(T-001) THE REPLACEMENT: PART 2
Tatlong linggo pagkatapos ng kasal ay pinili ni Erna na sumama kay Nardo sa Leyte. Nagpapasalamat siya na pumunta ang kanyang ina sa kasal nila, ngunit hindi niya kinaya ang patuloy na paghihigpit nito sa kanila ng kabiyak.
Masaya siyang nakakapit sa kaliwang braso ni Nardo habang tinatahak nila ang daan papunta sa bahay nito. Ngunit nasa labas pa lamang sila ng tarangkahan ng itinurong bahay ni Nardo ay may kakaiba na siyang naramdaman dito.
Tila nagtaasan ang lahat ng balahibo sa kanyang katawan lalo na nang makita ang isang puno ng mangga sa tapat ng malaking bahay. Hindi maipaliwanag na takot at pangamba ang yumakap sa kanya ngunit dahil ayaw niyang mag-alala ang asawa ay ipinagpawalang-bahala na lang niya ang kung ano mang nararamdaman.
Lingid sa kaalaman ni Erna ay may kakaibang uri ng nilalang na sa kanya ay nagmamatyag. Naniningkit ang mga mata nitong sinusuyod nang tingin ang dalaga mula ulo hanggang paa.
Ang babaeng iyon ay talaga namang nakabibighani ang ganda. Ngayon ko lang siya nakita rito. Sino kaya siya at ano ang relasyon niya sa mortal na ‘yon? Pero kahit ano pa man ‘yon, sisiguraduhin kong mahuhulog siya sa mga bitag ko.
Akin lang siya!
Siya si Lucio, ang prinsipe ng mga engkanto. Ang kaharian nila ay nasa kakaibang dimensiyon na ang panlabas na anyo sa mundo ng mga tao ay ang malaking puno ng manggang kanina pang tinititigan ni Erna.
Nakita niya na pumasok na sa loob ng bahay ang mag-asawa ngunit dahil sa kakaibang kapangyarihan ay tumatagos ang kanyang tingin at nalalaman pa rin ni Lucio ang ginagawa ng dalawa. Ganoon na lang ang galit niya nang makitang hinalikan ni Nardo si Erna.
[Copyright© Nihc Ronoel]
“Anak, anong ginagawa mo riyan?” nag-aalalang tanong ni Aling Pacita sa manugang.
Papungas-pungas naman na bumangon si Erna mula sa kinahihigaan. Luminga siya sa paligid at laking gulat niya nang makitang nakahiga siya sa malalaking ugat ng puno ng mangga.
Ang huli niyang natatandaan ay natulog siya sa kwarto nilang mag-asawa pagkatapos niyang magpaalam kay Nardo. Ayaw man niyang lumisan ito, pero kinailangan nitong bumalik sa Maynila upang ipagpatuloy ang naiwang trabaho.
Bakit ako nandito? Paanong napunta ako rito?
Dahil hindi alam kung paano sasagutin ang tanong ng biyenan ay alanganing ngumiti na lamang siya rito habang inaayos ang sarili.
“Tara sa loob ng bahay at may mga dala akong prutas. Kailangan mo ng sustansiya sa katawan at nangangayayat ka na,” alok nito sa kanya. Mabilis siyang kumapit sa braso ng matanda, habang pilit niyang ikinukubli ang takot na nararamdaman.
Tahimik na inihahain ni Aling Pacita ang mga dalang prutas sa mesa nang bigla na lamang tumakbo sa lababo si Erna at walang tigil na sumuka. Pakiramdam niya ay pilit na pinipiga ang sikmura niya kahit wala na siyang maisuka pa.
“Pasensiya na ho kayo, Nay. Nabahuan lang po ‘ata ako sa manggang dala niyo,” hingi niya ng paumanhin sa biyenan nang siya ay mahimasmasan.
“Anak, hindi kaya buntis ka?” ani Aling Pacita, habang wala pa ring tigil na hinahagod ang likuran niya.
Bagamat nabigla ay ngumiti pa rin si Erna sa posibilidad na ‘yon. Maaaring nagbunga na nga ang pagsasama nila ng kabiyak na si Nardo.
Nang araw ding ‘yon ay nagtungo silang dalawa ni Aling Pacita sa doktor at doon nila nalaman na tama nga ang hinuha ng matanda. Magkaka-anak na silang mag-asawa.
[Copyright© Nihc Ronoel]
Tahimik na hinahaplos ni Lucio ang pisngi ni Erna, habang mapayapa itong natutulog sa ilalim ng puno ng mangga na ngayon ay hitik sa bunga.
Hindi niya matanggap na magkaka-anak si Erna sa mortal na iyon, pero wala na siyang magagawa. Hindi siya pwedeng magdala ng buntis na mortal sa mundo nila. Hihintayin na lang niya itong makapanganak pagkatapos ay pupuwersahing sumama sa kanya.
Sana ay ako na lang ang una mong nakilala. Mamahalin kita nang higit pa sa pagmamahal niya sa’yo. Hindi kita iiwan, Erna. Sasamahan kita kahit pa sa dulo ng walang hanggan.
Nang makaramdam siya ng mga yabag na paparating ay unti-unti siyang naglaho ngunit ang kanyang mga kamay ay naka-alalay pa rin sa ulo ni Erna na nakaunan sa mga hita niya.
Nagulat si Aling Pacita sa nabungaran. Sa hindi mabilang na pagkakataon ay lagi niyang naaabutan na nasa ilalim ng puno ng mangga ang manugang at tahimik na natutulog. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari dito, kung kaya’t hindi niya maiwasan ang matakot.
Hindi kaya nae-engkanto ang manugang ko?
Gigisingin na sana niya si Erna nang bigla na lamang manginig at pagpawisan ang buong katawan nito. Ang mga mata nito ay tumirik na tanging ang puting parte lamang ang makikita. Dala ng pagkataranta ay hinawakan niya ang manugang, ngunit napaso lamang siya sa tindi ng init na bumabalot sa katawan ni Erna.
ITUTULOY. . .
0 thoughts on “WEB SHOTS”