Download Story.

close

WEB SHOTS

Written By: Nihc Ronoel       |       Story Status: Completed
Posted By:
Nihc Ronoel

 

(T-003) MY TEENAGE LOVE: PART 3

 

 

Nakatulala pa rin ako nang maramdaman ko ang matinding bugso ng aking damdamin. Bigla ring nanikip ang aking dibdib. Unang beses kong naranasan ito. Tumingala ako habang kinurap-kurap ko ang aking mga mata para lang pigilan ang mga luhang nagbabanta na sa pagtulo sa magkabilang pisngi ko… ngunit ako ay bigo.

 

“Queenie? Ikaw ba ‘yan? Uy, bakit hindi ka pa umuuwi?”

 

Tumingin ako sa nagsalita at nakita ko ang kaklase at kaibigan kong si Miriam. Suminghot-singhot pa ako sa harapan niya.

 

“Teka, umiiyak ka ba?” tanong niya na kababakasan ng pag-aalala.

 

Pinahid ko ang magkabila kong pisngi at nagsinungaling sa kanya. “Ha? H-Hindi ha? Napuwing lang ako.” Halos pumiyok ako. Pinilit kong ngumiti kahit sobrang nahihirapan ako.

 

“Sus, napuwing ka nga lang ba talaga? Hindi ako bulag, ‘no! Pwede mong sabihin sa akin ang totoo. Pwede kang magkwento habang naglalakad tayo. Tungkol ba ito sa manliligaw mo?” Saka niya ako inabutan ng panyo. Hindi naman lihim sa mga kaklase ko ang panliligaw sa akin ni Lance kahit pa magkaiba kami ng seksyon.

 

Kinuha ko ang panyo niya bago ako tumayo at sumabay sa kanya sa paglalakad. Lumunok ako upang matanggal ang animo’y bara sa aking lalamunan bago ako nagsalita, “Hinintay ko siya kanina, Mir. Nakita niya ako pero hindi naman niya ako pinansin. Dire-diretso lang siyang lumabas ng gate.”

 

“Eh bakit ka umiiyak? Hindi dapat iniiyakan ang mga ganoong lalaki, aba! Si Queenie Luvera? Umiiyak sa lalaki nang ganoon lang? Maganda ka at matalino, sigurado akong marami pang magkakagusto sa’yo. Hindi siya kawalan ‘no at lalong hindi mo siya deserve!” Tumaas ang boses niya na wari ba’y apektadong-apektado siya sa kinuwento ko.

 

“Hindi ko kasi maintindihan kung bakit bigla na lang naging gano’n ang trato niya sa akin. Hindi ko kasi alam kung may nagawa ba akong mali. Sana man lang ay sinabi niya, ‘di ba? Para hindi ako nanghuhula na parang tanga! Ang sabi ko lang naman, magfo-focus muna ako sa pag-aaral eh. Tapos anong nangyari? Bakit biglang hindi na niya ako pinansin? Sumuko na agad siya sa panliligaw sa akin?”

 

Hindi ko namalayan na dire-diretso at wala nang patid ang paglandas ng mga luha sa magkabila kong pisngi. Ginamit ko ang panyo ni Miriam, ngunit para bang hindi iyon sapat para saluhin ang lahat ng sama ng loob na aking nararamdaman.

 

Masuyo naman niyang hinaplos pataas-ibaba ang aking likod. “Ssh, tahan na—” naputol ang iba pang sasabihin ni Miriam nang may mga babaeng dumaan sa gilid namin na ang lalakas ng mga boses.

 

“Uy, girls! Nakita niyo na ba ‘yong babaeng kamakailan lang eh nagpadala ng sulat kay Lance?”

 

“Oh, bakit? Anong meron?”

 

“Sila na agad!”

 

“Oh, ang bilis ha! Eh ‘di ba, may nililigawang iba si Lance?”

 

“Kaya nga! Akala ko, dededmahin ni Lance pero ang ganda no’ng binigay niyang teddy bear doon sa babae—”

 

“Miss, saglit… a-ano ‘yong sinasabi mo? Si Lance de Guzman ba ang pinag-uusapan ninyo?” Hindi ko namalayang binilisan ko na pala ang paglalakad ko para lang habulin sila at wala na akong pakialam kung mugto man ang mga mata ko kaiiyak. Naramdaman kong agad din naman akong sinundan ni Miriam.

 

“Teka, hindi ba’t ikaw si Queenie? ‘Yong taga-section one na nagpaasa lang kay Lance? Classmate namin siya pero sorry ka na lang, girl. Taken na siya!” sabi no’ng isang kulot ang buhok.

 

“Baka kaya siya umiiyak ay dahil alam na niya,” narinig kong sabat ng isa sa dalawang kasama niya.

 

Siguro ay kaunti na lang para maihalintulad sa ampalaya ang noo ko sa sobra kong pagkunot. Ni hindi ko na nagawa pang ipaliwanag sa kanila na hindi ko naman pinaasa si Lance. “T-Taken? Kailan pa? P-Paano? At saka kanino?” sunod-sunod na tanong ko sa kanya.

 

“Isang linggo pa lang ‘ata. Taga-section eight daw ‘yong jowa niya eh. Rachel Fermin daw ang pangalan. Sige, mauna na kami ha?” sagot nito bago nila kami sabay-sabay na tinalikuran at nagkwentuhan na lang sila nang pabulong.

 

Sa narinig kong ‘yon ay bigla na lang napahawak ang kaliwa kong kamay sa balikat ni Miriam. Kailangan ko ng susuporta sa akin dahil pakiramdam ko ay bigla na lang akong nawalan ng lakas at ano mang sandali ay bibigay ang aking katawan.

 

“Queenie, okay ka lang ba? Kilala mo ba ang Rachel Fermin na sinabi ng kulot na ‘yon?” tanong niya sa akin.

 

Doon nagtagis ang aking bagang at para bang nanigas ang aking mga kalamnan. Tumapang at lalong naningkit ang mga mata kong tumingin sa kawalan. Nanginginig na kinuyom ko ang aking kanang kamao bago ko sinagot ang tanong niya.

 

“Oo, Mir. Kilalang-kilala ko siya para masabi kong isa siyang traydor at ahas na kaibigan!” Diniinan ko ang pagkakabanggit ko ng mga salitang ‘traydor at ahas na kaibigan.’

 

ITUTULOY. . .

 

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21