(T-001) THE REPLACEMENT: PART 1
“Oo, Nardo… pumapayag akong magpakasal sa’yo,” naluluhang sabi ni Erna nang tanungin siya ng binata.
Wala namang pagsidlan nang tuwa si Nardo nang marinig ang sagot ng kaisa-isang babaeng minamahal. Dahil doon ay bigla siyang napatalon sa galak.
Sino ba namang mag-aakalang papayag itong magpakasal sa kanya gayong hindi naman niya ito nobya? Magkasama silang dalawa sa trabaho at dalawang buwan pa lamang ang nakalilipas nang magkakilala silang dalawa. Gayunpaman, hindi niya maitatangging nabihag na nito ang puso niya sa unang beses nilang pagkikita.
Para kay Nardo, siya na ang pinakamasuwerteng lalaki sa buong mundo. “Hinding-hindi mo pagsisisihan ang naging desisyon mo, Erna. Mamahalin kita habambuhay,” masuyo niyang sabi pagkatapos ay hinalikan ang babaeng iniirog.
Nakangiting tinugon ni Erna ang bawat halik ni Nardo. Hindi niya alam kung bakit pumayag siyang magpakasal dito. Ang alam lang niya, may kakaiba na siyang naramdaman para sa lalaki sa unang beses pa lamang na pagtatama ng mga mata nila.
Nakauwi na ng bahay si Erna ay hindi pa rin matanggal ang mga ngiti sa mga labi niya. Patuloy niyang iniisip si Nardo. Pareho silang nagtatrabaho sa Maynila at nang umuwi siya sa Bicol ay parang hinahanap-hanap niya ang presensiya nito.
Sa edad na dalawampu’t dalawa ay hindi pa siya nagkakaroon ng nobyo kahit isa, ngunit pinuntahan lang siya ni Nardo ay agaran siyang pumayag sa inaalok nitong kasal. Hindi niya maintindihan ang nangyayari sa kanya.
Siguro ay si Nardo ang lalaking tinutukoy ng manghuhula. Siguro ay siya ang lalaking nakalaan para sa akin, sigaw ng isip niya.
Hindi pa ganoon katagal buhat nang hulaan siya ng manghuhula na ang mapapangasawa niya ay isang lalaking tatawirin ang dagat para lang makasama siya.
Kuwento ni Nardo sa kanya ay galing pa raw ito ng Leyte bago pumunta sa kanila sa Bicol. Hiningi raw nito ang basbas ng sariling mga magulang para magpakasal at mabilis daw na pumayag ang mga ito.
Pero siya? Paano niya sasabihin sa mga magulang na magpapakasal na siya gayong ang alam ng mga ito ay wala naman siyang nobyo?
[Copyright© Nihc Ronoel]
“Susmaryosep, Erna! Nahihibang ka na ba? Anong kasal ang sinasabi mo? Hindi ako makapapayag na magpakasal ka sa lalaking ‘yan! Ni hindi mo nga ‘yan lubusang kilala eh.” Bakas sa mukha ni Aling Flora ang galit nang pagsabihan ang anak.
“Nay naman, hinaan niyo naman po ‘yong boses niyo. Mabuti pong tao si Nardo. Alam kong hindi niya ako sasaktan,” naiiyak naman na sabi ni Erna. Ang kanyang ama ay payag na sa desisyon niyang magpakasal at ngayon nga ay magiliw itong nakikipag-usap kay Nardo, habang ang huli ay nagsisibak ng kahoy na gagamitin sa kanilang tarangkahan.
“Hindi biro ang pagpapakasal, Erna! Ano ka ba naman? Ginagamit mo ba ‘yang utak mo? ‘Yong mga ilang taon nga riyang magnobyo, naghihiwalay pagkatapos makasal, kayo pa kayang wala man lang kahit anong pundasyon ang pagsasama? Kahit anong gawin mo ay hindi ako papayag. Sige at magpakasal ka sa lalaking ‘yan, pero hindi ako pupunta!” pagmamatigas ni Aling Flora.
“Nay, bigyan niyo naman po ng pagkakataong makilala si Nardo. Mabait po siya at masipag. Alam kong dalawang buwan pa lang kaming magkakilala, pero alam ko ho na siya na ang lalaking gusto kong makasama habambuhay. Minsan lang po akong humiling sa inyo. Pakiusap, pagbigyan niyo naman po ako,” umiiyak na wika ni Erna sa kanyang ina na kulang na lang ay lumuhod na siya rito.
Gustuhin mang pagbigyan ni Aling Flora si Erna sa pakiusap nito ay iniingatan lang niya ang bunsong anak. “Ang pagpapakasal ay hindi mainit na kanin, na kapag napaso ka ay basta-basta mo na lang iluluwa. Pinal na at hindi na mababago pa ang pasya ko, Erna. Hindi ako payag sa gusto mong mangyari.”
“Kahit hindi ho kayo payag ay magpapakasal pa rin ako kay Nardo. Patawad po kung susuwayin ko kayo ngayon, pero buo na rin po ang pasya ko. Magpapakasal ako sa kanya at kung ano man ang magiging kahihinatnan ng desisyon kong ito ay wala akong ibang sisisihin kung hindi ang sarili ko dahil ginusto ko ito. Kung hindi kayo pupunta sa kasal ko, kalimutan niyo na rin po na anak niyo ako.” Pinahid ni Erna ang mga luha sa mukha at mabilis na umalis sa harap ng ina.
Nasaktan si Aling Flora sa mga binitiwang salita ng anak, kaya kahit labag man sa loob niya ay pumunta pa rin siya sa kasal nito sa Maynila.
ITUTULOY. . .
0 thoughts on “WEB SHOTS”