Download Story.

close

WEB SHOTS

Written By: Nihc Ronoel       |       Story Status: Completed
Posted By:
Nihc Ronoel

 

(T-003) MY TEENAGE LOVE: PART 4

 

 

“Hayaan mo na sila. Sabi ko nga kanina, hindi naman kawalan ‘yong Lance na ‘yon! Magsama silang dalawa…”

 

Halos hindi ko na narinig ang iba pang mga sinabi ni Miriam dahil sa mga kung anong tumatakbo sa aking utak. Kaya pala… kaya pala ganoon na lang ang pagkakatitig niya kay Lance noong gabing ipinakilala ko sila sa isa’t isa. Kaya pala ganoon na lang siya kung makapagbitiw ng mga makahulugang salita, dahil doon pa lang ay may balak na siyang mang-agaw!

 

“Sige ka, baka maagaw pa siya ng iba! Ang gwapo pa naman.”

 

Paulit-ulit na tumakbo ang mga katagang ‘yon sa isip ko hanggang sa makauwi ako ng bahay. Hindi ko akalaing siya pa na kababata at kaibigan ko ang tatraydor sa akin. Hindi ko lubos maisip kung ano nga bang dahilan kung bakit naisip niyang sulutin sa akin si Lance. Marami namang ibang lalaki riyan at hindi naman siya mauubusan!

 

Pero ano nga bang magagawa ko? Hindi naman kami ni Lance kaya wala akong karapatang magselos. Hindi siya akin at kailanman ay hindi naging akin kaya wala akong karapatang umiyak at masaktan! Wala akong karapatang magalit at manumbat.

 

Pero alam ng Rachel na ‘yon na nililigawan ka ni Lance, bakit kailangan niya pang magpadala rito ng sulat? hiyaw ng aking utak.

 

Bakit, Asel? Anong kasalanan ko sa’yo? Traydor ka! Tahimik kong sinusuntok ang aking unan hanggang sa hindi ko namalayang nakatulugan ko na pala ang pag-iyak.

 

[Copyright© Nihc Ronoel]

 

Top fourteen. Iyon lamang ang rank na nakuha ko sa pagtatapos ng taon. Hindi man lang ako nakasama sa top ten, pero ayos lang. Sinasabi lang niyon sa akin na kailangan ko pang pagbutihin ang pag-aaral sa mga susunod pang taon. Isa pa, marami talagang matatalino at magagaling sa pilot section.

 

Top one. Iyan naman ang rank ni Rachel sa section eight. Katulad nang nakagawian, kinumpara na naman ako ni Mama sa kanya. May boyfriend pa raw ‘yon pero naging top one, samantalang ako ay pag-aaral na nga lang ang inaatupag, pero top fourteen lang. Mabuti na lang at laging nandiyan si Papa para ipagtanggol ako at ipaintindi kay Mama na malayo ang section eight sa section one. Dahil doon, pagtuntong namin ng third year ay nalipat si Rachel sa section two.

 

Akala ko ay mahihiya siya sa tuwing magkikita kaming dalawa, pero siya pa talaga ang malakas ang loob para irapan at bigyan ako ng sarkastikong mga ngiti at tawa…

 

“Sabi ko naman kasi sa’yo, sagutin mo na eh. Nagpakipot ka pa kasi at ang dami mong arte. Ngayon, huwag mo akong sisihin kung sa akin nahumaling,” bulong niya sa akin nang minsang magkasalubong kaming dalawa sa koridor. Iiwas na sana ako pero siya pa talaga itong nagmamadaling lumakad patungo sa akin at binangga ang kaliwang balikat ko.

 

“May narinig ka ba sa akin kahit isang salita? Hindi ba’t wala? Ngayon, ano pang ipinagpuputok ng butse mo riyan? Iyong-iyo na siya! Kahit isaksak mo pa sa nabubulok mong baga, wala akong pakialam!” Pinipigilan ko ang sarili kong huwag siyang patulan pero sinasagad niya ang pisi ng aking pasensya.

 

Ngumiti siya nang tuso sa akin. “Alam mong wala akong kilala sa section five, ‘di ba? Hindi mo man lang ba tatanungin kung sino ang naghatid ng unang sulat ko sa kanya—dahilan kung bakit kami na ngayon?”

 

“Hindi ako interesado at wala akong balak alamin.” Hindi ko siya pinansin bagkus ay hinigpitan ko lamang ang pagkakayakap sa mga aklat na nasa tapat ng aking dibdib. Dire-diretso akong humakbang at walang lingon-likod na lumakad palayo sa kanya.

 

“Hindi ka nga interesado pero sasabihin ko pa rin. Si Adrian!” Narinig kong sigaw niya pagkatapos ay tumawa siya na akala mo ay isa siyang mangkukulam.

 

Kumunot ang noo ko. Si Adrian? Bakit siya pa? Alam naman niyang nililigawan ako ni Lance ha!

 

Natigilan ako sa paglalakad ngunit kung hindi ako magpapatuloy ay malalaman lang niyang naaapektuhan ako sa mga sinasabi niya. Hindi ako magpapadaig sa kanya. Ilang beses ko na siyang pinatay sa utak ko, kaya wala nang saysay kung magpapaapekto pa ako.

 

Pagkatapos nga niyon ay agad kong kinompronta si Adrian pero sinabi lang niya na matagal na siyang may gusto sa akin kung kaya’t hindi niya pahihintulutang mapunta ako kay Lance. Ginamit lang din niya si Lance upang lalong mapalapit sa akin dahil sa tingin niya ay hindi ko siya magugustuhan dahil hindi naman siya kaguwapuhan.

 

Hindi ko akalaing sobrang babaw lang ng tingin niya sa akin na pati ang pagkakaibigan namin ay masisira nang ganoon lang. Oo, hindi ko talaga siya magugustuhan… pero dahil iyon sa ugali niya at hindi nang dahil sa panlabas niyang itsura!

 

“Queenie, pwede ba tayong mag-usap?” tanong na nagpanumbalik sa akin sa kasalukuyan.

 

ITUTULOY. . .

 

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21