Download Story.

close

WEB SHOTS

Written By: Nihc Ronoel       |       Story Status: Completed
Posted By:
Nihc Ronoel

 

(T-002) TARA, LARO TAYO: PART 1

 

 

“Celine, kulang kami ng isa. Tara, laro tayo!”

 

Tahimik na gumagawa ng kanyang asignatura sa Matematika ang dalagitang si Celine nang yayain siya ng kaklase upang pumunta sa gilid ng kanilang silid-aralan para maglaro ng chinese garter. Isa itong larong kinahuhumalingan ng halos lahat ng mga estudyanteng babae sa Mataas na Paaralan ng Aplecho.

 

Kailangan mo lamang ng mahabang tali para makapaglaro nito. Bukod sa larong chinese garter na ang magkabilang dulo ng tali ay hawak ng dalawang magkakampi at tatalunan ng kalaban ay pwede ka ring makapaglaro ng ten-twenty, kung saan ang dalawang dulo naman ng mahabang goma ay tinatali at nilalagay sa paa, tuhod, baywang at balikat ng dalawang magkakampi upang makabuo ng dalawang taling tatalunan naman ng mga kalaban.

 

“Sige,” tugon ni Celine sa kaklaseng si Martha. Nilagay niya muna sa loob ng bag ang kanyang kuwaderno bago lumabas ng silid-aralan.

 

Sa totoo lang ay nagtataka siya sa mga kilos nito. Hindi naman kasi sila malapit sa isa’t isa kung kaya’t nagulat siya nang bigla na lang siyang lapitan nito. Pero, dahil gusto niyang maging kaibigan ito ay pumayag na lang siya sa kagustuhan nitong makipaglaro.

 

Apat silang maglalaro ng chinese garter. Siya, si Martha, si Angela at si Louise. Magkakampi silang dalawa ni Angela samantalang magkakampi naman ang matagal nang magkaibigang sina Martha at Louise.

 

Hindi lingid sa kaalaman ni Celine ang masamang tingin sa kanya ni Martha ngunit hinayaan lang niya ito. Lalo pang naningkit ang mga mata nito nang matalo niya ito sa bato-batopik. Papel ang ginawa ni Martha samantalang ang sa kanya naman ay gunting.

 

Dahil doon, nauna silang dalawa ni Angela na maglaro habang ang magkabilang dulo ng chinese garter ay hawak nina Louise at Martha. Paisa-isa silang tumalon dito hanggang sa ang taas ng chinese garter na kanilang tatalunan ay umabot na sa leeg ng dalawang kalaban.

 

Matagumpay na naabot ng mga paa ni Angela ang taas ng tali ngunit nang si Celine na ang tatalon ay biglang dumaan sa gilid ng pinaglalaruan nila ang magkaibigang sina Troy at Drake, na pawang kanila ring mga kaklase.

 

“Go, Celine! Kaya mo ‘yan,” nakangiting sigaw ni Troy. Para kay Celine, si Troy ang pinakagwapo sa lahat ng mga estudyanteng lalaki roon.

 

Dahil doon ay agad namang nag-init ang mga pisngi ni Celine. Nakabuwelo na siya upang tumakbo at tumalon ngunit nang makita niya si Troy ay bigla siyang kinabahan. Sa edad na labing-apat ay normal lang naman na magkagusto siya sa binatilyong isang taon lang ang tanda sa kanya.

 

Napalunok siya ng laway bago niya matiim na tinatantiya ang taas ng chinese garter. Mas matangkad sa kanya si Angela ng dalawang pulgada kung kaya’t kinakabahan siya na baka hindi niya ‘yon matalon.

 

Ngumiti lang siya kay Troy bago niya muling kinondisyon ang sarili. Para sa lalaki ay kakayanin niyang malagpasan ang taas ng tali.

 

Lingid sa kanyang kaalaman ay iba ang naging dating ng ngiti niyang ‘yon kay Martha. Lihim itong naiinggit sa kanya dahil may gusto rin ito kay Troy na sa mga tingin pa lang ay hindi na maitatangging kay Celine naman nagkakagusto.

 

Nang tatalon na si Celine ay biglang inangat ni Martha ang hawak na chinese garter lagpas sa kanyang ulo upang hindi iyon maabot ng babaeng kinaiinggitan niya. Palihim niya rin itong pinatid na nagresulta sa isang sakuna. Pagkatalon ni Celine ay mabilis itong bumagsak at napuruhan ang kaliwa nitong paa. Sa kabila ng gulat ay agad itong dinaluhan ng kaibigang si Angela.

 

Agad ding rumesponde si Troy, kasunod si Drake, sa nangyari kay Celine. Maingat nitong hinawakan ang kaliwang sakong ng dalagita bago galit na bumaling kay Martha. “Martha, anong ginawa mo?”

 

Oops, sorry! Hindi ko naman kasalanan kung lalampa-lampa siya!” Iyon lang ang tanging namutawi sa bibig ni Martha pagkatapos ay inis na hinila kay Louise ang manipis na tali. Nang makuha niya ang chinese garter ay patapon niya iyong ibinato kay Celine. “Sa’yo na ‘yan, remembrance ng pagiging lampa mo!” sigaw niya bago siya tumalikod.

 

“Sabi ko naman kasi sa’yo, huwag na nating isali ‘yan eh. Nagpumilit ka pa!” pasaring ni Louise bago sila tumatawang umalis ni Martha.

 

Si Celine naman na hawak lang ang pulang chinese garter na itinapon ni Martha ay hindi rin agad nakatayo kung kaya’t kinailangan siyang buhatin ni Troy. “Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ng binatilyo.

 

“Ayos lang ako, salamat.” Sa kabila ng sakit na kasalukuyang nararamdaman sa kaliwa niyang paa ay nagawa pa ring ngumiti ni Celine.

 

“Dadalhin kita sa clinic. Alam mo naman kasing mainit sa’yo ang dugo ni Martha, bakit nakipaglaro ka pa sa kanya?” Naglalakad na ang binatilyo papunta sa clinic habang buhat siya. Tahimik lang namang nakasunod sa kanila sina Drake at Angela.

 

“Gusto ko lang namang maging magkaibigan kami eh,” napapangiwing sagot ni Celine. “Akala ko, kapag sumali ako sa kanila eh magiging okay na kami. Sigurado ako na kung hindi ka dumaan eh hindi naman niya ‘yon gagawin. Sana kasi, siya na lang ang pinansin mo.”

 

“Paanong siya ang papansinin ko eh hindi naman siya ang gusto ko?” nakangiting tanong ng binatilyo na para bang tutunawin pa siya nito sa mga ibinibigay na kakaibang titig sa kanya.

 

Umiwas ng tingin si Celine. Sa sinabing ‘yon ni Troy ay bigla siyang pinagpawisan at para siyang nabingi sa lakas ng pintig ng puso niya. Nagkaroon din siya ng hindi mabilang na paruparo sa kanyang tiyan. Hindi na niya nasagot pa ang tanong ni Troy dahil sa hindi maipaliwanag na kilig na nararamdaman.

 

ITUTULOY. . .

 

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21