t you going to invite me in?” tanong nito nang huminto sila sa harap ng gate.

“Umuwi ka na.  Wala kang mapapala rito.”

“Gusto lang kitang makita.”

“Ewan ko sa iyo.” nagdoorbell sya at maya maya lang ay binuksan na ni Adela ang gate.  Mabilis syang pumasok at agad itong itinulak pasara.

“Hey, hindi mo ba ako papapasukin?” iniharang ni Harry ang katawan.  “Kanina pa ako naghihintay dito.  Ayaw akong papasukin nyan at nung matandang babae.” turo nito kay Adela at sa tiyang nya.  Nang tumingala sya ay nakita nya sa bintana ang tiyahin na nagmamasid.  Agad itong nawala sa paningin nya at maya maya lamang ay papalapit na sa kanila.

“Tiyang…” nag aalala sya sa nakitang anyo nito.  Namumula ang tenga nito sa pinipigil na galit at nakatiim bagang.

“Magandang hapon po…” bati ni Harry.

“Sino ka ba?”

“Ako po si Harry, kaibigan ni Pippa.” nilinga sya ni Harry na tila nais segundahan nya ang tinutukoy nitong pagkakaibigan nila.

“Taga saan ka?”

“Taga Maynila ho…” tila kinakabahan si Harry sa anyo ng tiyahin at tila nais nyang makisimpatiya rito.  “Anak ho ako ng dating amo ni Pippa.” dugtong nito.

Patay ka, Harry, saloob nya nang makita ang lalong pag igting ng bagang ng tiyahin.

“Ikaw ba ang ama?” tanong ng tiyahin.

“Tiyang…!” saway nya na hindi nito pinansin.

“Ho?” puno ng kalituhan ang gwapong mukha ni Harry.

Bago pa ito makapagsalita ay isang sampal ang ibinigay dito ng tiyang nya.  Mabilis na pumagitna sya at inawat ito.

 

 

 

 

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12