Download Story.

close

WEB SHOTS

Written By: Nihc Ronoel       |       Story Status: Completed
Posted By:
Nihc Ronoel

 

(T-002) TARA, LARO TAYO: PART 2

 

 

Sa nangyaring ‘yon ay isang linggo ring hindi nakapasok si Celine dahil kinailangang lagyan ng semento ang kaliwa niyang paa. Lunes nang papasok na sana siya sa tarangkahan ng kanilang paaralan nang harangin siya ng guwardiya at sabihing wala raw silang pasok. Hindi na ito nagpaliwanag pa. Nagtataka man ay wala siyang nagawa kung hindi ang magpasyang umuwi na lang.

 

Nakakailang hakbang na siya palayo sa guwardiya nang harangin naman siya ni Martha na may dalang chinese garter. Nasa likuran nito ang kaibigang si Louise at sa hindi kalayuan naman ang tumatakbong si Angela na papalapit na rin sa kinaroroonan nila.

 

“Kumusta ka na, Celine? Ang tagal mong nawala ha? Tara, laro tayo!” Kahit niyayaya siya nito ay kababakasan pa rin ng galit ang boses ni Martha.

 

“Hindi na, huwag na lang. Hindi pa naman talaga ako magaling eh! Uuwi na lang ako, tutal naman eh wala raw tayong pasok. Sige, mauna na ako ha,” tugon ni Celine bago niya tinalikuran ang dalawa. Mabuti na sigurong siya na lang ang umiwas para wala nang mangyaring gulo sa pagitan nila.

 

Sakto namang dumating ang hinihingal na si Angela. “Uy, Celine! Bakit ka nandito? Hindi mo ba alam na isang linggo pa raw tayong walang pasok?”

 

Biglang nangunot ang noo ni Celine. Hindi niya maintindihan ang sinasabi ng kaibigan. “Ha? Bakit naman? Ano bang meron? At saka, kung walang pasok eh bakit ka nandito?” naguguluhang tanong niya.

 

“Diyan lang kaya ako nakatira.” Turo ni Angela sa bandang likuran niya na katabi lang ng paaralan nila. “Eh nakita kasi kita sa traysikel. Sabi na nga ba, ikaw ‘yon eh! Hindi mo pa rin ba alam ang balita?”

 

“A-Anong balita?” kinakabahang tanong ni Celine kasabay nang pagkunot ng noo niya. Hindi niya alam, pero tingin niya ay masama ang balitang hatid ng kaibigan.

 

“Nasunog ang isang parte ng school natin noong Biyernes lang. Ayoko sanang ako ang magkwento nito sa’yo, pero… dalawa kasi nating kaklase ang namatay,” malungkot na kwento ni Angela.

 

Nabigla naman si Celine. Kasabay niyon ang hindi maipaliwanag na kabog sa dibdib niya. “Ha? Anong nangyari? At saka, s-sino ‘yong mga namatay?” Hindi na niya alam kung hanggang saan ang pangingilabot na nararamdaman.

 

Isang matinding kalungkutan naman ang gumuhit sa mukha ni Angela. “Sina Martha at Louise. Naglalaro daw silang dalawa ng chinese garter sa loob ng classroom na katabi ng tindahan ni Aling Nena. ‘Yong tindahan talaga ni Aling Nena ‘yong nasunog eh, nadamay lang silang dalawa sa mabilis na pagkalat ng apoy. Sunog na ‘yong mga katawan nila nang mailabas sila sa classroom.

 

Agad na nagkulay-suka ang mukha ni Celine sa narinig. Hindi niya alam kung paniniwalaan ba niya ang kaibigan gayong nakausap lang niya kanina ang dalawang taong sinasabi nitong pumanaw na.

 

“Teka lang, Angela… nagbibiro ka ba? Eh k-kausap ko lang silang dalawa kanina eh, teka…” halos mangarag ang boses ni Celine bago niya ipinasyang lumingon. Nakita niya sina Martha at Louise sa hindi kalayuan at alam niyang hindi lang siya namamalik-mata lang. “Iyon sila oh! Tara, lapitan natin.”

 

Mabilis siyang tumakbo sa kinaroroonan nina Martha at Louise nang pigilan siya ni Angela, “Huwag!” Kasabay nga niyon ang paglingon ng dalawa sa kanila.

 

“Pumapayag ka na bang makipaglaro sa amin, Celine? Tara, laro tayo!” sambit ni Martha.

 

Ang boses niya ngayon ay sobrang lamig na parang nanggaling pa sa ilalim ng lupa. Nanlalaki ang mga matang nakita ni Celine kung paano unti-unting nagbago ang itsura ng dalawa. Mula sa pagiging tao, unti-unting lumuwa ang mga mata at nalaglag ang ngipin ng mga ito, natuklap ang mga balat, hanggang sa tuluyan nang maging sunog na bangkay ang mga ito.

 

[Copyright© Nihc Ronoel]

 

Napabalikwas nang bangon sa higaan si Celine. Sa loob ng labing-anim na taon ay palagi niyang napapanaginipan ang kahindik-hindik na pangyayaring iyon. Mahirap mang tanggapin, pero kasama pala ang kaibigang si Angela sa mga namatay sa sunog. Ngunit sa kabila nang lahat, pakiramdam niya ay binabantayan pa rin siya ng kaluluwa ng kaibigan laban sa masasamang kaluluwa nina Louise at Martha.

 

Tiningnan niya ang orasan sa gilid ng kama nilang mag-asawa at nakita niyang alas-siyete na pala ng umaga. Bumaling siya sa kaliwa niyang bahagi at doon niya malayang pinagmasdan ang gwapong mukha ng natutulog na asawang si Troy. Hinagkan niya ito sa noo bago maingat na bumangon. Matindi na ang sikat ng araw kung kaya’t kailangan na niyang makapagluto.

 

Nakasuot pa rin siya ng damit-pantulog nang bumaba siya mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Bago siya makapunta sa kusina ay madadaanan niya muna ang malawak nilang sala. Hindi pa siya nakakapasok doon nang makarinig siya ng hagikhikan.

 

Natigilan siya nang makita niya ang dalawang anak na babae na naglalaro ng chinese garter. Ngunit ang ikinagimbal niya sa lahat ay ang makitang ang nilalaro nila ay ang pulang chinese garter na parehong-pareho ng itinapon sa kanya ni Martha noon. Nang mamatay si Martha ay sinunog na rin niya ang chinese garter. Paanong muli itong nakabalik?

 

“Mga anak, anong ginagawa ninyo? S-Saan niyo nakuha ito?” Nanginginig at kinakabahang dinaluhan ni Celine ang mga anak niya sa sala kasabay nang mabilis na pagkuha sa pulang chinese garter. Bahagya siyang lumuhod upang ihanay ang kanyang taas sa taas ng mga bata.

 

“Binigay po ng bago naming kaibigan, Mama.” Ang siyam na taong gulang niyang panganay na si Tricia ang inosenteng sumagot sa tanong niya.

 

“B-Bagong kaibigan? S-Sinong kaibigan?” pautal-utal na nalilitong tanong ni Celine. Biglang lumakas ang kabog sa kanyang dibdib. Wala sa sariling magkabilang tiningnan ang mga braso ng mga anak sa pag-iisip na baka kung napaano na ang mga ito.

 

“Siya po oh!” Turo ng pitong taong gulang na bunsong si Claire sa likuran ng nanay niya.

 

Para namang tumigil ang mundo ni Celine habang dahan-dahan siyang lumilingon hanggang sa tuluyan siyang napaupo sa sahig. Sa harapan ng dalawa niyang mga anak ay nakita niyang muli ang sunog na katawan ng dalagitang si Martha na naging kaklase niya noon… at muling narinig ang tila galing sa ilalim ng lupa na boses nito.

 

“Celine, kulang kami ng isa. Tara, laro tayo!”

 

*** WAKAS ***

 

 

Written by: Nihc Ronoel

 

Language: Tagalog || Third Person’s P.O.V. (Omniscient)

 

Date written: May 27, 2018 || 1:00 PM to 4:40 PM

 

Writing prompt: Playwrite Publishing’s “Play and Write” One-Shot Contest

 

Award: Published as one of the stories in the “Glimpse of a Dreamer” anthology book, August 2019

 

Theme: #LarongPinoy (Choose among the following: taguan, habulan, tumbang preso, sungka, luksong tinik, chinese garter, bahay-bahayan.)

 

Genre: Choose among the following: humor, romance (SPG stories are not allowed), adventure, action, horror, fantasy.

 

Requirement: 1,000 to 2,000 words

 

Notes: This is the edited version with 1,910 words. The contest entry contains 1,865 words. It depends on the readers if I will make a novel out of this one-shot. Let me know by placing a comment or writing a review. Thank you!

 

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21