(T-004) LESLIE AND LEYNAH: PART 4
Isang taon at kalahati rin ang hinintay ni Rafael sa muling pagbabalik ni Leynah. Ang unang parte ay kalahating taon kung saan siya palaging nagpabalik-balik sa hospital habang comatose pa ang dalaga.
Kumuha siya ng kursong medisina dahil gusto niyang maging doctor para kay Leynah. Dahil ang totoo ay natatakot siya. Hindi niya maiwasang mag-isip na kung sakali mang hindi na gumising ito ay siya mismo ang gagamot sa dalaga.
Halos araw-araw pagkatapos ng klase ay pumupunta siya sa ospital at doon siya nag-aaral. Walang gabi na hindi niya binabasahan ito ng mga love letter—mga love letter na matagal na niyang sinulat para dito bago pa man siya ipinakilala ni Leslie rito.
Kapag pumupunta ang nurse para punasan si Leynah ay inaagaw niya ang trabaho nito. Siya ang matiyagang nagpupunas sa dalaga mula sa mukha, leeg, braso, kamay, hita at mga paa… hanggang sa dumating na nga ang araw na nagising na ito.
Ang araw na pinakahihintay ni Rafael.
Pero alam niya agad na hindi si Leynah ang nasa katawan ng nagising. Bakit? Dahil kung si Leynah ito ay gagawa na agad ito ng paraan para lang makapagtago mula sa kanya. Noon pa man ay nakapokus na ang atensiyon niya kay Leynah, bago pa man ito magtago sa tuwing nakikita siya.
Natatawa na nga lang siya sa tuwing nangyayari ‘yon. Halatang-halata kasi na nahihiya at may gusto rin sa kanya ang babaeng matagal na rin naman niyang gusto. Simula nang grade eight pa lamang siya kung saan una niya itong nakita na kasama ng kaklaseng si Leslie ay na-love at first sight na siya rito.
Pero sa kabila nang lahat, hindi niya iniwan si Leynah kahit na ang kaluluwa ni Leslie ang nasa loob nito. Katawan pa rin kasi ng babaeng mahal niya ang kasama niya at hindi rin naman naiiba sa kanya ang kapatid nito na ilang taon din naman niyang naging kaibigan at kamag-aral.
“T-Totoo ba ‘yang mga sinabi mo, Rafael? M-Matagal mo na ba talaga akong gusto?” sumisinghot-singhot na tanong ni Leynah. Hindi siya makapaniwala na tulad niya ay na-love at first sight din ito sa kanya.
“Mula noon, hanggang ngayon… ikaw lang ang mahal ko, Leynah. Hindi ka ba nagtataka kung bakit wala akong naging girlfriend ni isa? Kasi ikaw lang ‘yong nandito…” nakangiting tugon ni Rafael at tinuro pa ang dibdib nito, “kaso may hinihintay pa ako.”
“Ano?” kunot-noong tanong ng dalaga.
“Ano pa ba? Eh ‘di ang maging tayo na officially! Aba! Hindi lang ako makapanligaw sa’yo pero grade eight pa lang ako… gusto na kitang maging girlfriend, Leynah. May pag-asa naman siguro ako, ‘di ba?” masuyong hinawakan ng binata ang magkabilang pisngi ng dalaga bago tuluyang pinahid ang ilan pa nitong mga luha na naiwan sa mukha.
“Sa isang kondisyon,” nakangiting saad ni Leynah.
“And what’s that condition, my love? Gagawin ko kahit ano pa ‘yan!”
“My love ka riyan! Hindi pa nga tayo pero may endearment na agad?” Bahagya niyang nahampas ang binata sa balikat nito. “Hmm, gusto kong ibigay mo muna sa akin ang lahat ng love letters na sinabi mong paulit-ulit mong binabasa noong mga panahong comatose pa ako.” Natatawang nilahad niya rito ang kanang palad na wari ba’y dala na agad ng binata ang mga sulat na hinihingi niya.
“Nasa kwarto mo na ‘yon lahat. Nasa ilalim lang ng kama.” Hinawakan ni Rafael ang kanyang kamay at masuyong hinagkan.
[Copyright© Nihc Ronoel]
Nang makauwi ng bahay ay agad na pumanhik papunta sa kwarto niya si Leynah. Medyo mabagal pa rin siyang maglakad mag-isa, pero nag-iingat naman siya. Ang ina naman niyang si Lalaine ay kasama ang katulong nila upang mamili ng mga lulutuin nito para sa kanilang hapunan.
Ngunit, ganoon na lamang ang gulat ng dalaga nang makitang nagkalat ang mga gamit sa loob ng kwarto. Punit-punit na rin ang tingin niyang mga sulat ni Rafael na nagkalat din sa ibabaw ng kanyang kama.
Nakabukas ang lahat ng cabinets niya at gula-gulanit ang kanyang mga damit. Doon niya napansing kabilang sa mga bulak ng unan at mga libro niyang nagkalat din sa sahig, ang mga basag na larawan nilang magkapatid.
Pagkatapos niyon ay isang malakas na ihip ng hangin ang naramdaman niya na siyang nagdulot sa kanya ng kakaibang lamig, kaba at takot. Halos liparin siya niyon at mabuti na lamang at nakahawak siya nang mahigpit sa pinto.
Ngunit nasundan ‘yon ng parang kung anong ipo-ipo sa loob ng kwarto niya na nakapagpahagis kay Leynah sa sarili niyang vanity mirror. Nasugatan ang dalawa niyang braso sa pagkabasag niyon.
Nagliparan ang lahat ng gamit habang si Leynah ay naiiyak lang na nakayakap sa kanyang ulo. Nagliparan ang mga kurtina at mabuti na lang talaga ay hindi siya tinamaan ng bakal na kinakabitan ng mga iyon. Masuwerte ring hindi siya tinamaan nang lumipad din ang study table.
Mamayamaya lang ay natigil na ang kakaibang hangin sa kwarto niya at mula sa terasa ay isang pamilyar na pigura ang kanyang nakita. Kabisado niya ang itsura ng babaeng ‘yon na nakasuot ng kulay puting damit kahit nanlalabo pa ang kanyang mga paningin. Ito ay walang iba kung hindi ang kaluluwa ng duguang si Leslie.
“A-Ate Leslie?” tanong niya rito sa nanghihinang tinig.
Malaki ang sugat nito sa ulo at tila walang patid ang pagtulo ng dugo na tuluyan nang humalo sa puting damit na suot nito. Gulo-gulo rin ang mahabang buhok nito na umabot na hanggang tuhod. Nangingitim din ang ilalim ng mga mata nito.
“Kumusta ka na, mahal kong Leynah?” tanong ni Leslie na unti-unti nang lumalapit sa kanya habang nakalutang.
ITUTULOY. . .
0 thoughts on “WEB SHOTS”