(T-003) MY TEENAGE LOVE: PART 2
Sa tuwa ko sa sinabi niyang ‘yon ay mahigpit kong hinawakan ang dalawa niyang mga kamay na para bang ayaw ko nang pakawalan pa ang mga iyon, bago ako tumabi kay Rachel na nauna nang umupo sa loob ng traysikel.
“Bye, Lance. Ingat!” nakangiti kong paalam sa manliligaw.
“Para sa’yo, Queenie, mag-iingat ako. Bukas ulit ha!” Kumindat pa siya sa akin.
Nakangiti pa rin akong tumango sa kanya habang paatras siyang naglalakad palayo. Iba ang paradahan ng traysikel na sinasakyan niya kung kaya’t hinahatid niya muna ako. Wala na si Lance sa paningin ko nang umalis ang traysikel na sinasakyan ko.
“Uy, Nini! Ang gwapo ng manliligaw mo ha? Sagutin mo na kaya,” pagsisimula ni Rachel sa usapan. Binuksan nito ang sariling bag at kumuha ng makeup kahit gabi na.
Katulad ko ay maganda rin naman ang kaibigan ko. Hanggang balikat lang ang kulay tsokolate niyang buhok samantalang itim na itim at lagpas-balikat naman ang sa akin. Mas mahaba ang pilik-mata at matangos ang ilong niya kumpara sa akin ngunit ipinagmamalaki kong mas maganda ang ngipin ko kaysa sa kanya dahil siya ay may sungki.
Pareho kaming maputi. Pagdating sa mata naman, singkit ako dahil may lahi akong Hapon at Intsik, samantalang ang sa kanya naman ay malaki. Mas matangkad ako sa kanya pero mas payat siya sa akin, ngunit sa kabila niyon ay hindi ko maipagkakailang mas pinagkalooban siya ng dibdib.
“Baka matagalan pa bago ko siya sagutin, Asel. At saka hindi naman kami nagmamadali eh,” nakangiti kong tugon sa kanya. Nini ang palayaw ko samantalang Asel naman ang kanya.
Kailangan kong maging maingat dahil kahit kaibigan ko siya, baka maidaldal niya ang tungkol dito kay Mama. Hindi naman kasi kalayuan ang nilipatan naming bahay. Hindi malayong magkita sila.
“Ano ka ba? I-try mo lang ang magka-boyfriend, ‘no? Wala namang mawawala. Sige ka, baka maagaw pa siya ng iba. Ang gwapo pa naman,” makahulugan niyang sabi habang naglalagay ng face powder. Gabi na nga pero nagpapaganda pa rin siya. Samantalang ako, walang kahit ano mang kolorete sa mukha.
Nginitian ko lang siya at hindi na pinansin pa ang sinabi niya. Malaki ang tiwala kong hindi naman maaagaw si Lance ng iba dahil seryoso ang panliligaw niya sa akin.
[Copyright© Nihc Ronoel]
Dalawang linggo ang lumipas at hindi na muna ako nagpapahatid kay Lance. Kailangan ko kasing ituon ang aking atensyon sa pag-aaral, pero dahil tapos na ang exam’s week ay pwede na niya ulit akong ihatid sa sakayan.
Ngayong gabi ngang ito ay susurpresahin ko siya. Alam niya kasing hindi na naman niya ako makakasabay kaya kapag nakita niya ako rito ay sigurado akong magugulat siya.
Hinintay ko siya sa may tarangkahan ng aming paaralan. Umupo ako sa upuan na nabakante ng nakatayong gwardiya. Bawat lalaking estudyanteng dumadaan ay matiim kong tinitingnan dahil baka sakaling magkasalisi kami at malampasan ako ni Lance.
Hindi naman nagtagal at nakita ko na siya. Sabay silang naglalakad habang nakaakbay sa kanya si Adrian. Nakangiti akong kumaway sa kanila at napansin naman nila ako agad. Nakangiti akong tinuro ni Adrian ngunit nagulat ako dahil parang wala namang reaksyon si Lance. Blangko ang ekspresyon sa kanyang mukha na hindi ko man aminin ay aking ikinabahala.
Lalo pa akong nagtaka nang bigla siyang naunang naglakad kay Adrian at nilampasan niya ako na parang wala lang… na parang hindi niya ako nakita! Kumunot ang noo ko, pero hindi ko ‘yon pinahalata.
“Uy, brad! Nandito si Queenie oh,” habol na sigaw ni Adrian kay Lance ngunit dire-diretso lamang ang huli sa paglalakad palabas sa tarangkahan ng paaralan namin. “Anong problema niyon? Teka lang, Queenie. Hahabulin ko at papupuntahin ko siya rito,” sabi ni Adrian ngunit hinila ko ang kanyang braso upang pigilan siya.
“H-Hindi… huwag na, Adrian. Napagod lang siguro sa periodical exam. Hayaan na lang muna natin,” malungkot kong sabi. Pagkatapos niyon ay alanganin din akong ngumiti.
Ako dapat ang susurpresa kay Lance, pero bakit parang ako ang nasurpresa sa inasal niya?
Nagkamot siya sa ulo. “Ayos ka lang ba rito? Mauna na ako ha? Hahabulin ko pa ang isang iyon. Itatanong ko pa rin kung bakit gano’n na lang ang ginawa niya eh nakita naman niyang nandito ka!”
Tumango ako. “Ayos lang ako. T-Tutal, si Geneva naman talaga ang hinihintay ko eh. Umihi pa kasi,” pagsisinungaling ko kahit kanina pa naunang umuwi ang kaklase ko.
“Sigurado ka ha?” tanong pa niya.
Sa ginawa kong muling pagtango ay mabilis na siyang tumakbo para habulin si Lance. Ako naman ay naiwan lang na nakatulala. Hindi ko alam kung ano nga ba ang dapat kong maramdaman sa ginawa ni Lance sa akin. Kitang-kita naman niya na nandito ako. Kitang-kita ng dalawang mata ko na tumingin siya sa akin pero mas pinili lang niya ang huwag akong bigyan ng pansin.
ITUTULOY. . .
0 thoughts on “WEB SHOTS”