CHAPTER ONE
“HOY, SANTINO! Nasa earth ka pa ba?”
Binalingan ni Santi ang mga kaibigan na pare-parehong may pagtataka sa mga mukha habang nakatingin sa kanya. “Ano iyon?” disoriented na tanong niya sa mga ito.
Kasalukuyan siyang nasa headquarters ng Snapshoot Photography Organization, ang organisasyong kinabibilangan niya sa unibersidad kung saan siya pumapasok.
Napailing si Marco na siyang nakaupo sa tabi niya. “Kanina pa kami nagtatanong kung anong opinyon mo sa suggestions namin para sa school fair. Tango ka lang ng tango kaya akala namin nakikinig ka talaga.” umiiling na wika nito.
“Okay ka lang ba? Pino-problema mo pa din si Kuya Peter?” tanong ni Jeremy na siyang nakaupo sa tapat niya. Ang kapatid niya ang tinutukoy nito.
His friends in the organization are not just friends. They are his extended family. Mga bata pa lang sila ay magkakasama na silang labing-tatlo kaya naman pinilit nilang hanggang sa kolehiyo ay magkakasama pa din sila.
Ang Snapshoot ay proposal nina Marco at Chester sa Hendrix International University, mabuti na nga lang at pumayag ang dean nilang si Mr. James Hendrix. Ipinaubaya sila nito sa asawa nitong si Ms. Colette, isang Psychology professor sa unibersidad ding iyon. Mula unang taon nila sa kolehiyo ay pinatunayan nilang hindi nagkamali si Mr. Hendrix sa pag-apruba na itatag ang organisasyon nila. Ipinakita nila dito ang chemistry na mayroon sila, maging kung gaano ka-solido ang team work nila, sa tulong na din ni Ms. Colette kaya unti-unti ay nakilala sila sa HIU at higit sa lahat, na-acknowledge ni Mr. Hendrix ang talent nilang magkakaibigan.
At ngayong nasa ika-apat na taon na siya at mas nagiging abala academically, ipinauubaya na niya sa mga nakababata ang karamihan sa mga kailangang gawin, taga-pakinig na lang siya at taga-approve sa gusto ng mga ito. Nagbibigay pa din naman siya ng mga suggestions pero kadalasan, ipinauubaya na niya kina Chester, Marco, at Xian iyon dahil ang mga ito ang talagang may alam sa pagkuha ng litrato maging sa page-edit at mga pakulong puwede nilang gawin sa organisasyon nila.
“Hoy, ano na? Hindi mo na sinagot iyong tanong ko.”
Napaigtad si Santi nang hampasin ni Jeremy ang mesa para makuha marahil ang atensiyon niya. Tiningnan niya ito ng masama na sinuklian lang nito ng nanga-asar na ngiti.
“Ano ba kasi ang problema ni Kuya Peter? Babae ba?” curious na tanong ni Hiro. “Kung babae lang naman din iyan, tinatanong dapat natin iyong mga may love life.” pagkatapos ay nakangising binalingan nito sina Joshua at Chester na tahimik lang habang nakikinig sa kanila.
Hanggang sa maaari ay ayaw sabihin ni Santi sa mga kaibigan ang problema ng kapatid niya. Kahit na ba malapit silang lahat sa isa’t-isa maging ang kanilang mga pamilya, hindi pa din magandang manggaling sa kanya ang impormasyong iyon. Kaya siya nananahimik. Sapat nang alam ng mga ito na may problema ang kuya niya.
Ilang araw na mula nang malaman niya ang problema ng kapatid pero hanggang ngayon ay wala pa din siyang kahit na anong impormasyong nakukuha dito tungkol sa babaeng gusto nito. Mas lalo tuloy siyang na-curious, masyado naman yatang malihim ang Kuya niya na hindi naman nito ginagawa pagdating sa kanya. Nakaka-stress na nakaka-frustrate kaya iyong ganoong feeling. Lalo na at malapit talaga silang magkapatid, hanggang sa puntong walang lihim na nakakalagpas sa bawat isa.
Mahinang hampas ang nakuha nito mula kay Xian na nasa tabi nito. “Ikaw, tuwing ibubuka mo iyang bibig mo, hindi puwedeng walang panga-asar na lalabas.” sita nito sa kaibigan nila.
“Bakit ba? Nagsa-suggest lang naman ako. Anong panga-asar do’n?” pagtatanggol nito sa sarili at inosenteng bumaling sa kanya.
Napangiti siya at napailing-iling. “Nothing. ‘Wag n’yo na kong pansinin. Paki-explain na lang ulit iyong proposals n’yo para matapos na tayo.” binalingan niya si Vincent. “Sabay ako umuwi sa’yo ha? Bawal gamitin iyong motor ngayon.”
“Bakit? Pinagalitan ka na naman ng mommy mo? Sumemplang ka na naman?” sunod-sunod na tanong ni Henry.
“Sana nanahimik ka na lang.” sagot naman niya pagkatapos at inirapan ang kaibigan. Hinarap na niya si Marco at naging abala na sila sa mga kailangang gawin para sa school fair sa susunod na buwan.
Totoong pinagalitan siya ng mommy niya at pinagbawalang gumamit ng motor pero hindi siya sumemplang. Muntik lang. Hindi kasi niya napansin ang patawid na tuta sa dinadaanan niya. Mabuti na lang at mabilis ang reflexes niya kaya agad niya itong naiwasan. Napagalitan ka nga lang.
MAAGANG nagising si Santi nang araw na iyon dahil nagkasundo silang magkakaibigan na maglaro ng basketball sa gym na malapit sa barangay court. Doon sila pumupunta kapag kasama nila ang mga kapatid na babae ng grupo lalo na kapag inaatake ng kaartehan ang mga ito. Ayaw nang naiinitan ang mga prinsesa.
Sabado nang araw na iyon kaya naka-pahinga silang lahat. Mukhang wala namang may lakad sa mga ito dahil lahat ay pumayag nang magkayayaang maglaro ng basketball at kahit na madalang nang mangyari ngayon, kumpleto silang lahat. At kapag sinabi niyang kumpleto, ang ibig sabihin ay nandoon ang kanya-kayang mga kapatid ng bawat isa sa kanila.
“Hiro, umuwi ka muna. Kunin mo na iyong cookies para hindi na ako sasama sa’yo mamaya.” pasigaw na utos ni Mikko kay Hiro na abala sa pagbabasa ng libro.
Binati ni Santi ang mga kaibigan maging ang ibang tao nang makalapit siya sa mga ito. Napailing na lang siya nang makita ang nobya ni Chester na si Mavis. Hindi niya alam na pupunta pala ito doon.
“Santi, nasa’n si Kuya Peter?” bungad na tanong nito sa kanya. Nakahiga ito sa kandungan ng nakapikit na si Chester. “Sabi niya sa’kin, pupunta din siya dito.”
“Susunod na lang daw siya. Naligo pa, nag-jogging kasi kanina.” sagot niya. Malapit ito sa kapatid niya dahil sa village din nila nakatira ang dalaga at madalas nila itong nakakasama. Ang sabi ng kuya niya, Mavis is the sister they never had, for him. Isa pa, part-time coach si Kuya Peter ng volleyball team sa unibersidad na pinapasukan ni Mavis.
“Nagsalita na ba si Kuya tungkol sa problema niya?” pangu-usisa nito. Bumangon na ito at umayos ng upo.
Napakunot-noo siya nang maupo sa stool na nasa harap ng bench na inuupuan ng mga ito. “Problema ni Kuya? May alam ka?” curious na tanong niya.
“Wala nga, kaya kita tinatanong.” pairap na sagot nito. “Ilang araw ko na siyang kinukulit, hindi pa din nagsasalita. Hindi kasi ako sanay na tahimik siya ‘tsaka hindi pinapatulan mga pangungulit ko kaya naisip kong baka may problema siya. Ilang araw na din niya akong tinatanggihan kapag nagpapalibre ako ng pagkain na hindi naman niya ginagawa dati.” nagkibit-balikat pa ito. “Susubukan ko ulit mamaya, baka sakaling makakuha na ako ng chismis.”ngumisi pa ito pagkasabi niyon.
Ipinatong ni Chester ang palad sa ulo ng nobya at ginulo ang buhok nito habang nananatiling nakapikit. “Napaka-tsismosa mo talaga, kahit kailan. Patahimikin mo si Kuya Peter, baka itapon ka no’n sa Smokey Mountain kapag napikon sa’yo. And please lang, if you want anything, just tell me. Hindi mo kailangan manghingi sa iba.”
Sinimangutan lang ng dalaga ang nobyo nito na ikinailing-iling na lang si Santi pagkatapos ay binalingan niya ang ibang kaibigan. Abala sa kanya-kanyang ginagawa ang mga ito. May natutulog, naga-asaran, nagwa-warm up, nagsho-shooting, nakatunganga, nagbabasa ng libro, at nagku-kuwentuhan. Ganoon sila kagulo at kakalat kapag magkakasama at sanay na sa kanila ang mga tao sa village kung saan sila nakatira. Doon sila pinanganak at doon na din lumaki. Karamihan sa mga nakatira sa village nila ay kakilala nila, maging ang may-ari ng mismong village.
Pero sana nga, magsalita na si Kuya. Kahit kay Mavis na lang niya sabihin, makiki-tsismis na lang din ako. Hindi talaga siya matatahimik hangga’t hindi niya nakikilala ang babaeng nakakuha sa atensiyon ng kuya niya.
“DITO. Ipasa mo sa’kin, tanga.”
“Tang ina mo, Zach. Huwag kang gahaman sa bola, ipasa mo, gago.”
“Ayaw makinig ni tanga, tang ina talaga.”
Hinihingal na ibinagsak ni Santi ang sarili sa bench na malapit sa kanya nang ma-shoot ni Zach ang bola. Sumigaw pa ito at sumuntok-suntok sa ere pero hampas at batok lang ang inabot nito sa mga kakampi.
“Teka lang, pahinga muna tayo. Hindi na ko makahinga.” sigaw niya sa mga kaibigan habang habol pa din ang hininga. Itinukod niya ang mga kamay sa magkabilang gilid niya.
“Kapag sinabing ipasa mo iyong bola, ipasa mo. Ang tigas ng bungo mo.” pangaral ni Vincent kay Zach habang palapit ang mga ito sa kinaroroonan niya. Humiga siya sa bench at pumikit. Pakiramdam niya ay nabugbog ang katawan niya sa halos dalawang oras nilang paglalaro.
“Gusto ko nga kasing i-shoot iyong bola, anong masama do’n?” narinig niyang tanggol naman ni Zach sa sarili.
“Kung nasa totoong laro tayo, malamang nangulelat na tayo dahil sa’yo.” hindi papatalong hirit pa ni Mikko.
“Bakit ba inaaway n’yo si Zach? Nabugbog na, na-sermunan pa. Kayo kaya saktan ko, gusto n’yo?” pananakot na ni Jeremy sa mga ito.
Lihim na napangiti si Santi habang nakikinig sa mga kaibigan. Normal na sa kanila ang mag-usap ng ganoon: walang kuwenta, laging naga-away, naga-asaran, naglalaitan, naglalambingan, nagmumurahan at kung ano-ano pa. Lahat ng nakakakilala sa kanila ay hindi na sila pinapansin sa tuwing maingay ang grupo nila. That’s just the way they are.
“As usual, kakampihan ba tayo ni Jeremy? Lagi naman si Zach ang pinagtatanggol niyan.” pagod na komento ni Henry. Naramdaman na niya ang presensiya ng mga ito malapit sa kanya kaya malamang, pinalilibutan na siya ng mga iyon.
“Anong plano n’yo ngayon? Punta tayo sa mall.” mayamaya ay yaya ni Hiro sa kanila.
“Magpahinga naman tayo, parang awa mo na. Ilang araw na tayong busy dahil sa dami ng school works at club works. Sa susunod na lang tayo lumabas.” nagrereklamong wika ni Geoff.
“Hindi ka ba napapagod? Doon ka na lang sa bahay, laro tayong video games.” sagot naman ni Xian. Ito at si Hiro ang pinaka-malapit sa isa’t-isa at halos hindi mapag-hiwalay.
Dumilat siya at bumaling sa mga ito. “Sama ako, wala naman akong gagawin ngayon. Bukas pa uuwi sila mommy kaya kami lang ni Kuya ang nasa bahay.” aniya kay Xian.
“O, ayan. Doon na tayo kina Xian, walang magre-reklamo. Mabuti na lang talaga, malaki bahay nitong kaibigan natin, kasya tayong lahat.” nakangising ani Joshua.
“Ang alam ko, si Hiro lang niyaya ko. Tapos biglang sasama kayong lahat? Kung ipakalmot ko kaya kayo kay Boogie?” ang pusa nito ang tinutukoy nito.
“Walang favoritism dito, kapag sinama mo si Hiro, dapat kasama din kami.” balewalang sagot ni Henry. “At puwede ba, ilayo-layo mo sa’min ng kaunti iyang pusa mong pagkapangit-pangit.
“Pa’no iyan? Kamukha mo si Boogie, ibig sabihin ba, pangit ka din?” ganti ni Xian dahilan para matawa silang lahat. Minsan lang bumanat ang lalaki, pero nakakapikon ito madalas. O nakakatawa.
“Pero sasama muna ako kay Hiro sa bahay nila, kukunin ko iyong cookies na gawa ni Mommy Gwen. Baka kalimutan na naman nitong singkit na ‘to kapag hindi ko kinuha.” pagi-iba nito sa usapan bago pabirong hinampas pa nito sa braso si Hiro. Mahilig kasi ang mommy ni Hiro na gawan sila ng kung ano-anong pastries.
“Puwede akong sumama?” singit ni Mavis na sumiksik sa tabi ng pawisang nobyo.
“Hindi, all boys lang. Pinapayagan na naming mag-absent si Chester ngayon. Hilahin mo na lang iyan sa inyo o kaya doon kayo sa kanila para walang masakit sa mata.” agad na tanggi ni Jeremy.
“’Pre, kapag inggit, pikit. Madali lang naman gawin iyon.” pangi-inis naman ni Chester dito at inakbayan si Mavis.
Hinarap naman siya ng dalaga at pumalatak. “Napaamin ko pa naman na si Kuya Peter sa problema niya. Ayaw n’yo bang malaman?” pumalatak pa ito at eksaheradong bumuntong-hininga. “Sayang naman, ayaw n’yo akong isama. Okay lang din naman, sa bahay na lang kami ni Chester at sa kanya na lang ako magku-kuwento.”
Agad bumangon si Santi at itinuon ang buong atensiyon kay Mavis. “Anong sabi ni Kuya? Hindi na pala ako sasama sa kanila, doon na lang tayo sa Bitter Sweet. Ililibre kita.” hinarap niya si Chester na nakatingin na sa kanya. “Sa’kin muna si Mavis ngayon, ibabalik ko din mamaya. Magu-usap lang kami.” sunod naman niyang hinarap si Xian. “Susunod ako sa bahay n’yo pagkatapos naming mag-usap, promise.”
“Okay lang, Santi. Sige na, hiramin mo na. Hindi naman ako tatanggi.” agad na pagpayag ni Chester, puno ng pagkaaliw ang buong mukha. Binalingan nito ang nobya. “Doon muna ko kina Xian, doon na kita hihintayin.”
“Ikaw lang? Hindi mo sasabihin sa’min?” kunot-noong tanong ni Jeremy dahilan para balingan niya ito.
“Pagi-isipan ko muna kung sasabihin ko sa inyo. Ako na lang muna ang makikinig kay Mavis ngayon.” tumayo na siya at muling hinarap ang dalaga. “Uuwi muna ako, maliligo at magpapalit lang ako. Babalikan kita dito.” Hindi na siya nagpaalam sa mga kaibigan maging sa kapatid na abala sa pakikipag-usap sa nakatatandang kapatid ni Xian at basta na lang naglakad palayo sa mga ito. Ni hindi na siya bumaling sa ibang mga kasama nila doon dahil ang isip niya ay nasa mga sasabihin na ni Mavis.
Tawagin na siyang over acting pero pagdating sa mga taong mahahalaga sa kanya, ganoon talaga siya mag-react. Kahit hindi naman dapat niya pinakikialaman, isinasali niya ang kanyang sarili. Normal na din iyon sa kanya at alam iyon ng mga kaibigan niya.
Kaya dapat, malaman ko lahat ng mga sinabi ni Kuya kay Mavis.
“MAY IBA ka pa bang gusto? Sabihin mo lang, order pa tayo.”
“Hoy, Santino! Ano naman ang akala mo sa’kin, patay gutom?” pinasadahan ng tingin ni Mavis ang mga pagkaing nasa harap nila. “Ang dami nitong in-order mo tapos gusto mong ako lang ang kumain? Nababaliw ka na ba?” umiling-iling pa ito bago kinuha ang smoothies na in-order niya para dito. “Mahal ko pa ang buhay ko at ayokong magka-diabetes.”
“Ano na ang mga sinabi sa’yo ni Kuya? Sabihin mo sa’kin lahat, okay? Gusto ko talagang malaman.” Inilapit pa niya ang upuan sa puwesto nito para marinig niya ang bawat sasabihin nito.
Huminga ito ng malalim at patuloy na sumimsim sa inumin nito habang nakatingin sa kanya. Pasensyoso siyang naghintay sa kung ano man ang mga sasabihin nito. Makulit at pasaway si Mavis pero alam naman nito kung paano makipag-usap ng maayos at makaintindi sa mga tao sa paligid nito.
Mayamaya ay ibinaba na nito sa mesa ang inumin at nakansandal na humalukipkip. “School mate ko pala iyong babaeng dahilan kung bakit siya malungkot.” panimula nito.
Sa SVC o Saint Vincent College naga-aral si Mavis. Malapit lang iyon sa HIU kaya madalas nila itong nakakasama kapag lumalabas silang magkakaibigan pagkatapos ng klase.
“Karin ang pangalan niya, creative writing ang course niya, third year. Actually, hindi ko siya kilala personally pero ang alam ko, outcast iyon. Kaya nga no’ng sinabi sa’kin ni Kuya Peter iyong pangalan niya, nagulat ako. Hindi ko alam kung paano sila nagkakilala at naging close kasi nga, walang kaibigan si Karin sa school.” nagkibit-balikat ito. “Iyon ang pagkakaalam ko. Ang sabi ni Kuya, nagkamali siya ng interpretation sa mga kilos ni Karin. Ang akala niya, gusto siya pero hindi naman pala. Kaibigan lang daw ang tingin sa kanya.”
“So, brokenhearted talaga si Kuya?” singit niya.
“Hindi daw. Iyon ang sabi niya.” sagot naman nito. “Disappointed lang daw dahil hindi pala sila pareho ng nararamdaman ni Karin. Gusto daw pala kasi niya dahil nga mabait, selfless at maganda. Hindi lang daw iyon nakikita ng iba pero mabuting tao daw talaga si Karin.”
Tumango-tango naman siya. Pinakinggan niya ang bawat salitang lumalabas sa bibig ni Mavis tungkol sa Karin na iyon. At habang tumatagal, mas tumitindi ang pagnanais niyang makilala ito ng personal. Isang parte niya ang hindi kuntento sa mga nalaman kay Mavis, parang gusto niya itong makita at makilala para siya mismo ang maka-alam kung worth it ba ito sa atensiyong ibinigay dito ng kapatid niya.Curiousity kills the cat. Iyan ang tandaan mo. Baka hindi mo alam kung ano ang pinapasok mo.
2 thoughts on “Semicolon 1: Playing with Cupid”
I love Hiro❤