Download Story.

close

Semicolon 1: Playing with Cupid

Written By: Ian       |       Story Status: In-Progress
Posted By:
Ian

CHAPTER EIGHT

“HOW ARE YOU?”

            Binalingan ni Karin si Kuya Peter. Nakaupo ito sa tabi niya habang nakaharap sa kanya. Dinala siya nito sa pinakataas na bahagi ng indoor court para makapag-usap sila ng maayos. Pinagsabihan pa nito ang mga nakababata na bawal silang istorbohin.

Hindi niya inaasahan na makikita ito kanina kaya hindi agad siya nakakilos at nanatili lang sa inuupuan niya. Kung hindi pa nga siya hinawakan ni Santi sa braso para hilahin patayo ay hindi pa siya titinag.

            Si Santi din ang nagsabi sa kanya kung ano ang relasyon nito kay Kuya Peter. Noong una nga ay hindi niya ma-proseso ang sinasabi nito pero habang tinitingnan niya ang binata na abala na sa pagsasayaw kasama ang mga kaibigan nito ngayon, nakikita na niya ang pagkakahawig ng dalawa.

            May mga tanong na pumapasok sa isip niya pero ayaw naman niyang kay Kuya Peter itanong iyon. Pagkatapos nilang mag-usap, puwedeng si Santi naman ang kausapin niya. Hindi din kasi niya sigurado kung ano ang nararamdaman nang mga sandaling iyon.

            “I’m okay, I guess. Thanks to them.” sagot niyang inginuso ang mga lalaking masayang nagsasayaw sa baba. Napansin niyang pasimpleng bumaling si Santi sa kinaroroonan nila ng kapatid nito pero kunwari, hindi niya iyon nakita. Mamaya na lang sila magu-usap, iyong silang dalawa lang.

            “Do you consider them, your friends?” patuloy na pagtatanong nito.

            Muli niya itong hinarap bago tumango. “They’ve been so patient with me, kuya. Especially, Santi. Araw-araw siyang halos nagpupunta sa store ni Ate Cy para samahan ako, kausapin ako, at kulitin ako.” She chuckled when she suddenly remembered every little thing that Santi did for her. “Actually, hindi ko alam kung bakit hindi ako naiinis sa kanila kahit na maingay at makulit sila. I felt safe and energized kapag nakikita ko sila. Alam mo naman na hindi ako basta nagwa-warm up sa mga kakilala ko, lalo na kapag bago pa lang. Pero sa kanila, parang ang bilis-bilis lang gawin iyon. Parang ang dali lang.”

            “Because you like them. And I think, based on your answer, kaibigan nga ang turing mo sa kanila kahit hindi mo deretsahang sinabi iyon.” komento nito. May masuyong ngiting nakapaskil sa mukha nito nang sabihin iyon. “You’re comfortable with them kaya mabilis kang nakapag-adjust sa kanila. I honestly don’t know kung paano nangyari iyon pero, feeling ko, iyon talaga ang nangyari.” bahagya itong natawa at nagkamot ng ulo. “Pasensya ka na, magulo yata iyong sinabi ko.”

            Sa pagkakataong iyon ay napangiti na din siya. Noon pa man, hindi mahirap para kay Kuya Peter na pangitiin siya. Mayroong kakaibang charm ang nakatatandang lalaki na kahit siguro bato ay lalambot ang puso kapag pinagtuunan nito ng pansin. She consider him as an older brother and a best friend kaya nalungkot siya nang magtapat ito sa kanya tungkol sa nararamdaman nito. Dahil alam niya sa sariling hindi niya kayang suklian iyon.

            “Ang totoo, ako ang nagsabi kay Santino na yayain kang pumunta dito dahil gusto kitang makausap.” mayamaya ay basag nito sa katahimikan.

            Muli siyang bumaling dito, kunot ang noo. “You can call me anytime, kuya. Puwede mo naman akong yayain kahit saan at alam mong sasama ako without thinking twice.”

            Huminga ito ng malalim. “Siguro, hindi pa totally bumabalik ang lakas ng loob ko na humarap sa’yo. Nagpatulong pa din ako kay Santi para madala ka dito.” umiling-iling ito. “Gusto ko kasing personal na humingi ng sorry sa pag-iwas ko sa’yo pagkatapos kong mag-confess. Sabihin na lang natin na, I got scared na iiwasan mo ako pagkatapos no’n kaya inunahan na kita. Isa pa,” nag-iwas ito ng tingin. “Medyo nasaktan ako na hindi pala pareho iyong nararamdaman natin.” nahihiyang pag-amin nito sa huling pangungusap.

            Sa isang banda, naintindihan niya ang mga sinasabi nito. Hindi madaling umamin pagdating sa nararamdaman mo, po-protektahan mo ang sarili maging ang puso mo para hindi iyon masaktan. Kaya din siguro hindi sumama ang loob niya nang bigla na lang itong umiwas sa kanya, nagtampo lang.

            “I understand kuya. Normal lang na unahin mong isipin ang sarili mong nararamdaman kaysa sa’kin.” nakakaunawang sagot niya. “I guess kailangan ko din humingi ng sorry dahil hindi ko masuklian ang nararamdaman mo para sa’kin. Alam mo naman na I don’t know anything about love pero sigurado ako na you are important to me. Ayoko na matapos lang iyong friendship na mayroon tayo dahil sa complications ng feelings natin para sa isa’t-isa.” mahabang paliwanag niya. “I don’t honestly know if I’m making any sense, pero do you get my point?”

            Sa pagkakataong iyon ay natawa na si Kuya Peter. Ginulo pa nito ang nakatali niyang buhok na ikinasimangot na lang niya pero sa huli, nahawa na siya sa pagtawa nito. Hindi siya naiinis dahil sanay na siya, ito lang kasi ang gumagawa ng ganoon sa kanya noon. Nang dahil sa ginawa nito, na-realize lang niyang na-miss niya ang presensiya ng lalaki sa buhay niya na mahigit isang buwan ding umiwas sa kanya.

            “Kaya natuwa ako nang sabihin sa’kin ni Santi na nakilala ka niya. Napaki-usapan ko siyang bantayan ka habang wala pa akong lakas ng loob na lapitan ka bilang isang kaibigan ulit.” malapad ang ngiting wika nito.

            Natigil siya sa pagtawa dahil sa sinabi nito. “Inutusan mo si Santi na bantayan ako?” kunot-noong ulit niya sa sinabi nito. Parang hindi yata maganda sa pandinig iyon.

            Nasagot na ba ang isa sa mga tanong mo?

HINDI MAPAKALI si Santi at patuloy ang pasimpleng pagsulyap sa kinaroonan nina Kuya Peter at Karin. Mahigit isang oras na din silang nagu-usap at hanggang ngayon ay hindi pa bumababa ang mga ito.

            “Hoy, bakit kanina ka pa tumitingin sa kanila?” tanong ni Hiro na binunggo pa siya sa balikat.

            “Selos ka, pre?” singit naman ni Marco.

            “Bakit kasi hindi mo sinabi sa’min na si Karin pala iyong babaeng problema ni Kuya Peter noon?” si Jeremy.

            “Gusto ko tuloy itanong sa’yo kung nilapitan mo lang siya dahil gusto mong kilalanin o talagang gusto mo siyang maging kaibigan o higit pa do’n.” naiiling na tanong naman ni Mikko.

            Naririnig niya ang tanong ng mga kaibigan pero hindi niya masagot ang mga ito. Mas gusto na lang niyang hilahin si Karin palayo sa kapatid niya, masyadong matagal nang magkasama ang mga ito.

            Bakit mo naman gagawin iyon? Magkaibigan sila, normal lang na mag-usap sila.

            Bakit kailangang sila lang dalawa?

            Matagal silang hindi nagkita, normal lang na mag-catch up sila sa nangyari sa isa’t-isa.

            Marahas ang buntong-hiningang pinakawalan niya. Ano ba kasi ang nangyayari sa kanya? Noong una, sa mga kaibigan niya. Ngayon naman, sa kapatid niya. Ano ba si Karin para sa kanya? Kaibigan lang naman, hindi ba? Na ipinakiusap ng kuya niya habang nagmo-move on ito sa dalaga.

            “Nasa ibang planeta ang isip ng lalaking iyan ngayon, hindi makakausap ng matino. Siguro, magpahinga na lang muna tayo at kanina pa din tayo gumagalaw.” ani Joshua. Nauna na itong maglakad sa kinaroroonan ng mga kapatid nila.

            “Oo nga, magpahinga na lang muna tayo. Masakit na ang katawan ko, may lakad pa ako mamaya.” segunda naman ni Zach na sumunod na kay Joshua.

            Namalayan na lang ni Santi na naiwan na siya kaya agad siyang sumunod sa mga kaibigan. Ngunit bago tuluyang mawala sa paningin niya sina Karin, nakita niyang tumayo na ang mga ito at nagsimulang bumaba.

            Finally, tapos na din sila.

            “Kailan ang photo shoot ng HID, Xian? Ikaw ang naka-assign sa kanila, hindi ba?” narinig niyang tanong ni Chester paglapit niya sa mga ito.

            “After ng examination week. Pinaparusahan yata sila ni Sir Tyler dahil mababa daw ang grades no’ng Prelims. Kailangan daw bumawi ngayong Midterms para payagan silang sumali ulit sa contests.”

            “Iyong mga iyon, bumababa ang grades? Hindi ba, halimaw din sa paga-aral iyong mga members nila?”

            “Hindi ko din alam. Iyon lang ang sinabi sa’kin ni Sir Tyler. Kaya ako ang pinaka-late na magpapasa ng mga shots para sa magazine ha? Sorry na agad, ngayon pa lang.”

            “Okay lang, ‘pre. May time naman ako after exam week para mag-edit ng mga shots mo. Ipasa mo na lang sa’kin.” ani Marco na tinanguan lang ni Xian.

            “Sino pa ba ang hindi nakakapag-pasa bukod kay Xian?” tanong niya sa mga ito.

            “Complete na, Santi. Nasa akin na lahat, si Xian na lang talaga ang wala. Kapapasa lang ni Chester at Hiro kagabi.” sagot ni Marco.

            Tumango-tango siya, at least nababawasan kahit paano ang mga ginagawa nila. Mabuti na lang talaga at mabilis mag-trabaho si Marco kaya hindi sila nale-late ng pasa sa school magazine.

            “Guys, tapos na kaming mag-usap ni Karin. Sorry, natagalan. Na-miss ko lang talaga ‘tong babaeng ‘to.” ani Kuya Peter. Bigla na lang itong sumulpot sa harap nila, akbay ang tahimik ngunit nakangiting si Karin.

            Sinubukan niyang kunin ang pansin ng dalaga pero hindi ito bumabaling sa kanya, naka-pokus ang atensiyon nito sa mga taong nakapaligid dito, maliban sa kanya.

            “Saan mo siya nakilala, kuya?” tanong ni Ate Nala.

            “School mate and batch mate siya ni Mavis. And the rest is history, ladies and gentlemen. Huwag na kayong magtanong at hindi kumportable si Karin na magkuwento.” nakangiti ngunit may pinalidad sa tinig ng kuya niya pagkasabi niyon. At kapag ganoon na ang kahit na sinong nakatatanda sa kanila, pinipili na lang nilang manahimik.

            “Well, welcome to the family, Karin.” bati nina Sophia at Raia sa dalaga. “We can’t wait to know you better.”

            “Pasensya ka na sa mga babaeng iyan, Karin. Mas malala kabaliwan nila kaysa sa’min. Huwag kang basta-basta sasama sa kanila, baka mahawa ka.” nanga-asar na wika ni Zach na agad nanahimik nang batukan ng nakababata nitong kapatid.

            “Huwag ka ding naniniwala dito kina Kuya. Hindi din sila matino.” sagot naman ni Raia.

            “Guys, stop it. Baka ma-culture shock na si Karin sa gulo natin. Hindi na iyan babalik dito kapag na-trauma.” saway ni Ate Peachy sa mga ito, seryoso na ang mukha.

            “Santi, may pupuntahan daw kayo ni Karin. Huwag kayong magpapagabi, okay? Ihatid mo siya sa kanila.” mayamaya ay baling at bilin sa kanya ng kapatid na ikinaigtad niya.

            Agad siyang tumingin dito bago bumaling sa dalaga na nakatingin na din pala sa kanya. “Gusto mo pa bang pumunta sa Bittersweet?” maingat na tanong niya.

            Isang tipid na ngiti ang ibinigay nito sa kanya at tumango. “Tingnan natin kung ano ang pinagkaiba niya sa Rose Quartz.”

            Nakangiti na ding tumango siya kahit na hayun na naman ang kabang naramdaman niya kanina. Is this where their friendship ends?

            Shit, bakit sumasakit iyong dibdib ko? Ganoon ba ako na-attach sa kanya, more than a month pa lang naman kaming magkakilala? Posible ba iyon?

            “O, hayaan na lang muna natin silang dalawa at nang makapag-solo naman.” panga-asar ni Hiro. “Kanina pa hindi mapakali si —-“ natigil ito sa pagsasalita at napaigik nang sikuhin ng katabing si Xian.

            “Okay, uwi na lang muna tayo. May bukas pa ulit para magkita-kita. Magre-review pa ako para sa exam.” pumalakpak pa si Mikko pagkasabi niyon.

            Tumayo na din ang ibang kaibigan niya at nag-inat. “Nasobrahan yata tayo ng pagsasayaw ngayon, nananakit iyong katawan ko.” ani Jeremy.

            “Matanda ka na kasi kaya makunat na buto mo.” komento ni Joshua.

            “Wow, magka-edad lang tayo? Ibig sabihin, makunat na din buto mo?” balik nito.

            “Tumigil na nga kayo, pareho lang naman kayong matanda. Huwag na kayong magtalo.” pigil ni Zach sa dalawa.

            “Ay, payag kayo no’n? Sinasabihan kayo ng pinaka-bata. Matanda na daw kayo.” panggagatong ni Liam sa asaran. Napahugot na lang ng malalim na hininga si Santi habang tinitingnan ang papalayong mga kaibigan.

            Nakita pa niyang nagpaalam ang mga kapatid ng mga kaibigan niya kay Karin na nakangiti nitong sinasagot. Ang huling nagpaalam sa dalaga ay ang kuya niya. Hindi niya naririnig ang pinagu-usapan ng mga ito pero tumatango-tango lang si Karin sa mga sinasabi ni Kuya Peter.

            Hindi talaga niya alam kung bakit naiinis siyang makita na masyadong malapit ang mga ito sa isa’t-isa. Kung tutuusin, kapatid niya ang dahilan kung bakit niya nilapitan ang dalaga. Ito ang dahilan kung bakit siya nakipag-kaibigan kay Karin. Ito ang dahilan kung bakit nararamdaman niya ang mga ganoong pakiramdam. Mga pakiramdam na ngayon ko lang naranasan sa buong buhay ko.

            Nagyakap ang dalawa bago nakangiting nagpaalam sa kanya si Kuya Peter. Sumaludo lang siya dito at tumango bago tuluyang lumapit kay Karin.

            “Malayo ba dito iyong Bittersweet?” tanong nito sa kanya nang silang dalawa na lang ang natira doon.

            “Walking distance lang naman. Pero kung ayaw mong maglakad, puwede kong hiramin iyong motor ko kay Xian.” sagot niya. “Magpapalit lang ako ng T-shirt dahil mabaho na ako.” mabilis na paalam niya sa dalaga. Hindi na niya hinintay ang sagot ni Karin at basta na lang itong tinalikuran.

            Hindi niya alam kung ano ang dahilan ng kabang nararamdaman niya na may kinalaman dito. Ngayon lang siya hindi mapakali at parang may pakiramdam na gusto niyang tumakbo sa buong court nang walang tigil habang kasama si Karin. Nasanay na kasi siya sa pakiramdam na kalmado ang buong sistema niya kapag kasama niya ito. Kumportable, payapa, kuntento.

            Anong mayroon at ganito ka-hyper ang buong pagkatao ko?

            Nag-spray pa siya ng pabango bago nagmamadaling binalikan ang dalagang abala na sa pagtingin sa paligid. “Let’s go?”

            Bumaling ito sa kanya, deretso ang tingin sa mga mata niya at tumango. “Maglakad na lang siguro tayo kung hindi ka pagod.”

            “Hindi naman ako pagod, puwedeng-puwede tayong maglakad.” agad na pagpayag niya. Kung iyon ang magiging paraan para makasama niya ito ng matagal, okay na sa kanya.

            Gusto mo siyang makasama ng matagal?

            Si Kuya kasi ang kausap niya kanina, ngayon ko lang siya makakausap ulit. Kaya gusto ko siyang makasama ng matagal.

            Pero, bakit?

            Bakit nga ba?

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12