Download Story.

close

WEB SHOTS

Written By: Nihc Ronoel       |       Story Status: Completed
Posted By:
Nihc Ronoel

 

(T-004) LESLIE AND LEYNAH: PART 1

 

 

“Ate naman eh, huwag na lang! Nahihiya ako eh!” nag-iinit ang mga pisnging sabi ng nakababatang si Leynah.

 

Naroon siya sa kwarto niya ngayon at kasalukuyang nag-aaral. Nagulat na lang siya nang biglang pumasok ang ate niya roon at basta na lang siya nitong hinila palabas dahil ipakikilala raw siya nito sa crush niya.

 

“Ano ka ba, Leynah? Mabait naman ‘yang si Rafael… at saka alam mo bang wala pang nagiging girlfriend ‘yan? Hala, sige! Ikaw rin… baka maunahan ka pa ng iba riyan! Magsisi ka sa bandang huli,” saad ng nakatatandang si Leslie sabay kindat nito sa bunsong kapatid.

 

Pareho silang may mahabang buhok at maputing mga kutis. Itim ang buhok ni Leynah, samantalang kulay tsokolate naman ang kay Leslie. Mas matangkad din nang kaunti si Leynah at bilugan ang mga mata kumpara sa kanyang ate.

 

Nasa hagdan na sila at pababa na para pumunta sa sala. Hindi mapigilang matuwa ni Leslie dahil bigla na lang nagiging mahiyain ang bunsong kapatid sa tuwing nakikita nito ang kaklase niyang si Rafael. Alam niya kasi ang pagiging prangka ni Leynah kahit saang bagay at kabisadong-kabisado na niya ang pagiging madaldal nito.

 

“Rafael, I want you to meet my sister—Leynah. Leynah… meet Rafael,” pagpapakilala ni Leslie sa dalawa. Kumindat pa ito sa bunsong kapatid na ngayon nga ay sobra nang namumula ang mukha.

 

“Girls, say hi to my sister!” baling ni Leslie sa dalawang kaklaseng babae na tahimik lang na nakasalampak sa sahig habang gumagawa ng project. Binati naman ng mga ito si Leynah na ginantihan lang nang ngiti ng huli.

 

“Now I got the chance to finally meet you, Leynah.” Nakangiting inabot ni Rafael ang kamay upang pormal na makipagkilala sa dalagita. Gwapo ang binata. Singkit, matangos ang ilong at ang mga labi ay sadya ring mapula.

 

Hindi alam ni Leynah kung ilang beses siyang lumunok dahil parang may batong bigla na lang bumara sa kanyang lalamunan. Sa huli ay nanginginig niyang tinanggap ang kamay ng binata.

 

“N-Nice meeting you, R-Rafael. Sige ha, maiwan ko na kayo. Gagawa pa kasi ako ng assignment sa itaas.” Iyon lang ang tangi niyang nasabi pagkatapos ay nagmamadali na siyang tumakbo paakyat sa hagdan.

 

Pagkapasok niya sa kwarto ay agad siyang sumandal sa nakasarang pintuan, habang nagtataas-baba ang kanyang dibdib sa sobrang hingal. Hindi siya makahinga nang maayos dahil bukod sa tumakbo siya, hanggang ngayon kasi ay pinaghaharian pa rin siya ng kaba.

 

Alam niyang hindi basta imahinasyon lang ang naramdaman niyang pagpisil ng binata sa kamay niya kanina. Sigurado siya na ginawa talaga ‘yon ni Rafael, pero bakit? Hindi niya maiwasang mag-isip… pero hindi rin naman niya napigilan ang sariling kiligin.

 

Wala sa sariling tiningnan niya ang kanang kamay. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ito at nararamdaman pa rin niya ang kuryente roon na bigla na lang kumalat sa buo niyang pagkatao.

 

Napapangiti siya habang pilyang naiisip na hindi muna siya maghuhugas ng kamay sa loob ng isang linggo. Babalutin din niya ito ng plastic kapag maliligo. Kinikilig at paulit-ulit pa niyang inamoy ‘yon.

 

Pagkatapos niyon ay palagi na lang ganoon ang set-up nilang magkapatid sa tuwing gumagawa ng mga proyekto sina Leslie at ang mga kaklase nito sa bahay nila. Gusto kasi nito na nasa sala rin si Leynah at nakikipag-usap sa kanila.

 

Wala naman siyang ibang ginagawa kung hindi ang umiwas at umakyat na lang sa kwarto sa tindi ng kanyang hiya. Pero, kapag alam niyang busy na ang mga ito ay sandali siyang pumupuslit para lang tahimik na pagmasdan ang binata.

 

Sa totoo lang ay hindi naman talaga siya mahiyain dahil napaka-prangka nga niya sa ibang tao. Palaban at walang inuurungan si Leynah na kabaliktaran ng Ate Leslie niya na halos hindi makabasag-pinggan.

 

Pero hindi niya alam kung bakit sa tuwing nakikita niya si Rafael ay mabilis pa sa alas-kwatrong nagtatago siya at basta na lang umuurong ang madaldal niyang dila. Siguro ay dahil gano’n na nga talaga kalalim ang nararamdaman niya para sa binata.

 

Nasa senior high school na si Leslie at dalawang taon lang ang agwat nito sa kanya na kasalukuyang nasa grade ten. Aaminin niyang matagal na siyang may gusto sa kaklase ng ate niyang si Rafael. Nagsimula ‘yon nang grade six pa lamang siya at grade eight naman ito. Ngayon nga ay pare-pareho na silang lahat ng pinapasukan na school.

 

Ang kaso, magtatapos na ang Ate Leslie niya pati na rin si Rafael. At dahil nga magkokolehiyo na ang mga ito ay malabo nang makita niya pa nang madalas ang lalaki.

 

ITUTULOY. . .

 

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21