(T-003) MY TEENAGE LOVE: PART 1
“Dapat mamaya, sagutin mo na si Lance ha? Dapat pagpasok niyo bukas, kayo na!” biro sa akin ng kaklase kong si Geneva.
Napangiti lang naman ako sa kanya. Kasabay niyon ang biglang pagbilis ng tibok ng puso ko nang maalala ang aking masugid na manliligaw.
Dalawang linggo na rin buhat nang manligaw sa akin si Lance. Nasa section one ako samantalang nasa section five naman siya. Pinakilala siya ng kaibigan kong si Adrian na nasa section two naman.
Unang kita ko pa lang sa kanya ay nagkagusto na agad ako kay Lance. Ang gwapo kasi niya kahit maliit lang siya. May nunal siya sa kaliwang sentido at mahaba ang kanyang mga pilik-mata. Matangos din ang kanyang ilong at ang kanyang mga labi ay sadyang mapula. Maayos din ang pagkakagupit ng kanyang buhok na talaga namang nakapostura pa.
Ngunit gustuhin ko mang sagutin siya agad ay natatakot ako. Labing-tatlong taong gulang at nasa ikalawang baitang pa lang kasi ako sa high school. Ano nga ba ang alam ko sa pakikipagrelasyon?
Masyado pa akong bata. Bukod sa magagalit ang aking mga magulang ay ayoko rin namang maglihim sa kanila. Isa pa, pag-aaral dapat ang aking inuuna para hindi masayang ang paghihirap nilang kumita ng aking pang-matrikula.
Mabilis na dumating ang oras ng uwian at nandiyan na naman si Lance upang hintayin ako sa labas ng aming silid. Ala-una ng hapon hanggang alas-siyete ng gabi ang pasok namin. Ayoko mang ipadala sa kanya ang aking bag ay nagpumilit pa rin siya. Nakangiting isinukbit niya ito sa kanang balikat habang nasa kaliwa naman ang kanya.
“Kumusta ang araw mo, Queenie? Sigurado akong na-perfect mo na naman ang lahat ng exams niyo!” nakangiti niyang bati sa akin. Mas gumwapo siya sa aking paningin lalo pa’t naglalabasan ang mapuputi niyang mga ngipin.
Ibinalik ko ang mga ngiti niya sa pamamagitan ng pagngiti rin sa kanya. Ngiting may kasamang sandamakmak na kilig na hindi ko lang pinapahalata. “Okay lang. Naku, hindi ah! Hindi nga ako nakapag-advance study eh. Ikaw, kumusta ka naman?”
“Na-zero ako sa quiz namin kanina sa Biology eh,” tugon niya pero nakangiti pa rin siya. Gamit ang mga daliri, sinuklay niya pataas ang buhok niya na para sa akin ay lalo pang nakapagpa-gwapo sa kanya. Kahit maliit lang siya ay matangkad pa rin siya ng isang pulgada sa taas kong limang talampakan.
“Ha? Na-zero ka na nga pero bakit nakangiti ka pa rin diyan?” kunot-noong tanong ko. Nakalabas na kami sa tarangkahan ng aming paaralan at kasalukuyan nang tinatahak ang daan papunta sa paradahan ng mga traysikel.
“Eh kasi okay lang naman na ma-zero ako sa quiz, huwag lang sa’yo! Wala na kasing laman ang utak ko kung hindi puro ikaw lang eh. Kung ikaw ang exam namin, siguradong wala akong mali!” banat pa niya sa akin.
“Ewan ko sa’yo!” Hinampas ko naman siya sa balikat.
Hindi ko na alam kung paano ko pa patutulugin ang mga paruparo na naggagalawan sa aking tiyan. Masaya ako sa tuwing magkasama kami ni Lance pero hindi pa ako handang sagutin siya. Kaya naman niyang maghintay kung talagang mahal niya ako, hindi ba?
“Nini! Sino ‘yang kasama mo?” Nagulat ako kung sino ‘yong biglang tumawag sa akin kung kaya’t napalingon ako. Hindi ko namalayan na nandito na pala kami ni Lance sa paradahan ng traysikel.
“Uy, ikaw pala! Kumusta ka na?” magiliw kong bati.
“Ito, maganda pa rin.”
Si Rachel, kababata ko. Mga isang buwan na yata mula nang huli ko siyang makita kahit pareho pa kami ng pinapasukang school. Section eight nga lang siya kaya malayo ang silid-aralan niya. Mula nang isilang kami sa mundong ibabaw ay kaibigan ko na ‘yan. Matanda lang siya sa akin ng dalawang buwan. Lumipat kasi kami ng bahay kung kaya’t hindi na kami gaanong nagkikita.
Kinuha ko kay Lance ‘yong bag ko at ipinakilala sila sa isa’t isa. “Lance, si Rachel nga pala, kababata ko. Rachel, si Lance, m-manliligaw ko.” Hindi ko man nakikita ang mukha ko sa salamin pero sigurado akong namumula na ako ngayon, dahil sa kakaibang init na nararamdaman ng mga pisngi ko.
Agad namang nakipagkamay si Rachel kay Lance. “Nice meeting you, Lance. Alagaan mo ‘tong kaibigan ko ha!”
Ngumiti lang naman si Lance sa kanya. Hindi ko alam ngunit parang may kakaiba akong naramdaman sa kung paano tingnan ni Rachel ang manliligaw ko pero ipinagsawalang-bahala ko na lang ‘yon.
Nagiging malisyosa lang siguro ako dahil marami nang naging boyfriend ang kaibigan ko… sa isip ko.
Nakipag-usap pa ako nang kaunti kay Lance. Sinabi ko sa kanya na baka matagalan pa bago ko siya sagutin. Sumang-ayon naman siya at sinabing maghihintay raw siya kahit gaano pa katagal.
ITUTULOY. . .
0 thoughts on “WEB SHOTS”