CHAPTER TWO
KARIN sighed heavily. Mabibigat ang mga paang pumasok siya sa Rose Quartz Café. Katatapos lang ng huling klase niya kaya doon siya dumeretso katulad ng nakagawaian, magpapalipas muna siya ng oras bago umuwi.
“Anong meron at nakasimangot ka na naman? Mukha ka nang mangkukulam sa hitsura mo.” salubong sa kanya ng pinsang si Ate Cyrille. Ito ang may-ari ng coffee shop na iyon na malapit lang sa unibersidad na pinapasukan niya.
“Madami lang school works. Dumagdag pa iyong short stories na kailangan sa magazine.” sagot niya. Agad siyang dumeretso sa isang parte ng lugar kung saan may apat na pinto. Special rooms ang mga iyon para sa mga guest na gusto ng privacy. Pumasok siya sa pinaka-dulong pinto habang nakasunod pa din sa kanya ang pinsan.
“May gusto ka bang kainin para ipapaluto ko na? Ako na gagawa ng drink mo at dadalhan muna kita ng favorite cake mo para gumanda ng kaunti iyang mood mo.”
“Pork chop, please. Pakisabi kay Kuya Mike, pakidamihan ng gravy, pati kanin lagyan.” Ibinagsak niya ang sarili sa mahabang sofa at inilapag ang mga gamit sa baba niyon. “Puwede ba muna akong umidlip, ate? Thirty minutes lang bago ako kakain. Ako na lang ang kukuha sa kitchen ng pagkain, paggising ko.”
Lumapit ito sa kanya at ipinatong ang palad sa tuktok ng ulo niya. “Sige na, magpahinga ka na muna. Puntahan mo na lang ako paggising mo.” Her cousin sighed. “Hinay-hinay lang sa mga ginagawa at puwede naman magpahinga.” bilin pa nito.
Tumango lang siya. Tinanggal niya ang salamin sa mata at inilapag sa mesa bago nahiga. Kinuha niya ang cellphone sa bulsa at agad na nagpatugtog. Nilagay pa niya sa maximum ang volume bago inilapag sa mesa. “Pakipatay na lang iyong ilaw, ate at paki-lock iyong pinto. Thank you.” nakapikit na bilin niya dito.
“Okay. Kuhanan muna kita ng unan sa office para may magamit ka.” Hindi na siya sumagot at hinayaan na lang ang pinsan. Hindi na din siya sinisita nito sa lakas ng pagpapatugtog niya dahil isa iyon sa ipinagpaalam niya dito mula nang unang beses siyang tumambay doon. Kapag nandoon siya ay ganoon ang ginagawa niya, sound proof naman ang silid kaya siguradong walang makakarinig sa ingay niya.
She badly needs a breather. Pakiramdam niya ay burned out na siya sa lahat ng school at club works na natambak sa kanya. Palagi niyang sinasabi sa sarili na ayaw lang niyang natatambakan ng gawain at magka-cram kung kailan malapit na ang pasahan pero ang totoo, ayaw lang talaga niyang nauubusan ng gagawin.
Hindi pa nakakatulong ang mga magulang dahil kapag umuuwi siya at bago umalis sa umaga, walang pinalalagpas na pagkakataon ang mga ito na sirain ang mood niya. Kung hindi siya babalewalain ng mga ito at ituturing na parang hangin, kung ano-anong nonsense ang ililitanya ng mga ito sa kanya.
Well, typical rich Asian parents. Pero sa kaso niya, hindi marunong magbigay ng pagmamahal ang mga magulang. Pinalaki siya ng mga ito sa katotohanang pinakasalan lang ng mga ito ang isa’t-isa para sa business merging. Na walang pagmamahal na nararamdaman ang mga ito sa isa’t-isa maliban sa pagkakaibigan. Palaging itinatatak ng mga ito sa isip niya na dapat ay palaging utak ang pinapagana niya, na walang mangyayari kapag puso ang kanyang pinairal.
Kaya naman mula pagkabata hanggang sa lumaki siya ay wala siyang masasabing kaibigan. Ang Ate Cyrille lang niya ang masasabi niyang tao na siyang nakakaalam ng lahat ng nararamdaman niya. Pinsan niya ito sa side ng mommy niya.
Well, may isa naman siyang matatawag na kaibigan. Nagkalamat nga lang iyon nang bigla itong umamin ng nararamdaman para sa kanya na hindi niya magawang suklian. Pinagkakatiwalaan niya ito bilang isang kaibigan pero alam niya sa sarili na lalo lang itong masasaktan kapag pinaasa niya ito. As much as possible, she wants to be honest to him. Iyon man lang ang maging kapalit ng tapang nitong magtapat sa kanya. He just deserves more. He deserve someone else. And that is not me.
“I’M SURE, mapapaganda ni Ate Cyrille iyang araw mo. Isang Toffee Nut Latte lang at slice ng choco mint cake, mapapangiti ka na.”
Tiningnan ng masama ni Santi si Marco bago pumasok sa loob ng Rose Quartz. Sinamahan siya nito at ni Jeremy para mag-relax bago sila umuwi. Katatapos lang kasi ng meeting nila kay Ms. Colette at dahil nagpasyang umuwi na ang mga kaibigan nila kaya ang mga ito lang ang kasama niya.
“May mga poging napadpad dito. Kaya lang iyong isa, bigla yatang pumangit.” bungad sa kanila ni Ate Cyrille, ang may-ari ng store na iyon.
Very hands on ito sa Rose Quartz, kulang na nga lang ay doon na ito tumira. Mas matanda lang naman ito sa kanya ng tatlong taon pero masyadong career-oriented. Kaya siguro hanggang ngayon ay single pa din ang babae. Pero tuwing tinatanong naman nila, nginingitian lang sila nito at ginugulo ang mga buhok nila.
“Ate, bad mood iyang si Santi kaya nagyayang pumunta dito. Si Kuya Peter kasi, hindi siya sinama sa Batangas.” parang batang pagku-kuwento ni Jeremy dito.
“At bakit naman? Ano bang gagawin ng kuya mo sa Batangas?” curious na tanong naman ng babae.
“Manonood ng motor race.” hindi pa din maipinta ang mukhang sagot niya. “Hindi kasi pumayag si mommy kaya hindi niya ako sinama. Nami-miss ko na kayang mag-motor.” masyadong mahigpit ang mga ito sa kanya hanggang sa puntong hindi na niya magawang tumakas. Ipinatago kasi ng mga magulang ang kanyang motor sa bahay nina Marco.
Ate Cyrille chuckled. “Over-protective talaga ang family mo sa’yo, Santi.” umiling-iling pa ito. “Ganyan talaga kapag mahal ka ng mga magulang mo, iniingatan ka at ayaw kang nasasaktan.”
“Bakit naman ako masasaktan kung manonood lang ako?” Anong konek?
“Hindi ko din alam.” nakangising sagot nito. Nagpunta na ito sa counter at nag-punch sa cash register. “Pumasok na kayo sa kuwarto at ipapahatid ko na lang ang mga order n’yo.” hindi tumitinging utos nito sa kanila.
“May tao sa dulong kuwarto, ate?” tanong ni Marco.
Tumango ang babae. “Nandoon iyong pinsan ko, natutulog. Doon na lang ulit kayo sa katabing kuwarto.”
“Pinsan mo na naman? Ang tagal na naming naaabutan dito iyong pinsan mo pero kahit isang beses, hindi pa namin nakikilala. Babae ba iyan o lalaki?” tanong ni Jeremy. Humalukipkip pa ito.
Inabot niya ang pera nang makita kung magkano ang bill nila, walang pakialam sa pinagu-usapan ng mga ito. Gusto lang niyang magpalipas ng oras bago umuwi ng bahay. Hindi niya ugaling magpakitang bad trip sa mga magulang dahil iisipin ng mga itong talo na naman siya. Gustong-gusto kasi ng mga ito na nakikita niyang naiinis sa panga-asar at paghihigpit ng mga ito.
Hindi naman panga-asar iyong ginagawa nila ngayon. Pamimikon.
“Babae. Palagi kasi siyang tulog at kapag gumigising naman, wala na kayo kaya hindi n’yo naaabutan. Huwag kayong mag-alala, kapag nandito pa kayo at nagising agad, ipapakilala ko kayo.” kinindatan pa sila nito at nginitian bago inabot ang resibo nila.
Nagpasya na silang pumunta sa kuwartong o-okupahin nila nang makita niyang bumukas ang pinto ng dulong silid at isang pupungas-pungas na babaeng may magulong buhok at nakasuot ng salamin ang sumilip. “Ate Cy, paki-pahatid na iyong pagkain. Okay lang?” inaantok na tanong nito kay Ate Cyrille na agad lumabas ng counter at lumapit dito.
“Karin, mag-ayos ka nga muna bago ka lumabas. Ipapadala ko na kay Mike iyong pagkain mo.” iiling-iling na sagot naman ng nakatatandang babae. Binalingan sila nito. “This is my cousin, Karin. Kaya lang, wrong timing at kagigising lang niya. Mamaya ko na lang siya ipapakilala ng maayos sa inyo.”
Karin? Tumango lang ang mga kaibigan niya bago nagpatuloy sa paglalakad papunta sa silid na o-okupahin nila. Hindi maalis ang tingin niya sa babaeng bagong gising na muli nang pumasok sa silid na ino-okupa nito, hindi man lang sila tinapunan ng tingin.
“Santi, tara na dito.” tawag sa kanya ni Marco.
Umiling-iling siya bago sumunod sa mga ito. Hindi naman siguro, baka kapangalan lang. Imposible.
NAG-UNAT si Santi at nang tumingin siya sa paligid ay parehong tulog ang dalawang kasama niya. Nailing na lang siya bago tumayo at ginalaw-galaw ang magkabilang braso. Kinuha niya ang cellphone niya at nagkalikot doon. Lalabas muna siya at pupunta sa library area, baka may magustuhan siyang bagong babasahin.
Naglaro lang naman sila ng mobile games habang nilalantakan ang mga in-order nilang pagkain. Mabuti na lang at sound proof ang silid kaya walang makakarinig ng ingay lalo na ang mga pagmumura nila. Effective talagang pampawala ng stress ang pagpunta sa Rose Quartz, nawawala ang mga negative vibes na naiipon sa sistema niya.
Nadaanan niyang abala si Ate Cyrille sa counter kaya hindi na niya ito inistorbo, dumeretso na lang siya sa library na malapit sa entrada ng shop. Kaunti lang ang pumupunta at tumatambay doon, ang madalas puntahan ng mga customers ng Rose Quartz ay ang Karaoke rooms na matatagpuan sa ikalawang palapag, katabi ang isang malaking function hall na pinare-rentahan kapag may malalaking okasyon. Iyon ang kagandahan ng coffee shop na iyon, may lugar kung saan tahimik ang paligid at mayroon ding lugar kung saan puwedeng mag-ingay ang kahit na sino.
Napangiti si Santi nang maamoy ang pamilyar na amoy ng mga libro pagbukas pa lang niya ng sliding door. Karamihan ng mga nandoon ay mga non-fiction books. Paranormal, Horror, Romance, Sci-Fi, at iba pa. Ang iba ay rare books at first press pa kaya para sa mga katulad niyang lowkey reader, isang paraiso ang lugar na iyon.
Pumunta siya sa Paranormal books section at nagsimulang tumingin-tingin nang makarinig siya ng mahinang ingay mula sa dulong bahagi ng silid. Hindi naman iyon nakakatakot, nagha-hum lang ng isang kantang pamilyar sa kanya.
Kunot-noong naglakad siya sa pinanggagalingan niyon at nakita niya si Karin, ang pinsan ni Ate Cyrille. Nakayuko ito sa kung ano man ang ginagawa nito. Magulo pa din ang buhok nito pero hindi na kasing-gulo kaninang unang beses niyang nakita ito. Ano ang ginagawa nito doon nang mag-isa?
Mukhang naramdaman nito ang presensiya niya dahil bigla itong nagtaas ng ulo at deretsong tumingin sa mga mata niya. Napakunot-noo ito bago dahan-dahang inalis ang earphones sa magkabilang tainga. Inayos pa nito ang salamin sa mata bago nagsalita.
“Yes?”
Napakurap-kurap siya. Her voice sounds… sweet yet strong. Iyon bang malambing na may kakaibang angst. Anong pinagsasasabi mo? “Ah, nagtaka lang ako dahil may nagha-hum. Akala ko kasi walang tao. Sorry,” tatalikod na sana siya at aalis pero bago pa niya magawa iyon ay nauna nang gumalaw ang bibig niya. “I’m Santi, a regular customer of Ate Cyrille.” pagpapakilala niya sa sarili. Kung bakit niya ginawa iyon, hindi din niya alam.
Tumaas ang isang kilay nito at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Hindi naman iyon ang unang beses na may gumawa ng ganoon sa kanya at kung sa ibang pagkakataon ay nakakaramdam siya ng pagka-insulto, ngayon ay hindi. Pagkailang ang naramdaman niya, pero syempre, hindi niya iyon ipinahalata.
Nang muli itong tumingin sa mga mata niya ay nakaramdam siya ng kakaibang kilabot sa may bandang batok. Ano ba kasi iyon, Santino? Nae-engkanto ka ba? “Okay.” Iyon lang at muli na nitong isinuot ang earphones at bumalik sa ginagawa nito.
Muli siyang napakurap-kurap bago iiling-iling na naglakad palayo. Isn’t she rude? Nagpakilala siya tapos isang ‘okay’ lang ang isinagot nito? Hindi ba dapat, sinuklian nito ang pagpapakilala niya?
Pero binalewala na lang niya ang mga tanong sa isip at bumalik sa paghahanap ng librong puwede niyang basahin. Ang kaso, hindi na siya makapag-focus. Naririnig na naman kasi niya ang pagha-hum nito. Frustrated na lumabas na lang siya ng library at naglakad pabalik sa silid na ino-okupa nilang magkakaibigan.
“Santi, saan ka galing?” tanong ni Ate Cyrille na nakasilip mula sa counter.
“Sa library lang po, ate. Pabalik na po ako kina Marco.” sagot niya at binigyan pa ito ng matipid na ngiti.
“Nakita mo si Karin? Nandoon din siya.” patuloy na tanong na nito.
Tango lang ang isinagot niya, hindi inaalis ang ngiti bago nagpaalam na pupuntahan na niya ang mga kaibigan. Pagpasok niya sa loob ay abala na sa kanya-kanyang cellphone ang dalawa.
“Saan ka galing?” tanong ni Jeremy.
“Sa library, hihiram sana ako ng libro.” sagot niya at pabagsak na umupo sa tabi nito.
“Bakit humahaba iyang nguso mo?” tanong sa kanya ni Marco.
He glared at his friend. “Anong sinasabi mo?” defensive na balik-tanong niya.
“Humahaba iyang nguso mo, ano na naman problema mo?” pangungulit pa din nito.
“Wala.” tumingin siya sa relo at nang makitang alas-sais na ay niyaya na niyang umuwi ang mga ito. “May gagawin pa ko sa bahay, uwi na tayo.”
“Sus, bakit ayaw mong sagutin iyong tanong ko?”
Halatang nanga-asar na lang si Marco kaya muli niya itong tiningnan ng masama.
“Tama na iyan, magkapikunan pa kayo. Umuwi na tayo at nang makapag-pahinga na tayo pare-pareho.” awat ni Jeremy sa kanila. Magkakasabay na silang lumabas ng silid at nagpaalam kay Ate Cyrille. Tamang-tama namang nandoon ang pinsan nito.
“Tamang-tama, nandito na si Karin. Ipapakilala ko na kayo sa kanya.” anito sa kanila. Inakbayan nito ang pinsan at nakangiting nagpatuloy. “This is my only cousin sa side ng daddy ko. She’s half Japanese at naga-aral siya sa SVC.” Hinarap naman nito ang babae. “Karin, these are my gorgeous babies: Santi, Jeremy, and Marco. Kulang sila kaya hindi mo makikilala iyong ibang guwapo. Sa HIU naman sila naga-aral.”
“Nice to meet you, Karin.” ani Marco.
Nakatingin lang siya sa babae habang iniisip ang sinabi ni Ate Cyrille. Sa SVC ito naga-aral?
“Thank you sa pagpapayaman sa pinsan kong mukhang pera. Sana, huwag kayong magsawa.” nakangiting anito sa kanila. Or rather, sa mga kaibigan niya. Hindi naman kasi siya nito tinitingnan.
Bakit ganoon iyong ngiti niya? tanong niya sa isip. Parang may kakaiba sa ngiti nito, hindi lang niya alam kung ano.
“Hoy, anong sinasabi mo? Hindi ako mukhang pera, matalino lang talaga ako.” pagtatanggol ni Ate Cyrille sa sarili habang ginugulo ang buhok ni Karin. Muli silang hinarap nito. “Puwede n’yo bang ampunin ‘tong pinsan ko? Wala kasing kaibigan, baka sakaling bumango ng kaunti ang bunganga kapag sumama at maging close siya sa ibang kaedad niya. Masyadong straightforward.” May himig pagmamakaawa at pagbibirong wika ng nakatatandang babae.
“Oo naman, ate. Ikaw pa? Malakas ka sa’min kaya willing kaming turuan ng kalokohan iyang pinsan mo.” naaaliw namang sagot ni Jeremy.
Hindi makasabay si Santi sa pagbibiruan ng mga ito dahil ang nasa isip lang niya ay ang kagustuhan niyang umuwi. Gusto niyang makausap si Mavis at nang malaman niya kung tama ba ang realisasyong pumapasok sa isip niya. Ayaw niyang mag-conclude habang wala siyang ebidensiya.
“Sige na nga, lumayas na kayo at nang hindi kayo gabihin. Uuwi na din naman ‘tong si Karin, mayamaya.” pagtataboy na sa kanila ni Ate Cyrille.
“Gusto mo, ihatid na namin siya? Saan ba siya nakatira?” prisinta ni Marco. Sasakyan kasi nito ang gamit nila kaya malakas ang loob nitong mag-prisinta.
“It’s okay, kaya kong umuwi mag-isa. Mag-book na lang ako ng grab. Thank you for the offer, though.” nakangiting tanggi ng babae.
There’s really something about that smile as well as the tone in her voice…
Mayamaya ay nagpaalam na din sila at sabay-sabay nang umalis ng shop. Agad niyang tinext ni Mavis nang makapasok sa sasakyan, sinabi niyang pupuntahan niya ito sa bahay at may kailangan siyang itanong dito. Hindi siya makakatulog kapag hindi niya nalaman kung ang Karin na pinsan ni Ate Cyrille at ang babaeng gusto ng kapatid niya ay iisa.
And if yes, what will you do? tanong ng isang bahagi ng isip niya.
If yes, then… I don’t know. Ano nga ba ang gagawin niya?
2 thoughts on “Semicolon 1: Playing with Cupid”
I love Hiro❤