Download Story.

close

WEB SHOTS

Written By: Nihc Ronoel       |       Story Status: Completed
Posted By:
Nihc Ronoel

 

(T-001) THE REPLACEMENT: PART 3

 

 

Walang nagawa si Nardo kung hindi ang lumiban sa trabaho at umuwi muli ng Leyte nang malaman ang kalagayan ni Erna. Dalawang araw na raw kasing hindi nagigising ang asawa.

 

Nadagdagan pa ang kanyang pangamba nang malaman niya mula sa ina na nagdadalang-tao si Erna. Ayaw lamang nitong sabihin sa kanya dahil gusto raw siya nitong surpresahin sa Maynila.

 

Sa ikatlong araw ay ipinasya na nilang patingnan sa albularyo ang asawa. Isang hugis tao na may mga mahahabang tainga ang nabuo sa tubig mula sa mga patak ng kandila.

 

“May isang makapangyarihang nilalang ang tingin ko’y nagkakagusto sa kanya, Nardo. Mag-iingat kayo dahil hinihintay lamang niyang makapanganak ang asawa mo, pagkatapos ay dadalhin na niya ito sa sarili niyang mundo,” nababahalang sabi ng matandang albularyo.

 

Nang gabing ‘yon ay nagpanggap siyang mahimbing na natutulog upang malaman kung paano napupunta si Erna sa ilalim ng puno ng mangga. Sa totoo lang ay hindi talaga siya makatulog dahil sa nalaman. Takot at pangamba ang naghahari sa buong pagkatao niya, pero mas nananaig pa rin ang pagmamahal niya para sa asawa.

 

Hindi niya maaaring isuko si Erna sa kung ano mang klaseng nilalang na nagkakagusto rito. Hindi siya makapapayag na basta na lamang angkinin ng engkantong ‘yon ang kanyang iniirog.

 

Mamamatay muna ako bago mo makuha si Erna sa akin, impakto!

 

Mamayamaya lang ay nakapikit na bumangon si Erna sa higaan. Tiningnan niya ito kung saan ito pupunta. Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit hindi ito nalalaglag sa hagdan na wari ay may kung anong naka-alalay rito na hindi niya nakikita.

 

Mabilis na tumakbo si Nardo palapit sa asawa at mahigpit na niyakap ito. Ramdam niyang may kung anong puwersa ang nakahawak at pilit na humahatak sa asawa, kung kaya’t lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakayakap dito.

 

“N-Nardo?” Tila sinisigurado ni Erna kung si Nardo nga ba ang nakikita niya ngayon sa loob ng bahay nila, dahil parang kanina lang ay naghahabulan pa silang dalawa sa isang malawak na hardin na nababalutan ng iba’t ibang klase ng mga bulaklak. Lingid sa kaalaman niya ay si Lucio ang kasama niya sa kanyang panaginip, na ginaya lamang ang itsura ng kanyang kabiyak.

 

Nagulat siya nang bigla na lamang siyang niyakap ni Nardo, “Erna, mahal ko.” Nagtataka siya kung bakit umiiyak ang asawa dahil tuwang-tuwa pa ito sa hardin na tinatakbuhan nila kanina.

 

Ilang gabi rin na palaging bumabangon at naglalakad si Erna habang tulog at palagi na lang ganoon ang nangyayari. Iniisip ni Erna na naghahabulan lang silang dalawa ni Nardo sa isang hardin.

 

[Copyright© Nihc Ronoel]

 

Sa paglipas ng mga araw ay unti-unti nang lumalaki ang tiyan ni Erna. Nalaman na rin nila mula sa doktor na lalaki ang magiging anak nila. Walang pagsidlan nang tuwa si Nardo sa magandang balita. Ngunit dahil sa kailangan niyang paghandaan ang panganganak ng asawa ay kinailangan niyang bumalik muli ng Maynila kahit labag man sa loob niya.

 

Bago siya umalis ay pumunta pa siya sa harap ng puno ng mangga upang mag-alay ng mga itlog na may basbas ng simbahan—bilang kapalit ng hindi paggambala ng engkanto sa asawa.

 

Upang tulungan si Nardo ay sa mismong bahay na nila nanirahan ang mga magulang niya, kasama ang kapatid niyang lalaki at tatlong mga katulong.

 

Walang gabing nagdaan na walang nakatokang magbabantay kay Erna. Ngunit sa kabila ng lahat ay nalinlang pa rin ni Lucio ang mga bantay nito.

 

Malaya niyang nalapitan si Erna at katulad ng dati niyang ginagawa ay inalalayan niya itong makalabas ng bahay sa isang gabing kabilugan ng buwan.

 

Mahal na mahal kita, ngunit patawarin mo sana ako dahil kailangan kong gawin ito, Erna. Pagkatapos nito ay hindi na kita kailanman gagambalain pa.

 

[Copyright© Nihc Ronoel]

 

Nagising si Erna na tila ay pinagkakaguluhan siya ng mga tao. Luminga siya sa paligid at nakita niyang umiiyak ang mga biyenan niyang sina Aling Pacita at Mang Ramon.

 

“Patawarin mo ako, Ate Erna. Hindi kita nabantayan,” umiiyak na sabi ni Anton, ang nakababatang kapatid ni Nardo.

 

“Teka, ano bang nangyari? Natulog lang naman ako—” bigla siyang natigilan nang bumangon siya mula sa kanyang pagkakahiga.

 

Tila nanigas ang buo niyang katawan sa nakita. Ang malaking umbok ng tiyan niya, ngayon ay wala na!

 

“Paano? A-Anong nangyari? N-Nasaan ang anak ko?” Unti-unti hanggang sa nag-uunahang lumandas ang mga luha niya sa magkabilang pisngi. Sinipat-sipat niya ang sarili—wala man lang kahit anong bahid ng dugo sa kanyang damit.

 

Alam niya sa sariling hindi siya nanganak, pero paanong bigla na lang nawala ang anak niya nang wala man lang siyang naramdaman?

 

ITUTULOY. . .

 

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21