CHAPTER ONE
Naaliw na sinusundan ng tingin ni Pippa ang bawat galaw ng matandang donya na nasa harapan nya. Makulay ang kasuotan nito. Ang blouse nito ay matingkad na berde samantala ang palda ay naghahalong pink at orange ang kulay. May malapad itong sinturon na kulay puti katerno ng sapatos nito. Maliit ang mukha nito na kababakasan ng angking ganda noong kabataan nito. Ang buhok nito ay kulay mais at alam nyang natural sapagkat mestisahin ito at may ilang puting buhok na rin ang nakikita. Hindi nya masabi kung may make up nito sapagkat tila natural lamang na namumula ang pisngi at labi nito.
Nagulat pa sya ng sikuhin ni Mrs. Torres. Ito ang nagdala sya kanya sa mansyon ng donya upang mamasukang kasambahay.
“Tinatanong ka ni Donya Hilda kung may experience ka raw sa pamamasukan.” tila inis si Mrs. Torres. Ang nais nito ay bibo sya sa pagsagot sa magiging amo sapagkat masyado raw itong mapili sa mga kasambahay. Taga Mindoro rin si Mrs. Torres at malayong pinsan ng tatay nya. Ito ang naghimok sa kanyang mamasukan bilang kawaksi nang maaksidente ang ama at di na muling nakapagpasada ng tricycle. Di nya ito maatim na tawaging tiya sapagkat napaka suwapang nito. Ang lahat ng nagastos nya sa pag aapply pati pamasahe sa pagluwas ay ikakaltas nito sa sweldo nya at bukod pa rito ang sampung porsyento nito sa bawat sweldo nya.
“Wala po akong experience pero lima po kaming magkakapatid at pangalawa ako, ako po ang nag alaga sa mga sumunod sa akin at tumutulong sa nanay ko sa mga gawaing bahay dahil nag asawa na po ang kuya ko at nakabukod na po ng tinitirhan.”
Tumango tango ang matanda na patuloy sa paghagod ng tingin sa kanya mula ulo hanggang paa. “Ano bang natapos mo?”
“Highschool graduate lang po.” hindi sya nakapagpatuloy sa kolehiyo sapagkat nag asawa ang kuya nya na inaasahan nyang susuporta sa kanya pagkagraduate nito.
“Ano na nga ulit ang pangalan mo?” tanong nitong sa wakas ay naupo at natigil sa paikot ikot na paghagod ng tingin sa kanya.
“Felipa Magtanggol po. Pippa for short.” di nya napigilang idagdag ang palayaw. Ang tatay nya ay si Felipe at sa sobrang pagmamahal ng nanay nya rito ay hindi lang ang kuya nya ang Felipe Jr, pati pangalan nya ay isinunod dito.
“Bueno, Pippa, magsisimula ka na ngayon. Mag uusap lang kami ng tiyahin mo.” anang donya. Tinawag nito ang isang kawaksi at pinasamahan sya sa servant’s quarter.
Ang kwarto ay may dalawang double deck. Itinuro sa kanya ng kawaksing nagpakilalang Nida na ang itaas ang ookupahin nya. Itinuro rin nito sa kanya ang maliit na cabinet para sa mga gamit nya saka iniabot sa kanya ang uniporme. Inamoy nya iyon. Amoy downy.
“Wala bang bagong uniporme? Baka mangati ako eh.”
Umismid ang kausap nya na tila pipintasan ang balat nya kaya muli syang nagsalita.
“Aba, kahit maitim ako eh wala naman akong peklat.”
Muli itong umismid at akmang iiwanan na sya nang muli syang magtanong.
“Mabait ba si Ma’am?” tanong nya.
“Donya. Donya ang itatawag mo sa kanya.” matipid na wika nito, singtipid ng ngiti nito.
“Matagal ka na ba rito?”
“Bawal magkwentuhan dito. Pumunta ka sa kusina pagkatapos mong magbihis.” anito at iniwanan na sya.
Isinuot nya ang bagong uniporme at tiningnan ang repleksyon sa salamin. Kulay gray at puti ang kombinasyon ng uniporme at ang sadyang maitim ng kulay ng balat nya ay tila lalong umitim. Pwede na rin, maganda yata ako sabi ng nanay ko, saloob nya. Maliit ang kanyang bilugang mukha, medyo malapad ang kanyang noo na ayon sa matatanda ay palatandaan ng katalinuhan, pangkaraniwan lang ang kanyang mata, maliit ang ilong at makipot na labi. Napangiwi sya, nagsisinungaling yata ang nanay ko. Nagulat pa sya nang sumungaw sa pinto si Nida.
“Ano ba? Napakakupad mo.” anito at muling tumalikod.
Hinagod nya ang uniporme at sumunod na rito.
Nang makarating sa kusina ay pinakilala sya nito sa mayordomang si Nana Ebeng na mukhang mas mabait naman kesa rito. Mula sa kusina ay si Nana Ebeng na ang nagpaliwanag sa kanya ng iba pa nyang gawain. Ayon dito ay may sampung kawaksi sa mansyon bukod pa sa driver at hardinero. Lahat ay may kanya kanyang toka at sa paglilinis sya nakatoka. Iniikot sya nito sa mansyon upang makabisado nya ang pasikot sikot sapagkat ayaw na ayaw ng mga amo nila ng mabagal.
“Si Harry wag mong lilinisan ang kwarto kapag natutulog pa sya.” anito.
“Sino pong Harry?”
“Nag iisang anak ng mag asawang Donya Hilda at Sir Fidel. Si Donya Hilda, donya talaga ang gusto nyang itatawag sa kanya, wag mong kakalimutan iyon. Yung mag ama naman, okay na ang Sir Harry at Sir Fidel dun.”
“Ano po ang mangyayari kapag hindi donya ang itinawag ko?”
“Aba eh di mapapagalitan ka. At ineng, wag kang masyado mausisa. Bawal din ang tsismisan dito.”
Magrereact sana sya ngunit ipinasyang itikom na lang ang bibig nang makita ang anyo ng matanda. Itinuloy nito ang pagtuturo sa kanya bago sila muling bumalik sa kusina kung saan sya naghugas ng mga plato.
Abala sya sa pagliligpit ng mga basura nang may pumisil sa pang upo nya.
“Nyay!” napaunat sya sa pagkakatuwad at binalingan ang gumawa nito. Isang mestisuhing lalaki na may bigote ang nakangiti sa kanya. Gwapo sana pero di nya type ang mga may bigoteng mukhang kontrabida sa pelikula. “Eh sino ho ba kayo at namimisil kayo ng puwit ng may puwit?” sa lalo nyang pagkakairita ay tumawa muna ang lalaki bago sumagot.
“I’m Harry.” kinuha nito ang kamay nya at hinalikan. Gulat na hinila nya ang kamay. May pagkamanyakis pa yata ang anak ng mga amo
“He’s not Harry, I am Harry.” anang bagong pasok na lalaki. Mestisuhin din ito bagaman medyo chubby at kapantay lang nya sa height na 5’2”. Pinaglipat lipat nya ang tingin sa dalawa, Sino ba ang Harry sa mga ito, si Romy Diaz o si Santa Claus? Bago pa sya makapagreact ay isang babae ang pumasok sa kusina. Tila modelo ang ayos at tindig nito.
“They’re not Harry.” naiiritang wika nito at nagtawanan ang dalawang lalaki. “C’mon guys, kelan pa kayo naging atsay killer?”
Di ito pinansin ng dalawang lalaki na nagpatiuna ng lumabas. Bago sumunod ang babaeng tila manikin ay nilinga sya nito.
“Magdala ka ng meryenda sa gazebo.”
Di pa sya nakakabawi sa mga pangyayari nang pumasok sa kusina ang isa pang kawaksi na nakilala nyang si Edita. Sinabi nya rito ang inuutos ng babaeng mukhang manikin.
“Ah, si Ma’am Meg. Ex girlfriend ni Sir Harry yun. Sinong kasama?” tanong nito. Sa kusina ito nakatoka kaya ito ang naglabas ng pagkain mula sa ref.
“Yung si Romy Diaz at si Santa Claus.” matabang nyang wika na itinuloy ang pagliligpit ng mga basura. Natawa ito.
“Yung bigotilyo, si Sir Patrick, pinsan ni Harry iyon at yung mataba si Johnson, kapatid ni Meg. Mukha ngang manyakis iyon.” kwento nito habang naghahanda ng meryenda. Hinagod sya nito ng tingin. “May itsura ka pa naman kahit maitim, mag ingat ingat ka.”
Natawa sya. “Naku, okay na sana kaso pinintasan mo pa ang kulay ko eh. Matutuwa ang nanay ko nyan. Wala pang nagkakagusto sa akin sa buong buhay ko. Mukha raw akong anito sabi ng mga kapitbahay namin.” aniyang ang tinutukoy ay ang kulay ng balat.
“Aba, maraming model ang ganyan ang itsura ah. Uso na yang ganyang mukha.” seryosong wika ni Edita.
“Uso na ang pangit?” bago pa ito makasagot ay may tumunog. “Bell?”
“Nagtatawag ang donya. Ikaw na ang lumapit at ako na ang bahala sa meryenda.” taboy nito.
Ang donya ay naabutan nya sa balkonahe at palapit din ang katulong na si Nida. Akmang tatalikod na lang sya nang magsalita ang donya. “Ikaw…” tukoy nito sa kanya.
“Ano po iyon, Ma’—Donya?”
“Dito maghahapunan sina Meg at Johnson, sabihin mo sa kusinera.”
Tumango sya at nagpaalam.
Sumilip sya sa dining room mula sa kusina nang maglabas ng pagkain sina Edita at dalawa pang kawaksi. Nais nyang makita ang itsura ng asawa ng donya at ang anak ng mga ito. Ang matandang lalaki ay nasa kabisera. Sa kanan nito ay ang matandang babae na diretsong diretso ang upo. Sa tabi ng donya ay si Patrick. May bakanteng upuan sa kaliwa ng among lalaki at sa katabi naman nun ay si Meg at ang kapatid nito.
“Wala si Sir Harry.” ani Edita nang bumalik sa kusina. “Busy na naman sa pangingisda.”
“Mangingisda?” tanong nya. Kinuha nya ang mga pinaglutuan at dinala sa lababo.
“Oo, as in fisherman. Yun ang ikinabubuhay nila…yung gumagawa ng sardinas…” paliwanag nito.
“Tama na ang daldalan. Pippa, dalhin mo itong tubig sa kanila.” ani Nida.
“Ako?”
“Eh sino pa ba ang Pippa rito? Ingatan mo iyang wag matapon.”
Napatingin sya kay Edita na tumango lang. Kinakabahang lumabas sya ng kusina patungo sa mga naghahapunan.
“Tubig po…” alok nya na ikinatawa ni Patrick.
Nag aalalang tumingin sya sa isang kawaksi kung ano ang gagawin ngunit abala na ito sa paglalagay ng dessert.
“Lagyan mo ang mga baso, hija.” anang lalaking amo sa mabait na boses. Walang kibong tumalima sya.
Nang sinasalinan na nya ang baso ni Patrick ay ipinatong nito ang mga braso sa mesa kaya bahagyang kumiskis ang braso nito sa kamay nya. Muntik ng matapon ang tubig nito. Tumikhim ang donya.
“Sabihin mo kay Ebeng, kakausapin ko sya pagkatapos kumain.”
“Opo.” tahimik syang bumalik sa kusina. Ikwinento nya kay nana Ebeng ang nangyari sa pag aalalang mapagalitan din ito.
Sya ang huling nagtungo sa servant’s quarter. Pagkatapos kasing maghapunan ay naghugas pa sya at naglinis ng kusina. Nais nyang pagbutihin ang kanyang trabaho. Naaksidente sa tricycle ang tatay nya at hindi na ito makalakad ng walang saklay mula sa tinamong pinsala. Ang kanyang nanay ay labandera sa isang maykayang pamilya sa kanilang lugar at di rin naman sapat iyon. Ang kanyang tatlo pang kapatid ay pawang mga nag aaral at kahit anong pilit ni Carmen, ang sumunod sa kanya, na huminto sa pag aaral at magtrabaho na lamang ay di nya ito pinayagan. Graduating na ito sa highschool. Ang sumunod dito ay si Connie na second year highschool at ang bunso ay si Aldrin na grade four. Ang tatay nya ay labis na tinutulan ang pagluwas nyang ito ngunit wala na rin itong nagawa. Ipinikit nya ang mga mata at pinilit matulog.
Kinabukasan ay alas singko pa lang ay gising na sya. Matapos mag almusal ng pandesal at kape ay inuna nyang magwalis sa malawak na bakuran. Isusunod sana nyang magdilig ngunit inawat sya ng hardinero. Matapos mag almusal ng mga amo at mahugasan nya na ang mga pinagkainan ay pumanhik naman sya upang maglinis ng mga kwarto. May pinuntahan ang mag asawa kaya kampante syang naglinis. Isinunod nya ang kwarto ni Patrick at laking pasasalamat na wala ito roon. Ayon kay Edita, ay sa isang advertising agency nagtatrabaho ang lalaki.
Marahan syang kumatok sa kwarto ni Harry. Ang bilin ni nana Ebeng ay wag na wag iistorbohin ang binata kapag natutulog. Nang walang sumagot ay pumasok na sya. Ang akala nya ay hindi ito umuwi kagabi ngunit ang kama nito ay magulo at halatang may natulog. Lumapit sya sa kama at inayos iyon. Pinatas ang mga unan at binuksan ang kurtina upang pumasok ang liwanag. Humakbang sya patungo sa banyo nang biglang bumukas ang pinto nito at napatili sya. Matangkad na lalaking walang saplot ang lumabas mula rito. Maganda ang katawan nito at walang anumang taba. Mestisuhin ang balat nito na tila nabilad lang sa araw kaya namumula sapagkat ang balat nito na di madalas maexpose at natatakpan ng damit ay maputi naman. Bumaba pa ang mga mata nyang lalong nanlalaki.
“You’re staring.” akusa nito, di malaman kung mangingiti o maiinis sa bagong kawaksi.
Itinakip nya ang mga kamay sa mukha bago tumalikod. “Eh sino po—Sir Harry? Sorry po, akala ko umalis na kayo. Maglilinis lang po ako ng kwarto.”
“Bago ka ba?” tanong nito.
“Opo.” lumingon sya rito at muli ring tumalikod sapagkat wala pa rin itong damit.
“Lumabas ka na muna while I get dressed.” utos nito.
“Opo.” aniya at mabilis na kinipkip ang walis at basahan at tinungo ang pintuan. Humihingal sya nang makalabas. Bakit ba hindi nya naisip na pwede namang lumabas? Nakakahiya ka, Pippa. Tinungo nya ang hagdan at sinimulang punasan ang mga balustre nito. Nag angat sya ng mukha nang marinig ang mga yabag pababa. Agad ang pag iinit ng mukha nang makita si Harry. Nakabihis na ito. Polo shirt, maong pants at rubber shoes. Ang buhok nito ay bahagyang umaabot sa may kwelyo nito na bumagay naman dito. Ang mata nito ay tulad ng sa donya, light brown, ngunit sa kabuuan ay kamukha ito ng ama nito. Ah, gwapo pala si Sir Fidel ng kabataan nito, saloob nya sapagkat ang matandang amo ay puti na lahat ang buhok ngayon at marami ng wrinkles sa mukha.
“You’re staring again.” tila naaaliw na wika nito nang makarating sa tapat nya. Nagyuko sya ng ulo. “Pwede mo ng linisin ang kwarto ko.” anito bago tuluyang lumampas.
Nanlalamig sya nang muling mag angat ng mukha. Wala na ang binatang amo. Tinapos lang nya ang paglilinis ng hagdan bago muling pumanhik sa kwarto nito.
0 thoughts on “Love and Lies”