Download Story.

close

WEB SHOTS

Written By: Nihc Ronoel       |       Story Status: Completed
Posted By:
Nihc Ronoel

 

(T-001) THE REPLACEMENT: PART 4

 

 

Halos lahat ng mga tao sa paligid ay nakikidalamhati kay Erna. Si Aling Pacita naman ay umiiling lang siyang niyakap. “Hindi namin alam kung anong nangyari pero wala na ang anak mo, Erna. Wala na ang apo ko.”

 

“Hindi… hindi! Sabihin niyong nagbibiro lang kayo! Sabihin niyong nasa loob lang ng bahay ang anak ko!” Gustuhin man niyang isigaw ang mga katagang ‘yon ay waring namaos ang kanyang boses.

 

Halos hindi siya makahinga sa kaiiyak. Nagtataas-baba ang kanyang dibdib at wari’y hindi na siya makahinga. Hindi niya matanggap ang katotohanang nawala lang ang anak nang ganoon lang. Pitong buwan niya itong dinala sa sinapupunan. Pitong buwang iningatan kahit ang pagbubuntis niya ay maselan.

 

Pero sa nangyari, naingatan niya nga ba talaga ang kanilang anak?

 

[Copyright© Nihc Ronoel]

 

Muling umuwi ng Leyte si Nardo nang dahil sa nangyari. Kailangan niyang samahan ang asawa sa dinaramdam nitong matinding kalungkutan at pighati dulot nang pagkawala ng anak nila.

 

“Gabi-gabi ko siyang napapanaginipan, Nardo. Naroon daw siya sa harding tinatakbuhan natin noon. Umiiyak siya, dahil nagugutom siya at walang nagpapasuso sa kanya,” naluluhang sambit ni Erna.

 

“Hardin? Tinatakbuhan natin? Kailan?” naguguluhang tanong niya sa asawa.

 

“Oo, isang malaking hardin na puno ng iba’t ibang uri ng mga bulaklak. Hindi mo ba naaalala? Madalas tayo roon. Ayaw mo na ngang umalis eh. Pero ngayon, gusto kong bumalik doon. Gusto kong puntahan ang anak natin, Nardo.”

 

“Huwag!” mariing tanggi niya sa kagustuhan ng asawa. “Hindi iyon mundo ng mga tao, Erna!”

 

“Ha? A-Anong ibig mong sabihin? Bakit ayaw mong puntahan ang anak natin?”

 

Umiiyak na lumuhod si Nardo sa harap ng asawa, “Patawarin mo ako, Erna. Hindi ko ginustong mangyari ang lahat ng ito pero mas kakayanin ko pang mawala ang anak natin, huwag lang ikaw!” Hinalikan niya ang mga kamay ni Erna bago nagsimulang magkuwento hinggil sa kung ano ba talaga ang nangyari noon…

 

Tahimik na naglalagay ng iba’t ibang kulay ng itlog sa ilalim ng puno ng mangga si Nardo nang hindi niya inaasahang magpapakita sa kanya ang engkantong si Lucio.

 

“S-Sino ka? I-Ikaw ba ang engkantong nagkakagusto sa asawa ko?” Matapang bagamat kababakasan pa rin nang takot ang boses niya nang tanungin niya ito.

 

Hindi niya maitatangging magandang lalaki si Lucio, pero dahil nga isa itong engkanto ay alam niyang nagbabalat-kayo lamang ito.

 

“Kung ako nga, may magagawa ka ba?” tusong tugon ni Lucio sa kanya. Ang mga ngiti nito ay nanlilinlang.

 

“Tigilan mo na ang asawa ko! Kahit anong gawin mo ay hinding-hindi mo siya maisasama sa mundo mo!” Hindi niya namalayang napiga na pala niya ang hawak na itlog sa tindi nang pagkasuklam sa kaharap na engkanto.

 

“Sigurado kang hindi ko siya maisasama? Kayang-kaya ko siyang patayin maisama ko lang siya sa mundo ng Encantara! Huwag kang mag-alala, anyo mo naman ang gagamitin ko para maging masaya pa rin siya!”

 

“Hayop ka!” Sinugod ni Nardo si Lucio upang sakalin, ngunit muntik lamang siyang matumba nang bigla itong naglaho sa harap niya.

 

Wala siyang nagawa kung hindi ang lumuhod at magmakaawa sa engkantong hindi na niya nakikita ngayon, sa harap ng puno ng mangga.

 

“Parang awa mo na! Gagawin ko ang lahat, huwag mo lang kunin sa akin si Erna! Ikamamatay ko ‘pag nawala siya sa akin. Kunin mo na ang lahat, huwag lang siya! Parang awa mo na,” paulit-ulit na panaghoy ni Nardo.

 

“Kung sasabihin kong ang anak mo ang kukunin ko bilang kapalit ng asawa mo, papayag ka ba? Ang sanggol sa sinapupunan ni Erna ang gusto ko kapalit ng habambuhay niyong katahimikan, ibibigay mo ba? Tapos na ang usapang ito, Nardo. Kung pumapayag ka, mag-iwan ka ng tatlong pulang itlog!” utos ni Lucio na hindi na talaga nagpakita pa kay Nardo.

 

Tila pinagbagsakan naman ng langit at lupa si Nardo sa narinig. Hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin. Napakahirap magdesisyon, pero mas nanaisin niyang manatili sa piling niya si Erna. Napakasakit isuko ang kanilang anak, ngunit hindi naman niya kakayanin kung mawawala ang kanyang kabiyak.

 

Ilang minuto pa ang lumipas bago siya tuluyang magdesisyon. Nag-iwan siya ng tatlong pulang itlog bilang alay kay Lucio.

 

*** WAKAS ***

 

Written By: Nihc Ronoel

 

Language: Tagalog || Third Person’s P.O.V. (Omniscient)

 

Date Written: October 20, 2017 || 6:00 PM to 11:00 PM

 

Writing Prompt: Crimson Rose Book Club’s Halloween One-Shot Writing Contest 2017

 

Award: Second Place

 

Theme: Oblivion || Anxiety || Possessiveness

 

Genre: Horror || Supernatural Suspense

 

Notes: This is a non-fiction work with 2,937 words. This is quite impossible to happen but believe it or not, this happened in real-life, on the year 1981. Nardo and Erna, not their real names, are still married until today and had been blessed with three loving kids. Erna continues to dream about her unborn child until the year 2008.

 

Stay tuned because a novel entitled, “A Race Against Time,” under Adriel Series would surely come out of real-life story!

 

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21