Download Story.

close

Love and Lies

Written By: KayleneSJ       |       Story Status: Completed
Posted By:
KayleneSJ

 

 

 

 

CHAPTER FIVE

 

Hindi na muna nya inisip tumakas pagkatapos ang insidenteng iyon.  Kailangang planuhin na nyang mabuti.  Dinampot nya ang cellphone ni Harry.  Walang signal kaya iniiwanan lang ni Harry.  Ang radyo nito, kung saan kinokontak si Mang Bart, ay hindi nya alam kung saan nito tinatago.  Ilang beses na syang nagkunwaring maglinis sa kwarto at makialam ng mga gamit nito ngunit hindi nya makita.

“Sasama lang ako kay Mang Bart ha.  Uuwi rin ako bago dumilim.”

“Bakit?  Baka pwede akong sumama?  Hindi ako tatakas.”  tumaas ang kilay nito.

“May aasikasuhin lang ako.  Babalik ako bago dumilim.”

“Eh paano kung may pirata rito?”

“Wala naman di ba.” anito

“Eh baka dumating pag umalis ka?” kulit nya.

“Gusto mo bang sumama dahil natatakot ka o dahil mamimiss mo ako?” nakangising tanong nito.

“Mali…gusto kong tumakas…” inirapan nya ito.

Ginulo lang nito ang buhok nya at tumalikod na.

“Ano, Harry…” tawag nya.  Hindi pa rin sya sanay na tawagin ito sa pangalan lang ngunit ipinilit nito na first name basis na lang daw sila.  “Pakibili ng napkin…magkakaroon na yata ako.” aniya.

“Sure.  Any brand?”

Tumango sya at kumaway na ito.

Nang umalis ito ay muli nyang hinanap ang radyo at nabigo.  Inabala nya ang sarili sa paglilinis ng bahay.  Pagkatapos idefrost ang ref ay nagluto sya ng tanghalian at kumain.

Nanonood na sya ng tv nang mamatay ang generator.  Tumayo sya at tinungo ang kusina upang maghanap ng kandila.  Nang walang makita ay tinungo naman ang kwarto upang maghanap ng flashlight.  May kalahating oras na syang naghahalughog sa kabahayan ngunit walang kandila at flashlight.  Sinipat nya ang relo at nakitang pasado alas singko na.  Bago dumilim ay  nakapagsaing at nakaluto na sya ng ginisang petchay at pritong galunggong.  Pagkatapos magluto ay tinungo nya ang balkonahe at naupo sa tumba tumba.  Iginala nya ang tingin sa paligid na binabalot na ng dilim.  Malamang, hindi boyscout si Harry, di man lang naisip na magdala ng kandila at flashlight.  May ilang minuto na syang nakaupo sa tumba tumba at kung di lang dahil sa pag aalalang nararamdaman ay kanina pa sya nakatulog.  Napapitlag sya nang may tila kumaluskos sa bandang likuran.

“Harry?” tawag nya.  Nang walang sumagot ay muli nyang isinandal ang sarili sa tumba tumba.  Humalukipkip sya nang makaramdam ng ginaw.  Pinilit nyang sipatin ang oras sa tulong ng liwanag ng buwan.  Quarter to Eight.  Hindi makapaniwalang may ganoon katagal na syang nakaupo sa tumba tumba.  Tumayo sya at dahang dahang binaybay ang daan patungo sa tabing dagat.

Nang makarating sa dalampasigan ay naupo sya at niyakap ang sarili.  Malamig na ang hangin.  Tinanaw nya ang karagatan at bahagyang nakaramdam ng kapanatagan.  Ilang araw na syang narito sa isla.  Bagaman walang problema sa pakikitungo kay Harry ay nais pa rin nyang makaalis sa isla.  Hindi na sya sigurado kung nais pa nyang magsumbong sa mga pulis.  Tama si Harry ang mga ebidensyang sinasabi nya ay mga love bites at sa ngayon ay kumukupas na ang mga “ebidensya” nya.  Mabilis syang tumayo nang makitang may papalapit na bangka.  Ikinaway nya ang mga kamay nang makitang si Harry at si Mang Bart ang sakay niyon.  Nang dumaong ang bangka ay mabilis syang lumapit dito.  Hinampas nya ang dibdib ni Harry na nagulat sa reaksyon nya.

“Ang dami daming lamok, wala ka man lang flashlight at kandila.  Wala ng gasolina ang generator mo.” nakapameywang nyang wika.

Napakamot sa ulo si Harry at nilinga si Mang Bart na nagbababa ng ilang mga gamit.  “Nakalimutan natin ang gas, Mang Bart.”

“Pag untugin ko kaya kayong dalawa.” aniya ng kakamot kamot din ng ulo si Mang Bart matapos ibaba ang huling kahon.  “Siguro naman may kandila at flashlight kayo?”

“Wala ba sa bahay?” tanong ni Harry.  Pinandilatan nya ito.

“May flashlight ako…” ani Mang Bart na inilabas ang maliit na flashlight mula sa bulsa ng jacket.

“Di ba pwedeng bumalik para makabili ng gas para sa generator?” tanong nya.  Mukhang disposable ang flashlight ni Mang Bart.

“Kaya nga kami ginabi kasi malaki ang alon.  Bukas na babalik si Mang Bart.  Wala tayong choice kundi mangapa sa dilim.”

Tumango si Mang Bart.  “Medyo maliwanag din naman ang buwan dahil malapit na ang bilog.” anito.

Nagkibit balikat sya at nagsimulang humakbang patungo sa loob ng bahay.  Sumunod ang dalawang lalaki na may dalang tig dalawang kahon.

“Ano bang laman nyan?” tanong nya

“Stocks.” ani Harry na kumindat.

“Kung gasolina yan, baka natuwa pa ako.  Dito na ba tayo titira, parang magtatayo ka na ng sari sari store ah?”

“Ayaw mo na bang makipagbahay bahayan sa akin, Pippa?” tanong nito.  Inirapan nya ito at itinuloy na ang mabagal na paglalakad.

Naghanda sya ng pagkain at sabay sabay na silang kumain na ang tanging liwanag ay ang aandap andap na ilaw ng flashlight ni Mang Bart.  Patapos na sila nang mamatay iyon.

“Wow, heavy duty.” aniyang natatawa at sinundan din ng tawa ng dalawang lalaki.

“Sa kwarto ka na matulog.” ani Harry na nagpapitlag sa kanya mula sa paghuhugas ng plato.  “E kung bukas mo na hugasan iyan?”

“Baka ipisin.  Sa sala kayo ni Mang Bart?” tanong nya.

“No way.  Sa kwarto tayo, sa kama ako, sa lapag ka.  Maglatag ka ng banig.”

“Tigas talaga ng face mo.  Brownout na di ka pa rin gentleman.”

“E kidnapper nga ako.  Kung gusto mo naman sa sala ka na rin maglatag, sa tabi ni Mang Bart?”

“Ay ayoko nga.  Mukhang malakas maghilik si Mang Bart.”

Tinakpan nya ng unan ang mga tenga.  Nang di makatiis ay naupo at nilinga si Pippa na naghihilik.  Sa liwanag ng buwan na pumapasok sa bintana ay tila himbing na himbing na ito sa pagtulog.  Bahagya pang nakanganga ito at nakapatong ang isang binti sa gilid ng kama nya.  Si Mang Bart pa raw ang mukhang malakas maghilik samantalang parang yumayanig ang bahay sa hilik nito.  Nangingiting muli syang nahiga at tinakpan ng unan ang tenga.

Nasa kusina si Pippa nang magising sya kinabukasan.  Agad sya nitong pinaghain at ipinagtimpla ng kape.

“You’ll make a good housewife.” aniyang naupo

“Thank you.  Nagbago na ba ang isip mo?” nakangiting wika nito sa papuri nya.  He rolled his eyes.

“Kaso malakas kang maghilik.  Yumayanig ang bahay.” dugtong nya matapos uminom ng kape.

“Ako?  Baka si Mang Bart iyon.” anitong nanlalaki ang mga mata pati ang butas ng ilong.

“Ikaw nga, wala ng iba.  Nasaan na si Mang Bart?”

“Nakaalis na kanina pa.  Tanghali na kaya.”

“Eh kasi nga napuyat ako sa lakas ng hilik mo.”

Inirapan lang sya nito at tinalikuran na.  Sinundan nya ito ng tingin.  Ang dating payat na katawan nito ay bahagya ng nagkakalaman.  Bagaman maitim pa rin ito ay makinis naman ang balat nito at walang peklat.  She got an interesting face na hindi mo madesisyunan kung maganda o pangit.  He smiled at ipinagpatuloy ang pagkain.  Ang sigurado, mahusay itong magluto.

Nang maisampay ang huling nilabhang damit ay muli syang pumasok sa kabahayan.  Si Harry ay nanood ng tv.  Nakaligo na ito at preskong presko sa suot na tshirt at walking shorts.

“Gusto mong pumunta sa batuhan?” tanong nito nang makita sya.

“Naku, kamahalan, marami pa akong gagawin.”

“Pippa, hindi kita katulong dito.  Isipin mo na lang na bakasyon mo ito.” seryosong wika nito.

“Eh ano naman gagawin ko sa batuhan?” naupo sya sa katapat nito at nakipanood ng tv

“Sight seeing?” ani Harry

“E kung mamangka na lang tayo?”

“Para makatakas ka na naman?”

Inirapan nya ito nang maalala ang insidente nang tangkain nyang tumakas.  “Wag ka na munang tumakas, Pippa.  Mag enjoy ka muna rito kasama ko.”

“Nag eenjoy ka rito?”

“Oo naman.”

“Di ka naiinip?”

“Eh kasama naman kita eh.  Saka may libro, may tv, may laptop.”

“Eh sinong namamahala ng business nyo?”

“Nandun si Papa, besides, may laptop nga.” tumayo ito at inabot ang kamay nya.

“Holding hands talaga?” tanong nyang umagapay dito patungo sa tabing dagat.

Ngumiti lang si Harry ngunit di binitiwan ang kamay nya.  Bahagyang naconscious na hinila nya ang kamay.  “Ang init ng araw maglalakad tayo?  Mangingitim ako lalo.”

Maraming puno sa tabing dagat at hindi pa masakit sa balat ang init ng araw, medyo nakaramdam lang sya ng kaba sa pagkakalapit na ito ni Harry.

“Maniwala ka, Pippa.  Sagad na iyang kulay mo.” tumatawang wika ng binata at muling kinuha ang kamay nya.

Nangingiting muli syang umagapay kay Harry.  Nang makarating sa batuhan ay nalaman nilang low tide kaya naging madali ang magpalipat lipat sa mga bato.  Inaya pa sya ni Harry sa may bandang likuran ng isla at napatili sya ng sabuyan nito ng tubig.

“Ano ba?”

“Di pa tayo naliligo sa dagat, Pippa, ilang araw na tayo rito.” tumatawang wika nito at nagpatuloy sa paglusong sa tubig.  Naeengganyong sumunod sya rito at sinabuyan din ito ng tubig.

“Hangga kelan tayo rito?” tanong nya nang mapagod at naupo sa buhanginan.

“It’s up to you.”

Napatingin sya rito na naupo sa tabi nya.

“Kung napatawad mo na at nakalimutan mo na ang mga nangyari sa iyo.” anito.

Nag iwas sya ng tingin.  “Hindi ko alam kung magagawa ko iyon.” may bahagyang lungkot na lumarawan sa mukha nya.

Napatili sya nang ihilamos ni Harry sa pisngi nya ang kamay na puro buhangin.

“Bawal malungkot.” anito at muling bumalik sa dagat nang tangkain nyang gumanti.

Sumunod sya rito at ilang sandali pa silang naglangoy bago ito nagyayang bumalik.

“Baka mag hightide na eh.” anito at kinuha ang kamay nya.

Nauna syang naligo pagdating sa bahay at pagkatapos ay nagluto ng tanghalian nila habang naliligo si Harry.

Naghahanda sya ng mesa nang lumabas ito sa banyo na nakatapis lang ng tuwalya.  Tumutulo pa ang katawan nito sa tubig.

“Hoy mister, mahirap maglinis ng sahig.” aniyang hindi inaalis ang tingin sa katawan nito.

Kumindat lang ito at tuluyan ng pumasok sa kwarto.  Nakangiting inilapag nya ang bandehado ng kanin at muling bumalik sa kusina upang kunin ang ulam.  Parang nagpapacute sa akin ang lokong ‘to ah.  At kinikilig ako ha.  Ipinilig nya ang ulo at muling bumalik sa dining area bitbit na ang ulam at tubig.  Nang lumabas si Harry ay nakabihis na ito ng puting sando at shorts.  Nag iwas sya ng mukha at naupo sa pwesto nya.

“Mag night swimming tayo sa bukas.” aya nito.

“Nahihilig ka yata sa swimming.” aniya

“E puro dagat ang nakapaligid alangan naman maghiking ako.” pilosopong wika nito.

“Pilosopo.” bulong nya na nginisihan lang nito.

Nang gumabi ay tinuruan sya nitong gumamit ng SLR camera nito.  Naihatid na ni Mang Bart ang gas at hindi na sila nagtitiis sa dilim.

“Dapat dinala natin to kanina sa batuhan.” aniyang bahagyang umusog palayo.  Nakaupo sila sa sahig at nasa kandungan nya ang camera.

“E biglaan eh saka mag aral ka munang gamitin…” kinuha nito ang camera at itinutok sa mukha nya.  Napapikit sya nang magflash ito.

Natatawang ipinakita sa kanya ni Harry ang kuha nya.  Lumapit sya rito at halos magkadikit na ang mukha nila.  Muli, bahagya syang lumayo.

“Ang kintab ng ilong ko.” reklamo nya.  “At kahit mamahaling camera, hindi nag improve ang itsura ko.”

Natawa si Harry at hinawakan ang mukha nya sa pamamagitan ng dalawang kamay.

“Matatalino raw ang malalapad ang noo…”

“Tama iyan…” aniyang bahagyang naiilang sa pagkakalapit ng mga mukha nila.  Nakapagtoothbrush ba ako?  Baka amoy adobo ang hininga ko.

“Maganda ang arko ng kilay mo.” anitong sinundan ng daliri ang arko ng kilay nya.  “Maamo ang mga mata mo.”

“Di naman, pangkaraniwan lang.” tumawa sya upang bahagyang pawiin ang nararamdamang kaba.  Ang daliri ng binata ay dumako sa ilong nya.  “Ang ilong ko, walang pag asa?”

“Maganda ang korte kahit di katangusan.” seryoso ang mukha nito.  “And such sweet lips I long to taste again.”  ang dulo ng daliri nito ay humaplos sa hugis ng labi nya.  Napalunok sya kasabay ng wala sa sariling pagbasa ng labi.  Ang mga mata ni Harry ay napako sa mga labi nya at tila may damdaming nakiraan sa mga mata nito.  Tuluyan na nyang nakalimutan ang adobo nang bumaba ang mukha nito sa kanya at ipinikit nya ang mga mata.  Ngunit ang halik na hinihintay ay hindi dumating.

“Adobo…” ani Harry.

Nagmulat sya ng mga mata at nakangiting mukha nito ang namulatan.  Itinulak nya ito at tinangkang tumayo ngunit nahawakan nito ang kamay nya at muli syang napaupo pasubsob dito.  Ang isang kamay nito ay sinapo ang mukha nya at bago pa sya makapagprotesta ay inangkin na ng labi nito ang labi nya.  Napapikit sya sa dami ng emosyon na sabay sabay naramdaman.  Ang halik ni Harry ay banayad sa simula na tila tinitikman lang ang labi nya at habang tumatagal ay lumalalim at naghahanap ng katugon.  Ang kamay nitong nakahawak sa kamay nya ay humahaplos na ngayon sa likuran nya.

“Open your mouth…” bulong nito.

Nagtatakang magtatanong sana sya ngunit sinamantala nito ang pagbuka ng bibig nya.  Ang dila nito ay naglalaro sa loob ng bibig nya.  Itinulak nya ito.

“Hindi pa ako nagtotooth brush…” humihingal nyang wika.

Natawa si Harry at kinuha ang mga kamay nya at mariing hinagkan.

“Magtotooth brush lang ako.” aniyang tumayo at iniwan ito.  Nang bumalik sya ay di na sya muling hinagkan ng binata.  Muli syang tinuruan nitong gumamit ng SLR camera nito na tila walang nangyari.

“Gusto mong sa kwarto matulog?” tanong nito matapos ligpitin ang camera.

“Aba, anong binabalak mo?  Conservative ako.” aniyang tinawanan nito.

“Wala ha, sa lapag ka pa rin.  May screen kasi dun di ba.  Baka malamok masyado rito.”

Inirapan nya ito.  “Ngayon mo pa naisip yan ha, pagkatapos mong magnakaw ng halik.” namula sya.

“Pwede ko namang ibalik…” tumaas baba ang kilay nito at muling lumapit sa kanya.  Hinampas nya ito.

“Matulog ka na nga.” aniya.

“Wala ng goodnight kiss?” biro nito.

“Wala na.” sinimangutan nya ito.

Bukod sa lamok ay di sya pinatulog ng damdaming binubuhay ni Harry.  Hindi pa nya naranasan magkaboyfriend at hindi nya alam kung ano ang nararamdaman.  Hindi rin nya alam kung ano ang intensyon ni Harry.  Ang sabi ng mga kaibigan nya, ang lalaki raw ay maaring manghalik ng walang emosyon na nararamdaman.  Pinaglalaruan lang ba sya ni Harry?  Muli syang pumihit patihaya at pumikit nang bumukas ang pinto ng silid ni Harry.

“Wag ka ngang magtulug tulugan…” anitong naupo sa kalapit na silya.

“Pano mo nalamang di ako tulog?”

“Kasi di ka naghihilik…” anitong nakangiti.

“Ano bang kailangan mo?” nagmulat sya ng mga mata.

“Di ako makatulog…iniisip kita.”

Pinaglalaruan yata talaga sya ng herodes.  Tinalikuran nya ito at muling ipinikit ang mga mata.  “Matulog ka na nga, inaantok na ako.” taboy nya.

Tumayo ito sa upuan at muli syang sinulyapan bago bumalik sa kwarto.  Naiwan syang naguguluhan.  Ano bang inaasahan ni Harry?  Espesyal ba ang namagitang halik sa kanila o naiinip na lang ito sa isla at sya ang ginagawang libangan?  Nagkumot sya at mariing ipinikit ang mga mata.  Baka kailangan na nyang planuhing muli ang pagtakas.  Nakatulog syang laman ng panaginip ang gagawing pagtakas, si Harry at ang adobo.

 

 

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12