(T-004) LESLIE AND LEYNAH: PART 5
“Ate, i-ikaw ba t-talaga ‘yan? I-Ikaw ba ang may gawa ng lahat nang ‘to? P-Pero bakit mo ginagawa ‘to?” Gusto niyang sigawan ang ate niya pero dahil nanghihina na siya ay hindi niya ‘yon magawa.
“Kasi hihiramin ko na ulit ‘yong katawan mo. Siguro naman ay hindi ka nagsisinungaling lang kanina sa harap ng puntod ko na sana ay tinagalan ko pa ang paggamit niyan? Kaya nandito na ulit ako, Leynah. Pagbibigyan mo naman ako, ‘di ba?” Umupo si Leslie at hinawakan niya ang baba ng nakahandusay na kapatid.
“A-Ate, please… hindi ikaw ang Ate L-Leslie na kilala ko! Ate, hindi ikaw ‘yan.”
“Ako ‘to. Ang nakikita mo ngayon ay ang totoong Leslie, Leynah! Dahil ang Ate Leslie na kilala mo noong nabubuhay pa ay nagpapanggap lang! Buong buhay ko, nagpanggap lang ako para sa’yo. Kasi inisip ko ang kapakanan mo, pero ano ang napala ko?”
Nanlilisik ang mga mata ni Leslie bago ito nagpatuloy sa pagsasalita…
“Being a perfect girl would never make Rafael love me! Matagal ko nang alam na ikaw naman talaga ang gusto niya eh, pero umasa pa rin ako na balang-araw ay magkakagusto siya sa akin! Kaso palagi na lang ikaw ang laman ng bibig niya! Ikaw na hindi naman ganoon katalino at marami pang kaaway sa school nang dahil sa pagiging prangka! Matatanggap ko kung nagkagusto siya sa iba, pero bakit sa’yo pa? Ha! Ano bang meron ka?”
Sa sobrang lakas ng pagkakasigaw ng kaluluwa ni Leslie ay parang biglang yumanig ang buong paligid. Dahil doon ay buong pwersang hinawakan nito ang nanghihinang kapatid.
“Anong meron ako? Si Rafael. At kahit kailan ay hindi mo siya makukuha sa’kin, Ate!” Wala sa sariling natawa si Leynah. Lumalabas na ang pagiging prangka niya. “Kahit gamitin mo pa ang katawan ko nang ilang beses, hinding-hindi mo makukuha ang pagmamahal ni Rafael. He stayed beside you the previous year because he knew that I would be back. After all, this is my body—the body of the woman he only loved!”
Dahil doon ay lalong nagalit ang ate niya. Unti-unti nang pumapasok ang kaluluwa nito sa loob ng katawan niya habang ang kaluluwa naman ni Leynah ay unti-unti na ring humihiwalay sa sariling katawan kahit ano pang pilit niyang lumaban. Nagtutulakan silang dalawa at si Leslie ang nasa ibabaw.
“Give up now, Leynah. Mas malakas si Ate sa’yo,” sulsol ni Leslie sa kanya habang nakangisi ito nang nakakaloko.
Patuloy pa rin na naglalaban ang dalawa hanggang sa may sinabi si Leslie na lalong nakapagpahina sa puwersa ni Leynah. Dahilan upang sunod-sunod na pumatak ang mga luha nito mula sa mata.
“Hindi ka ba nagtataka kung bakit hindi ko sinama si Mama nang araw na maaksidente tayong dalawa? Dahil sinadya ko talaga ‘yon para masolo at mapatay kita, Leynah. Pero anong nangyari ha? Kasalanan mo kung bakit ako namatay, bwisit ka! Mabait pa nga ako dahil nilubayan ko ang katawan mo kahit saglit lang… pero ngayon, ang lahat ng iyo ay magiging akin na!” Matining na humalakhak ito na para bang naghalo ang normal nitong boses at isa pang boses na tila nanggaling naman sa ilalim ng lupa.
Naisip ni Leynah na nagkamali ang Mama niya sa pagkakakilala nito sa multo ni Leslie. Hindi talaga nagparaya ang kapatid niya, bagkus ay magaling lang talaga itong magkunwari.
Sa kabila nang lahat ay mahal pa rin ni Leynah ang ate niya kahit nagbalak pa itong patayin siya. Hangga’t maaari ay ayaw niya itong labanan ngunit kailangan niyang lumaban para sa katawan niya… at para na rin sa lalaking minamahal.
“Sa tingin mo, makukuha mo ang lahat nang sa akin, Ate? Hindi! Ngayon pa na alam kong mahal din ako ni Rafael? Oo, maraming galit sa’kin sa pagiging prangka ko at marami namang nagmamahal sa’yo sa pagiging peke mo. But isn’t it ironic na ako ang mahal ng lalaking gusto mong magmahal sa’yo? Dahil totoo ako… at sa ating dalawa, ako ang buhay ngayon!” Ginamit ni Leynah ang natitira niyang lakas upang tapatan ang ginagawa sa kanya ni Leslie.
Matagal pang naglaban ang magkapatid hanggang sa ang mga kaluluwa nila ay unti-unting naglaho. Sa isang iglap lang ay naging payapa na agad ang buong paligid at nawala na rin ang malakas na hangin na kanina lang ay naghahari sa kwarto.
Magulo pa rin sa loob ng kwarto ni Leynah. Naroon pa rin ang mga kalat at basag na mga gamit gawa ng mapaghiganting kaluluwa ng kapatid niya. Ang katawan naman ng dalaga ay nasa sahig at parang wala nang buhay na nakahiga.
Pagkatapos niyon ay bigla na lang dumilat ang mga mata ni Leynah… bago ito ngumiti nang makahulugan.
*** WAKAS ***
Written by: Nihc Ronoel
Language: Tagalog || Third Person’s P.O.V. (Omniscient)
Date Written: July 3, 2020 || 8:00 PM
Date Edited: July 4, 2020 || 2:00 AM
Writing Prompt: KM and H Black Paper Forest Publishing House || Kabilang Mundo Writing Contest 2020
Theme: Elemental Creatures (Aswang, Engkanto, Multo, etc.)
Genre: Any (I just chose Romance and Paranormal)
Notes:
This is a fictional work with 4,000+ words. I didn’t submit this one-shot story because it already exceeded the required word count which is 1,500 to 2,000 words.
I didn’t want to reduce it because it would only lessen the description that might also affect the plot. Stay tuned because a novel entitled, “Endless Devotion,” under Adriel Series would surely come out of this one-shot!
Already done reading this part? How about giving me a review? Thank you so much! 😊
0 thoughts on “WEB SHOTS”